Kinukutya ang Ginang dahil sa Hindi Kayang Ibigay ng Kaniyang Asawa; Sa Pagdiriwang ng Kanilang Anibersaryo ay Mapapanganga Sila sa Regalo ng Ginoo

Kinukutya ang Ginang dahil sa Hindi Kayang Ibigay ng Kaniyang Asawa; Sa Pagdiriwang ng Kanilang Anibersaryo ay Mapapanganga Sila sa Regalo ng Ginoo

LoveStoriesSuccess

“Ano ba naman ‘yan, Marilyn! Ayan na naman ang suot mo. Sa tuwing aalis na lang tayo at pupunta sa salu-salo ay iyan ang suot mo. Iisa lang tuloy ang itsura mo sa mga larawan,” kantiyaw ni Darla sa kaniyang kumare. 

“Hindi ko tuloy alam kung paborito mo lang ang damit na ‘yan o talagang wala ka lang masuot,” dagdag pa ng ginang. 

‘Hayaan mo na, mare. Malamig kasi sa katawan ang damit na ito. Walang kaso sa akin kung iisa lang ang suot ko sa mga larawan ang mahalaga sa akin ay maayos ang aking dating,” tugon naman ni Marilyn. 

“Hay, naku. Siguro ay hindi ka binibigyan ng asawa mo ng pambili ng bago. Buti na lang si Renato ko ay diretso agad sa akin ang sahod. Nasa akin ang kaban!” saad pa ni Darla. 

“Ganiyan din naman si Edgar sa akin. Pero hindi lang talaga ako palabili ng mga bagay na hindi mahalaga. Inilalaan ko na lang para sa mga mas inportanteng pangangailangan namin,” sambit muli ni Marilyn. 

“Bakit kasi iyang si Edgar pa ang napili mo? Kung siguro ang mayamang si Arman ang napangasawa mo ay napakaganda ng buhay mo ngayon,” pahayag pa ng kumare. 

“Kahit na hindi kami mayaman, Darla, masaya ako sa asawa ko dahil isa siyang responsable at mapagmahal na asawa. Mahirap nang makahanap ng tulad niya,” pagtatanggol ni Marilyn sa asawa. 

“‘Yan ang mga sinasabi ng mga asawang hindi na makawala. Pero alam ko sa loob-loob mo ay gusto mo rin na yumaman at maranasan ang mga bagay na nararanasan ng ibang maybahay,” giit pa ng kumare. 

Mga dalaga pa lamang ang dalawa ay magkaibigan na sila. Kahit na nagkahiwalay ng landas sa kanilang tinahak ay nanatiling magkaibigan ang dalawa. Malaki ang panghihinayang ng mga tao kay Marilyn dahil maraming siyang mayamang manliligaw noon ngunit bumagsak lamang daw ito kay Edgar, isang tindero ng baboy sa palengke. 

Ngunit hindi ito iniinda ng ginang sapagkat tulad ng kaniyang sinabi ay masaya siya sa piling ng asawa. 

Isang araw ay nakatanggap ng tawag si Marilyn mula sa kaniyang ina. 

“Marilyn, baka meron kang naitatabi riyan. Kailangan ipagawa ang bubong lalo na magtatag-ulan na. Kailangan ay maipagawa ito kaagad,” wika ng ina. 

“Sige, ‘nay, susubukan ko pong manghingi sa asawa ko kung mayroon kaming sobra,” tugon naman ni Marilyn. 

“Hay, kung sobra lang ay imposible ang sinasabi mo. Pero bahala ka basta kailangan namin ng pampagawa ng bubong at tumutulo na rito,” sambit ng ina. 

Nang sabihin naman ito ni Marilyn sa asawa ay nakahingi ito ng dalawang libong piso. 

“Ano ang aabutin ng dalawang libong piso, Marilyn? Ni hindi ito makakabili ng pamakuan,” saad muli ng ina ng ginang. 

“’Nay, pasensiya na po kasi iyan lang po ang nakayanan namin. Hayaan niyo kapag maganda daw ang bentahan ng baboy ay magpapadala kaming muli ni Edgar,” pagpapaumanhin ni Marilyn. 

“Ewan ko ba kasi sa’yo, Marilyn. Napakaraming lalaki, diyan ka pa sa asawa mo napunta. Kung ‘yung iba na lang ang sinagot mo ay mas maganda sana ang buhay mo ngayon. Mas nakakatulong ka sana sa amin!” sumbat ng ina. 

Masakit sa kalooban ni Marilyn ang kaniyang mga naririnig dahil ginagawa naman ni Edgar ang lahat para mabigyan sila ng magandang buhay. 

Makalipas ang ilang linggo ay nagkita muli ang magkaibigan. Muli ay binuksan ni Darla ang usapin tungkol sa buhay na kayang ibigay ng asawa ni Marilyn sa kanila. 

“Malapit na ang anibersaryo ninyo, pero siyempre tulad ng isang taon ay h’wag ka nang umasa na may reregalo sa iyo ang asawa mo,” wika ni Darla sa kumare. 

“Natatandaan mo pa ba kung kailan ka huling niregaluhan ni Edgar, mare?” tanong na may halong kantiyaw ng kaibigan. 

“Mare, hindi naman importante sa akin ang bagay na iyon. Ang mahalaga ay naaalala niya at mahal niya ako. Sapat na iyon sa akin,” pagtatanggol pa ni Marilyn. 

Kahit na hindi naibibigay ni Edgar ang mga luho na nararanasan ng ibang ginang ay hindi ito naging dahilan para mag-iba ang paningin ni Marilyn sa mister niya. 

Nang dumating ang araw ng kanilang anibersaryo ay nagulat na lamang siya nang imbitahin ni Edgar ang kaniyang mga kamag-anak at mga kaibigan. 

“Sigurado ka ba na maghahanda tayo ng ganoong kalaki para lang sa ating anibersaryo, mahal?” tanong ni Marilyn sa asawa.

“Saan ba itong lugar na ito? Baka naman pagkatapos ng handaan ay magkautang pa tayo. Ayos lang sa akin ang simpleng selebrasyon,” dagdag pag ng ginang. 

“Oo naman, mahal! Sampung taong anibersaryo natin iyon. Mahalaga ang araw na iyon para sa atin. Maganda sa lugar na iyan,” wika pa ni Edgar.

Nang dumating ang araw ng kanilang anibersaryo ay nagulat ang lahat nang sa isang malaking bahay sila lahat nagkita-kita. 

“Edgar, ano ba ang ibig sabihin ng lahat ng ito? Kaninong bahay ba iyan? Nirentahan mo ba iyan para lang dito sa anibersaryo natin? Baka mahal ang ibinayad mo! Saka itong sasakyan, bakit nag arkila ka pa ng ganito?” walang humpay sa pagtatanong ang ginang. 

“Alam mo ang ganda mo sa bagong damit mo, mahal,” tanging tugon ng ginoo kay Marilyn. 

Pumasok ang lahat sa bahay at ang lahat ay namangha. Sa pagmamasid ni Marilyn ay nakita niyang nakasabit doon ang kanilang larawang mag-asawa. 

“B-bakit narito ang larawan natin, mahal?” pagtataka ni Marilyn. 

“Dahil ang bahay na ito at ang kotse na sinakyan natin kanina ay ang regalo ko sa’yo ngayong anibersaryo natin,” nakangiting wika ni Edgar. 

Nanlaki ang mga mata ni Marilyn sa sinabi ng mister. 

“Ito ang pasasalamat ko sa iyo na kahit mahirap ang buhay kapiling ako ay hindi mo ako iniwan. Kaya ginawa ko talaga ang lahat upang mapag-ipunan ang bahay at sasakyan na ito. Ang hindi ko sinasabi sa iyo ay ilan na ang pwesto natin sa palengke. Gusto ko kasi na surpresahin ka,” pahayag pa ng ginoo. 

Napanganga naman ang kanilang mga bisita sa pangyayaring ito. 

“Kaya ko inimbitahan ang mga kamag-anak at mga kaibigan natin ay dahil papabendisyunan na rin natin itong bahay,” wika pa ni Edgar. 

“Mahal, hindi ko alam ang sasabihin ko. Maraming maraming salamat!” walang tigil sa kakaiyak dahil sa kaligayahan si Marilyn. 

“Karapat-dapat ka sa lahat ng magagandang bagay, mahal, dahil hindi ka lamang maganda sa panlabas, napakabuti rin ng puso mo. Maraming salamat at hindi mo kailanman pinagdudahan ang pag-ibig na iniaalay ko sa iyo. Maligayang anibersaryo, mahal ko!” pahayag ni Edgar sabay halik sa asawa. 

Simula noon ay doon na nanirahan ang mag-asawa. Sa wakas pagkalipas ng ilang taon ay magkakaroon na rin sila ng anak. 

Napatunayan ng dalawa na wala sa antas ng buhay ang tunay na pagsasama ng mag-asawa. Tulad ng kanilang sinumpaan ay nagsama sina Edgar at Marilyn sa hirap at ginhawa. 

More Stories