Pagsasaka ang Bumuhay sa Kanila; Ipinagmamalaki Niya Iyon Kahit Mahirap Lamang Sila

Pagsasaka ang Bumuhay sa Kanila; Ipinagmamalaki Niya Iyon Kahit Mahirap Lamang Sila

FamilyStoriesSuccess

Wiling-wili si Aileen na manuod sa mga magtatalok na nag-uunahang makaabot sa dulo, noong bata pa lamang siya. Laking probinsya siya kaya pagsasaka ang naging hanapbuhay ng halos lahat ng tao sa kanila.

Marangal naman ang trabahong iyon, gaya ng palaging sinasabi ng ama ni Aileen, kaya naman tumatak iyon sa kaniyang isip.

Minsan pa’y nakikiusap siya sa ama na isama siya sa bukid upang matutunan ang trabaho roon, ngunit pinipilit nito na mag-aral na lamang siya dahil mahirap daw magtalok.

Habang lumalaki ay maayos naman ang lahat ngunit nang tumuntong siya sa edad na bente anyos ay pinilit niyang lumusong sa putik upang makatulong sa magulang.

Sa dami ng utang nila, pagkatapos ay nag-aaral pa siya sa kolehiyo ay napakaraming gastusin ng pamilya nila. Hindi na halos masuportahan ng kaniyang ama ang araw-araw na gastusin nila sa bahay. Hindi rin sapat ang apat na libong kinikita niya sa isang buwan sa pagsa-sideline niya bilang isang tutor.

Tunay na ayaw ng kaniyang ama na lumusong siya sa putik ngunit wala na itong nagawa.

Nang una ay masayang-masaya si Aileen. Suot niya ang damit na pang-trabaho ng ama, pantalon, pamingi o pantabon sa mukha at sumbrero panlaban sa matinding sikat ng araw.

Napakarami nilang nagpunta sa kulang-kulang dalawang ektaryang sakahin. Maraming bata rin na kasama na ng kanila ring mga magulang na sa murang edad ay nagbabanat na ng buto.

Alas-otso nang simulan nila ang pagtatalok. Isinaisip ni Aileen ang itinuro ng kaniyang Tiya Wilma. Napapatingin siya sa kaniyang mga kasamahan na napakabilis ng pagbugsok ng punla sa lupa samantalang siya’y hadya pang makatapos ng isang saknong. Gayunpaman, ipinagpatuloy ni Aileen ang nasimulan at hinihiling na sana ay matapos na nila ang ginagawa’t nang sila’y makapagpahinga na.

Malapit nang sumapit ang alas-dose, nakaramdam ng gutom ang lahat kaya umahon muna at kumain ang nasa dalawampu’t anim na kataong kasama nila. Masayang naghahati-hati sa kung anong mayroon ang bawat isa. Sa kabila ng hirap ay nagagawa nilang tumawa na siyang halos ikalaglag ng luha ni Aileen.

Nang makapagpahinga matapos kumain ng tanghalian ay bumalik na uli sila sa taniman. Unti-unti ay nakaramdam ng hindi kaaya-aya si Aileen. Unti-unti niyang pinakiramdam ang sarili at sa ilalim ni haring araw ay kinain nito ang lahat ng kaniyang lakas.

Napapikit si Aileen, masakit na ang kaniyang mga hita at baywang sa hanggang tanghaling pagkakayukod at pagtusok ng punla sa lupa. Halos panawan siya ng ulirat at matumba sa putikan kung hindi niya lamang pinalakas ang loob niya.

“M-mama, h-hindi ko na kaya,” mahinang saad ni Aileen at unti-unti ay tumulo ang masagana niyang luha.

Nahihiya man ay umalis siya sa talukan at nagpahinga. Tanaw niya ang mga kasamahan na tila hindi ramdam ang sikat ng araw at hirap ng ginagawa. Tanaw rin niya ang ama’t inang patuloy din ang pagtusok ng punla sa putikan.

“Ang hirap pala talaga ng ginagawa n’yo para lang makapagtapos ako ng pag-aaral, mama, papa,” nasabi pa ni Aileen sa kaniyang sarili.

Kinabukasan, muling sumama si Aileen sa talukan. Ganoon pa rin kahirap kumita ng pera ngunit mas pinatatag niya ang kaisipan at sarili, dahil kailangan niyang tulungan ang magulang para sa araw-araw na gastusin. Sa isang araw na pagtatalok ay kumit siya ng halos tatlong daang piso, hindi na raw masama sa isang baguhang katulad niya.

Lumipas ang dalawang taon bilang kolehiyala at isang magtatalok, naabot ni Aileen ang pangarap na maging guro. Hindi na niya muling pinalusong sa putikan ang mga magulang. Pinilit niyang huwag na ang mga itong pagtrabahuhin lalo’t naranasan din niya ang hirap na ilubog ang dalawang paa at kamay sa putikan.

Sa bawat araw na nagtuturo siya sa mga estudyante ay itinuturo rin niya ang mga aral na napulot niya bilang isang anak magsasaka.

Palaging ibinibida ni Aileen na ang pagsasaka ang siyang bumuhay sa kanilang pamilya at siyang nakapagtapos sa kaniya sa pag-aaral.

Hindi na kaya pang ipagpatuloy ng kaniyang mga magulang ang pagsasaka dahil matanda na’t mahina ang mga ito. Ganoon pa man ay tatanawin ni Aileen ang malaking utang na loob sa pagsasaka.

Sa kasalukuyan ay siya na ang nagsisilbing breadwinner ng kanilang pamilya at masaya naman si Aileen doon. Sa wakas ay nasusuklian niya na ang lahat ng pagod at paghihirap ng kaniyang mga magulang.

More Stories