Nalumpo ang Babae Dahil sa Isang Aksidente; Kasalanan Niya Rin Naman Pala ang Nangyari

“Hanapin n’yo ang bumangga sa kapatid ko. Gusto kong maranasan niya kung gaano kahirap ang malumpo,” may diing utos ni Atelya. Hinding-hindi siya makakapayag na ang kaniyang kapatid lamang ang makakaranas ng pagdurusa.

Halos isang buwan na ang nakalilipas nang isang kotse ang nakasagasa kay Alaina habang papatawid ito sa kalye. Sa halip na dalhin ito sa pinakamalapit na pagamutan ay iniwan na lamang basta ito ng hindi pa nakikilalang driver ng nakabangga rito.

Magkahalong kaba at galit ang naramdaman ni Atelya noon habang hinihintay ang doktor na lumabas. Kaba dahil sa isiping maaaring mawala ang nag-iisa niyang pamilya at galit sa sarili dahil hindi niya naprotektahan ang kapatid niya. Ulila na sila sa magulang pagkabata pa lamang kaya ipinangako niyang aalagan at poprotektahan niya si Alaina. Pangakong nasira rin niya.

Laking pasasalamat ni Atelya at buhay pa rin ang kapatid niya kahit ang kapalit nito ay ang pagkaparalisado ng dalawang paa. Ngayon na maayos na ang lagay nito ay nais niyang pagbayarin ang may kasalanan kung bakit lumpo na ngayon si Alaina.

Matapos ibaba ang tawag ay pumunta siya sa kwarto ni Alaina. Mahimbing itong natutulog kaya dahan-dahan siyang naupo sa paanan nito. Nakatitig lang siya sa maamo nitong mukha at nangingilid ang mga luha sa kaniyang mga mata.

“P-paano nalang si ate kung nawala ka rin?” Hindi naiwasan ni Atelya na gumaralgal ang boses.

“Takot na takot ako noon, Al. Natatakot akong mawala ka sa akin,” may bahid ng pagkadismaya sa sariling saad pa niya.

“Pagbabayarin ko ang may gawa nito sa ‘yo. Humanda siya dahil hindi niya kilala ang binangga niya.” Kumuyom ang kamao niya habang nakatitig pa rin sa kapatid na maamong natutulog.

Advertisement

Inayos ni Atelya ang naalis na kumot ng kapatid bago ito hinalikan sa noo.

Dahan-dahan siyang umalis sa kwarto ni Alaina upang hindi ito magising at isinarado ang pinto.

Pagkaalis ni Atelya ay nagmulat ng mata si Alaina. Pinunasan niya ang luhang hindi niya namalayang tumulo na pala. Hindi niya gustong makita ng kapatid na lumuluha siya lalo’t prinsesa ang turing nito sa kaniya. Nangangamba rin siya sa kayang gawin ng kapatid niya dahil sa hindi inaasahang pangyayari kaya sana ay nakalayo na ang lalaking sumagasa sa kaniya.

Kung tutuusin ay kilala niya ang nakasagasa sa kaniya. Hindi niya lamang magawang sabihin sa kapatid sa katotohanang nangangamba siya para dito. Kilalang matapang at may hindi magandang klase ng mga kabarkada ang kapatid niya. Halos lahat ng tambay ay kaibigan nito at ang iba ay galing pa sa bilangguan.

Hindi rin alam ni Alaina kung paano nakuha ng kaniyang kapatid ang tiwala ng mga ito o kung paanong parang ito pa ang boss sa lahat. Ang tanging alam lang niya ay kaya nitong magpaligpit ng kung sinong gusgustuhin nito na ipinapanalangin niyang huwag naman sanang mangyari.

Kinabukasan ay may natanggap na tawag si Atelya. Nahanap na raw ang nakasagasa sa kapatid niya.

Mabilis na tinapos ni Atelya ang pagkain, at ganoon din si Alaina.

“Sasama ako.” Napatingin si Atelya sa kapatid na bakas ang lungkot sa mga mata. Bumuntong hininga si Atelya bago tumango.

Advertisement

Isang maliit at lumang bahay ang tinigilan ng kanilang sasakyan. Maraming kalalakihan sa labas at tila nagkakasiyahan. Isang lalaki ang bumuhat kay Alaina at inilagay sa wheelchair bago itinulak papasok said bahay.

Doon nakita ni Alaina ang dating kasintahang si Froy, na siya ring salarin sa sadyang pagkakabundol niya. Malaki ang ipinayat ng katawan nito at kitang kulang sa tulog. Napansin siya nito at dali-daling naglumuhod sa kaniya.

Tahimik na umiyak si Alaina. Nakausap na niya ang kapatid habang nasa sasakyan sila at ipinagtapat niya ang lahat dito.

“P-pinapatawad na kita. Hindi madali ang lahat pero totoo, pinapatawad na kita. Mapatawad mo rin sana ako dahil hindi ako naging tapat sa’yo. Nagkamali akong lokohin ka kaya mo nagawa ang lahat, hindi ba? Nakita mo kami kaya mo nagawa ‘yon?” Umiiyak na tumango si Froy.

Hinawakan ni Alaina ang kamay ng dating kasintahan. Na nagawa lang naman siyang saktan dahil niloko nʼya ito.

“May mas hihigit pa sa akin. Minahal kita, totoo iyon, pero hindi ko rin alam kung bakit bigla na lamang nawala. Mahanap mo sana ang babaeng karapat-dapat sa ‘yo.” Humagulhol ng iyak si Froy na parang batang inagawan ng kendi.

Tinanguan niya ang kapatid at inaya nang umalis sila.

Ang totooʼy alam niyang karma niya ito dahil sa ginawa niyang panloloko kay Froy gayong ikakasal na sila. Malugod niya iyong tatanggapin bilang tanda ng kaniyang pagsisisi.