Nagalit ang Dalaga sa Kapatid na Sinto-sinto; Ito ang Nangyari Nang Mawala Ito

“’Yan na nga ba ang sinasabi ko! Ayaw kasing umayos, tingnan mo, natapon na!”

Napaiktad ang sintu-sintong si Lito sa biglang pagsigaw na iyon ng kapatid na si Dina. Paano’y ngayon lang naman kasi niya nakitang ganito ito sa kaniya.

Mahal na mahal kasi ng kaniyang pamilya ang binata, lalo pa’t ipinanganak siyang may kapansanan. Hindi kasi normal ang kaniyang pag-iisip, dahil mabagal ang development n’yon kumpara sa ibang kaedad niya. Bente anyos na si Lito ngunit ang isip niya’y animo katulad lang ng sa singko anyos na bata.

Kasalukuyang pinakakain ni Dina ang kaniyang kuya na tatlong taong gulang ang tanda sa kaniya. Ngunit wala itong ibang ginagawa kundi ang maglaro kaya naman nagkanda tapon na ang kinakain nito.

Sa inis ay padabog niyang ibinagsak ang pagkain ng kaniyang Kuya Lito at nilayasan ito. Nagkulong siya sa kaniyang kwarto’t doon nag-iiyak.

“Dina? D-Dina, sorry. Halika, kain na ulit tayo. Hindi na maglilikot si kuya,” pangangatok ni Lito sa kapatid na ngayon ay inis na inis at nagkukulong sa kwarto.

“Ayoko! Sawang-sawa na ako sa ’yo! Umalis ka riyan! Ayaw muna kitang makita!” hiyaw pa niya.

Dalawa lamang kasi silang narito sa bahay dahil ang mga magulang nila’y madalas na nasa trabaho at gabi na kung umuwi.

Advertisement

Ang totoo, hindi naman talaga dahil sa natapong pagkain o sa paglilikot ni Lito naiinis si Dina… iyon ay dahil nabu-bully siya ngayon sa school buhat nang malaman ng mga kaeskuwela niya na hindi normal ang kaniyang kuya.

Nang minsang dumalaw kasi ang mga kasi ang kaniyang mga kaibigan sa kanilang bahay ay kinulit sila ng kaniyang kuya. Palibhasa’y minsan lang ito makakita ng ibang tao sa kanilang bahay.

Simula noon ay nilayuan siya ng kaniyang mga kaibigan. Bukod doon ay pinagkalat pa nila ang tungkol doon at ginamit bilang pangungutya sa kaniya.

Iniyak na lamang ni Dina ang lahat ng kaniyang sama ng loob, hanggang sa makatulugan na niya iyon.

Nagising si Dina na puno ng pagsisisi nang maalala ng nagawa niya sa kaniyang kuya. Nadala lamang siya ng galit kaya niya ito nasigawan. Alam niyang hindi niya dapat isisi sa kapatid ang kakitiran ng utak ng mga taong nangungutya sa kanila. Kung tutuusin ay masahol pa sa isip ng isang sintu-sinto ang utak ng mga taong nanlalait ng mga taong may kapansanan. Sila ng tunay na hindi dapat kinakaibigan.

Hindi na nag-abala pang maghilamos si Dina at agad na lumbas ng kwarto upang humingi ng pasensya sa kaniyang kuya… ngunit wala ito!

Nahalughog na ni Dina ang buong bahay ngunit hindi talaga niya makita ang kapatid!

Lalong kinabahan si Dina nang makitang bukas pala ang kanilang gate! Nakalabas na ang kaniyang kuya!

Advertisement

“Hello, mama? Pwede po ba kayong umuwi? Nawawala po ang kuya!” umiiyak na sabi ni Dina sa kaniyang ina at inamin ang nagawa niyang kasalanan.

“Diyos ko! Sige, anak, tatawagan ko ang papa mo,” sagot naman ng kaniyang ina bago ibaba ang telepono.

“Kuya Lito, nasaan ka na?”

Patuloy na naghahanap si Dina. Kung saan-saan na siya napadpad sa paghahanap kay Lito ngunit hindi niya pa rin ito mahanap.

Nawawalan na ng pag-asa si Dina at labis niyang sinisisi ang sarili. Hindi na niya alam ang kaniyang gagawin.

Humingi na ng tulong ang kaniyang mga magulang sa pulis at naghiwa-hiwalay na rin sila sa paghahanap. Ngunit inabot na sila ng gabi’y hindi pa rin nila ito nakikita.

Bagsak ang balikat nina Dina at ng kaniyang mga magulang nang umuwi sila ng bahay. Talagang hindi nila nakita pa si Lito.

Ngunit laking gulat nila nang sa pagbukas nila ng ilaw ng kanilang tahana’y biglang may sumigaw…

Advertisement

“Surprise!”

Si Lito!

Nanlaki ang mga mata ni Dina nang makita ang kapatid. Nakahinga naman nang maluwag ang kaniyang mga magulang.

Dali-daling dinamba niya ng yakap ang kaniyang kuya at napaiyak na lang siya sa tuwa.

“Saan ka ba galing, kuya? Pinag-alala mo kami!” tanong niya sa kapatid sa pagitan ng kaniyang mga yakap.

“Bumili ako ng surprise, Dina, kasi galit ka sa akin, kasi makulit ako saka malikot,” sagot naman ni Lito. Doon lang napansin ni Anika ang pinag-are-areglong mini-cupcakes sa mesita n ginuhitan ng makukulay na icing upang mabuo ang salitang “SORRY.”

Lalong napaiyak si Dina.

“Sorry, kuya! Hinding-hindi na kita aawayin ulit. Mahal kita, kuya, kahit ano ka pa.”

Advertisement

“Bati na tayo?” ngiting tanong pa ni Lito at nagkatawanan sila.

Isang mahigpit na yakap ang iginawad ng pamilya sa isa’t isa bago nila pagsaluhan ang mini cupcakes na binili ni Lito.