Pinag-ipunan Niya Talaga ang Concert ng Paboritong Banda Ngunit Bandang Huli ay Ibinigay Niya Iyon sa Iba; Isang Pagtatagpo Pala ang Kapalit

Pinag-ipunan Niya Talaga ang Concert ng Paboritong Banda Ngunit Bandang Huli ay Ibinigay Niya Iyon sa Iba; Isang Pagtatagpo Pala ang Kapalit

FamilyInspiringStories

“Grabeeee! Ayan na, bentahan na ng tickets! Naku excited na talaga akong makita ang Lilim Band!” tili ng bente anyos na si Rita. Napangiti naman ang kasambahay nilang si Yoli nang makitang tuwang-tuwa ang alaga. Nang lapitan niya ito ay nagulat siya sa nakitang presyo ng isang tiket para makanood sa concert ng paborito nitong banda, tumataginting na 20,000 pesos!

“Napakamahal naman niyan, Rita! Naku po, ginto ba talaga ang tinig nila at ganiyan kamahal?!” ‘di makapaniwalang tanong niya. Lagpas dalawang dekada na siya kasama ng pamilya nila Rita at siya na rin halos ang nagpalaki dito kaya parang anak niya na rin ito.

“Oo nga po Tiya Rita eh. Kaya imbes na manghingi kila mommy, matagal ko po talagang tinipid ang allowance ko. ‘Pag napakinggan mo sila, ay naku! Sulit po talaga ‘yan!” nakangiting sabi nito sa kaniya.

“Napakabait mo talaga na bata! Naku!” magiliw niyang pinisil ang pisngi nito. Alagang-alaga ito ng mga magulang ngunit hindi naman ito pinalaki sa layaw. Natutuwa din siya dahil sadyang magalang, mabait, at matulungin ito.

“Bukas nga po pala ang alis niyo ‘no? Ingat po kayo ah,” sabi ni Rita at yumakap sa kaniya. Malungkot na ngiti lang ang sagot ni Yoli.

Taon-taon, tuwing ika-10 ng Nobyembre ay buong araw wala si Yoli. Sa kanila na ito nakatira at hindi lumalabas maliban na lang kung mamamalengke, at kung sasapit ang takdang petsa. Umaga ito umaalis at gabi na bumabalik, hindi alam ni Rita kung saan ito pumupunta. Tinangka niyang tanungin ang mga magulang ngunit sinabihan siya ng mga ito na huwag nang mag-usisa. Naisip na lang ni Rita na baka may importante itong okasyon na pinupuntahan.

Sumapit na nga ang pinakahihintay niyang araw, sa wakas ay makikita na niya sa isang concert ang paborito niyang banda. Hindi lang iyon, dahil ang pinakamahal na ticket ang binili niya, may tsansa pa siyang makita ang mga ito sa backstage. Nang hapong iyon ay handa na ang damit niyang susuotin. Sinigurado niyang magandang-maganda siya ‘pag kaharap na niya ang mga ito.

Suportadong-suportado naman siya ng Tiya Yoli niya dahil pati hanggang stadium ay sinamahan pa siya nito. Pagdating niya ay may malaking poster doon ng banda kaya nagpakuha siya kay Tiya Yoli ng larawan. Ngunit nagtaka siya dahil nang lingunin niya ito ay sobrang putla ng mukha nito at mukhang gulat na gulat.

“E-eh, Tiya Yoli? Hello? Okay lang po ba kayo?” nag-aalalang tanong ni Rita. Nakatitig lang ang tiya sa malaking poster ng Lilim Band at bigla itong humagulgol ng iyak.

Labis na nataranta ang dalagita kaya’t umupo sila sa isang gilid upang magpahinga at pakalmahin ito. Matapos ang mahabang katahimikan, sa wakas ay ipinagtapat din ni Tiya Yoli ang dahilan ng reaksyon nito.

“23 years na pala ang nakalipas… masaya kami ng asawa ko dahil biniyayaan kami ng anak. Ngunit ilang buwan pa lamang siya noong tumama ang isang napakalakas na bagyo sa aming lugar. Walang natira sa akin… bahay, kabuhayan, at ang mag-ama ko. Nobyembre 10 noong matagpuan ang katawan ng asawa ko ngunit hindi ni Alex, ang baby ko. Pero, ang lalaking nasa gitna ng poster, kasing-edad na siguro siya ng anak ko, at kamukhang-kamukha siya ng yumao kong asawa! Rita, hindi kaya..” nagsusumamo ang tingin ng tiya sa kaniya at napuno ng awa ang kaniyang puso.

Ni hindi alam ni Rita na ganoon pala kalalang trahedya ang dinanas nito. At kada taon ay ipinagluluksa pa rin nito ang mag-ama. Dahil sa mga impormasyong sinabi nito ay nagkakutob siya na marahil si Kyle Cruz, ang bokalista ng Lilim Band, nga ang nawawalang anak ni Tita Yoli. Dahil sa pagmamahal sa babaeng nagpalaki sa kaniya ay nabuo ang pasya ni Rita na gawin ang isang bagay.

“Tiya Yoli, eto po,” sabay abot niya ng kaniyang concert ticket. “Pagpasok niyo po hanapin niyo lang ang upuan niyo, pagkatapos ng concert at pwede niyo na pong malapitan si Kyle, yung tinutukoy niyo po na kamukhang-kamukha ng asawa niyo. Baka sakaling siya nga po ang matagal niyo nang hinahanap.

“Pero Rita… alam kong pinaghirapan mo ito,” nag-aalangan ngunit puno ng pag-asa ang tingin ng tiya.

“Napakaswerte ko po na kayo ang nagpalaki sa akin. Kulang pa po yan bilang kabayaran. At ‘wag na po kayo mag-alala! Bibili na lang ako ng pinakamurang ticket, maririnig ko pa rin naman sila kahit malayo,” iyon lang at nagyakapan ang dalawa.

Personal ngang nagkita sina Kyle at Tiya Yoli na nauwi sa isang madamdaming tagpo. Alam din pala ng lalaki na ampon lang siya at matagal na rin niyang hinahanap ang mga magulang. Ang isang beses na pagtatagpo ay nadugtungan ng ilang beses pa hanggang mapatunayan nga na tunay silang magkadugo. Hindi matawaran ang kaligayahan sa puso ng mag-ina.

“Nagsimula akong mag-banda para mahanap ko kayo, at sa wakas mukhang umabot sa langit ang musika ko. Salamat ‘nay, babawi tayo sa lahat ng panahong nawala. Salamat din sa’yo Rita, hulog ka ng langit,” ngiti ni Kyle sa dalaga.

Kinikilig man ay mas nag-uumapaw sa tuwa ang puso ni Rita na ngayong makitang masaya ang dalawa. Masaya siyang magamit ng Diyos sa magandang pangyayaring iyon. Natutunan niyang wala talagang imposible kung magtitiwala lang tayo sa kaniya.

More Stories