Dahil sa Panloloko ng Nobyo ay Nawalan na ng Tiwala ang Babaeng Ito sa Pag-Ibig; Isang Ka-Chat kaya ang Magbabalik Nito sa Kaniya?

Dahil sa Panloloko ng Nobyo ay Nawalan na ng Tiwala ang Babaeng Ito sa Pag-Ibig; Isang Ka-Chat kaya ang Magbabalik Nito sa Kaniya?

InspiringLoveStories

“Hanggang kailan mo ba ako lolokohin, Paul? Hindi pa ba ako sapat sa’yo? Ngayon pa lang ay sabihin mo na sa akin para tapusin na natin ito. Mas mahal mo ba siya?” pagtangis ni Gail sa kaniyang kasintahan. 

“Sabagay, hindi mo na kailangan pang sagutin. Kasi kung mahal mo ako at nagkaroon ka pa ng iba, tiyak ko na mas mahal mo siya,” saad pa ng dalaga. 

“Sinabi ko naman sa’yo, Gail, kung pinagbibigyan mo sana ako sa mga gusto ko ay hindi na ako maghahanap pa ng iba! Hindi ko naman sinasadya ‘to. Bigla na lang akong nahulog sa kaniya,” tugon naman ni Paul. 

“Halos ibigay ko ang lahat sa iyo, Paul. Kahit kailan ay hindi ako tumingin sa iba. Paano mo nagawa sa akin ang bagay na ito?” walang tigil sa pag-iyak si Gail. 

“Patawad, Gail, pero kailangan na nating itigil ito. Buntis siya at ako ang ama,” pag-amin ng binata. 

Halos gumuho ang mundo ni Gail sa tinuran ng kaniyang kasintahan. Hindi kasi niya akalain at hindi niya alam paano tatanggapin na ang ilang taon nilang relasyon at mga pangarap ay mauuwi lamang sa wala. 

“Gail, lumabas ka riyan sa kwarto mo! Lalaki lang ‘yan! Marami diyang iba. H’wag mo namang pahirapan ang sarili mo ng ganiyan!” sambit ng kaniyang inang si Alma. 

“Kahit kailan ay hindi niyo ako maiintindihan dahil wala naman kayo sa sitwasyon ko. Hindi ko na alam kung paano magsisimula. Ang buong akala ko ay siya na talaga, ma,” pagtangis ng anak. 

“Ganiyan talaga ang buhay, anak. May mga umaalis ngunit may darating din. Gamitin mo ang oras na ito para buuin ang sarili mo. Panahon naman para ikaw ang magbigay ng pagmamahal sa sarili mo, anak,” payo ng ina sabaya yakap sa kaniyang anak. 

Kahit mahirap ay pilit na ibinangon ni Gail ang kaniyang sarili. Kailangan niyang tanggapin na wala ng kinabukasan para sa kanila ng dati niyang nobyo. 

Itinuon niya ang kaniyang atensyon upang mapaunlad ang kaniyang sarili. Minsan ay nakakaramdam pa rin siya ng lungkot ngunit pinipilit niyang hindi ito pansinin. 

Ngunit dahil sa nangyari ay nawalan ng tiwala si Gail na magmahal pang muli.

Isang araw ay nakatanggap ng chat si Gail mula sa hindi kilalang lalaki. Hindi niya ito pinasin. Ngunit lumipas ang mga araw at walang tigil ito sa pagbibigay sa kaniya ng mensahe hanggang sa nakulitan siya. 

“Sino ka ba at ano ang kailangan mo sa akin?” sagot ni Gail sa mensahe ng lalaki. 

“Wala lang, sa tingin ko kasi ay interesante ka,” tugon naman ng lalaki. 

Kahit na pilit na binabalewala ni Gail ang mga pagpapapansin nito ay walang sawa ang lalaki sa pagpapadala ng mga mensahe. 

“Nagpapadala pa ba ng mensahe sa iyo ‘yung kinuwento mong lalaki noong nakaraan?” tanong ng kaibigan ng dalaga na si Krisha. 

“Yung Patrick? Oo, hindi ko nga alam kung paano niya nakita ang profile ko. Nakakairita na siya sa totoo lang,” tugon ni Gail. 

“Patingin nga ng itsura ng lalaking ‘yan!” saad ng kaibigan. 

Nang makita ng kaibigan ni Gail ang itsura ng lalaki ay napamangha ito. 

“Gusto mo, Gail, ako na lang ang makikipag-chat sa lalaking iyan. Grabe ang gwapo!” wika muli ni Krisha. 

“Puro ka kalokohan, Krisha. Tingin mo ay totoong siya ‘yan? Saka sabi dito ay taga ibang bansa tapos ay nagtatagalog! Tigilan niya ako. Alam mo wala na akong tiwala talaga sa mga lalaki,” wika pa ng dalaga. 

Ngunit hindi huminto ang lalaki sa pagpapadala ng mensahe hanggang sa kinasanayan na ito ni Gail. Isang araw ay himalang walang ipinadalang mensahe ang lalaki. Hindi alam ng dalaga ngunit parang na-mimiss niya ito ng bahagya. 

Lalo pa siyang nakaramdam ng lungkot ng makita niya ang dating kasintahan na ikinasal na sa iba. 

Bigla na lamang tumunog ang kaniyang telepono at doon ay nabasa niyang nag-chat na naman muli ang lalaki. Dahil sa wala siyang mapagsabihan ng nararmdaman ay binuksan niya ito sa lalaki. 

“Sabi nila ay mas madali daw magsabi sa taong hindi mo kilala. Sa tingin ko ay hindi naman talaga kita kilala at walang tyansa na magkita tayo. Pero alam mo sa totoo lang ay malungkot ako ngayon — walang kasing lungkot,” saad ng dalaga. 

“Gusto mo bang pag-usapan natin? Makikinig ako,” tugon naman ng lalaki. 

Hanggang sa tinawagan siya ng lalaki at doon ay nakapagkwento siya. Inilabas niya ang lahat ng lungkot at sama ng loob na kaniyang nararamdaman. Pagkatapos ng pag-uusap na iyon ay tila nabunutan siya ng malaking tinik. Nakahinga na siya ng mas maluwag at gumaan na ang kaniyang nararamdaman. 

Dahil dito ay patuloy sa pag-uusap ang dalawa hanggang sa naging magkaibigan na sila. 

“Paano kung nakita mo ako at malaman mong hindi ganito ang itsura ko tulad ng aking larawan? Matatanggap mo ba ako?” saad ni Patrick sa dalaga. 

“Naging mabuti kang kaibigan sa akin, Patrick. Kahit sino at kahit ano pa ang itsura mo ay matatanggap ko,” tugon naman ng dalaga. 

“Pero kasi hindi na lamang kaibigan ang gusto ko sa atin, Gail. Sa totoo lang na pa lang kita makita ay nabighani na ako sa iyo. Lalo akong nahulog nang malaman ko ang tunay mong ugali. Kaya hindi ako makapaniwala na ipinagpalit ka sa iba ng dati mong kasintahan,” pahayag ng binata. 

“Tigilan mo nga ako sa mga sinasabi mo. Alam mong wala na akong tiwala sa mga lalaki pagdating sa pag-ibig. Mas mabuti pang mag-isa na lang ako, hindi pa ako masasaktan,” wika ni Gail. 

“Pangako, Gail, hindi kita sasaktan,” saad pa ni Patrick. 

Tutol man si Gail na magkita sila ay nadaaan na naman siya ng lalaki sa pangungulit. Kinakabahan si Gail sapagkat hindi niya alam kung ano ba talaga ang itsura ng kaniyang nakakausap. Nang dumating siya sa airport ay laking gulat niya na makita ang lalaking nasa larawan. 

Napakagwapo nga nitong si Patrick. Ngunit higit sa itsura ay gusto niya ang ugali nito na lagi siyang nauunawaan at ginagalang. 

Isang malaking ngiti ang isinalubong niya sa dalaga. 

“Hindi lang ako basta narito sa Pilipinas, Gail, para makipagkita sa’yo. Bumiyahe ako sa mula sa kabilang sulok ng mundo hindi lang para maging kaibigan mo. Narito ako para patunayan ko sa’yo na mahal na mahal kita,” bungad ng binata. 

Alam niyang hindi pa handa si Gail para magmahal muli kaya handa siyang patunayan ang pag-ibig niya sa dalaga. Madalas siyang umuwi ng Pilipinas para makasama si Gail. Dahil sa pagsisikap na ginagawa ng binata para patunayan ang kaniyang nararamdaman ay tuluyan nang nahulog ang kaniyang puso kay Patrick. 

Hindi naglaon ay sinagot na rin niya ang binata. 

“Salamat sa pagbukas mong muli ng iyong puso para sa akin. Pangako ko sa’yo na kahit kailan ay hindi ka na muling masasaktan pa,” pahayag ng binata. 

“Karapat-dapat kang pagbigyan ng puso ko dahil hindi mo ako iniwan nang mga panahon na warak na warak ang damdamin ko at hindi ko alam kung paano bubuuin ang sarili ko muli. Pero naghintay ka. Hindi ka nagmadali hanggang sa muli akong magtiwala sa pagmamahal. Salamat sa’yo kasi ibinalik mo sa akin ang saya ng umibig muli,” tugon naman ng dalaga. 

Makalipas ang isang taon ay niyaya na rin ni Patrick si Gail upang magpakasal. Nanirahan sila sa ibang bansa at doon na nagkaroon ng pamilya. Naging maligaya si Gail sa piling ng kaniyang asawa na pinatunayan araw-araw sa kaniya na mayroon pa ring lalaking handang magmahal ng tapat at walang kapantay. 

More Stories