Mahilig Manlamang ang Tindera; Grabe Pala Kapag Tadhana ang Nandaya sa Kaniya

Maingay na naman ang tanghaling iyon sa palengke. Linggo kasi kaya dagsa na naman ang mga mamimili, lalo’t malapit na ang Pasko.

Halos magsiksikan na ang mga taong namamalengke. Nagkakatulakan na rin at nagkakagitgitan.

Tindera ng mga prutas si Aling Estrelya. Ngunit nagtataka ang ilan sa kaniyang mga nasa hanay nang mapansing tila hindi siya napapagod sa pag-aalok ng paninda sa mga dumaraang mamimili, mapabata man o matanda.

“O, sukli, oh!” Iniabot ni Aling Estrelya ang sukli ng babaeng bumili sa kaniya. Dahil nga siksikan at nagmamadali ang mga tao ngayon ay hindi na nito binilang pa ang kaniyang ibinigay na sukli at basta na lamang isinilid sa kaniyang pitaka.

Natatawa naman si Aling Estrelya sa likod ng kaniyang isipan dahil nakapanlamang na naman siya. Sinadya niya kasing kulangan ang sukling ibinigay niya sa mamimili dahil alam niyang hindi na nga nito iyon bibilangin.

Tubong lugaw si Aling Estrelya dahil madalas ay umeepekto nga ang kaniyang istratehiya. Hindi bababa sa limang daang piso kada araw ang nakukulimbat niya sa ganoong gawain.

Iyon ang dahilan kaya tila walang pagod ang ale sa pagtitinda.

“Isang libo mahigit ang naipon ko ngayon, ah!” masayang bulong ni Aling Estrelya sa kaniyang sarili habang binibilang ang kaniyang kinita bago niya isara ang tindahan.

Advertisement

“Bukas kaya, magkano ang kikitain ko?” tanong niya pa habang nakadarama ng pananabik na isiping malaki na naman ang kikitain niya bukas.

Ipinagpatuloy ni Aling Estrelya ang ganoong klase niyang estratihiya kahit pa alam naman niyang masama ang kaniyang ginagawa. Ang mahalaga sa kaniya’y kumita lamang ng pera at itambak iyon sa kaniyang malaking alkansya.

Mag-isa lang sa buhay ang matanda. Hindi siya nakapag-asawa’t nagkaanak dahil mas gusto niya lamang na alagaan ang sarili kaysa magdagdag pa ng pakakainin. Matagal din kasi siyang nalulong sa sugal at nito lang nang huminto siya.

Ngunit tila yata hindi palaging umaayon sa kaniya ang kapalaran, dahil isang araw, sa kalagitnaan ng kaniyang pagtitinda at panlalamang sa kapwa’y bigla na lamang siyang nabuwal sa kaniyang kinatatayuan.

“Naku, tulungan n’yo si Estrelya! Dalhin natin sa ospital!” naulinigan niya pang hiyaw ng isa sa kaniyang mga kapwa tindera bago siya tuluyang mawalan ng ulirat.

Nagising si Estrelya sa ospital nang wala siyang kasama. Paano’y kinailangan namang magsibalik sa trabaho ng mga nagdala sa kaniya roon.

Kumikirot pa ang kaniyang dibdib at halos hindi na niya magawa pang igalaw ang kalahati ng kaniyang katawan.

“Stroke po ang dahilan ng pagkaparalisado n’yo,” balita noon ng doktor kay Aling Estrelya na halos ikaguho ng kaniyang mundo.

Advertisement

“Ano? Hindi totoo ’yan!” sigaw niya pa kahit na hindi na niya masiyadong maibukas ang kaniyang bibig.

Biglang tumulo ang kaniyang luha at unti-unting bumalik sa alaala niya ang lahat ng mga panlalamang na ginawa niya sa kapwa… Ngayon kasi ay ibinabalik na iyon ng kapalaran sa kaniya. Kapalaran naman ngayon ang siya’y nanlamang sa kaniya.

Ang mga perang nakulimbat niya sa masama niyang gawain ay kulang pa pala sa mga gastusin niya sa ospital, lalo’t wala namang ibang tutulong sa kaniya. Ngayon niya napagtantong napakahirap palang mamuhay nang mag-isa.

Nagsisi si Aling Estrelya sa kaniyang mga ginawa. Taimtim siyang nagdasal sa Panginoon at sa unang pagkakataon ay humingi siya ng tulong sa Diyos.

Nang araw ding iyon ay dinalaw siya ng isa sa kaniyang mga pamangkin sa pinsan dahil nabalitaan daw nito ang nangyari sa kaniya. Nagmalasakit itong tulungan siya at itinuring niya iyong isang himala.

“Malaki ang kasalanan ko, hija. Kaya naiintindihan kong walang taong gustong tumulong sa akin,” malungkot na wika noon ni Aling Estrelya sa kaniyang kausap na sinagot naman siya ng ngiti.

“Mabuti ang Diyos, tiya. Handa siyang magpatawad sa mga taong totoo ang pagsisisi sa puso. Kung siya nga’y kayang magpatawad nang ganoon kabilis, ano pa kaya tayo?” makahulugan pa ang naging sagot ng dalaga.

Simula n’on ay unti-unting bumuti ang pakiramdam ni Aling Estrelya hanggang sa siya ay makabalik nang muli sa pagtitinda.

Advertisement

Hindi na muling inulit pa ng matanda ang kaniyang mga ginagawa noon, bagkus ay marangal na lamang na nagtrabaho. Maliit man ang kita’y ayos lang. Mas mabuti na iyon kaysa naman muli siyang dapuan ng karma.

Malaki na ang pasasalamat niya na binigyan siya ng Diyos ng pangalawang pagkakataon at sinisigurado niyang hindi niya na sasayangin pa iyong muli.