Inday TrendingInday Trending
Dahil Paboritong Apo, Ginawa ng mga Kamag-anak Niya ang Lahat Upang Masiraan sa Kanyang Mayamang Lola

Dahil Paboritong Apo, Ginawa ng mga Kamag-anak Niya ang Lahat Upang Masiraan sa Kanyang Mayamang Lola

“Huwag niyong anuhin yan! Paborito ni Lola yan. Nag-iisang Guevarra kasi eh.”

Muli na namang narinig ni Kiko ang usap usapan sa kanya ng pamilya. Halos araw araw na lamang ay ganito ang kanilang sistema  sa pagitan ng kanyang pamilya at mga kamag anak.

Palagi siyang pinag-uusapan at pinagkakaisahan ng mga kamag-anak niya. Madalas siyang kutyain at paringgan ng kung ano ano.

“Nay, bakit po ba ako na lang palagi ang pinagkakaisahan nila Tito at Tita?” minsa’y tanong niya sa ina.

“Dahil ikaw lang ang nag-iisang apong lalaki. Ikaw lang ang magdadala ng apelyido ng mga Guevarra. Kung kaya naman hindi rin maiwasan ng Lola Perlita mo na maging isa ka sa mga paborito niya. Huwag mo na silang intindihin. Kung minsan ay hindi talaga maiiwasan ang inggit sa kapwa.”

Mayaman ang kanyang Lola Perlita kasalukuyan nang naninirahan sa London. Nagtutungo at umuuwi na lamang ito sa Pilipinas upang magbakasyon sa mga naiwang kamag anak sa bansa. Madalas kapag umuuwi ito ay palagi siyang may mamahaling pasalubong at pinapasyal sa lugar na gusto niya.

Noong una, lalo na noong bata pa siya ay masayang masaya siya at gusto niya ang kaalamang paborito siya ni Lola Perlita niya. Ngunit habang lumalaki at nagkakaisip siya ay unti unti niya nang nakikita ang realisasyon ng kanyang sitwasyon.

Hindi pala lahat ng minamahal nang lubusan ay nagiging masaya. Dahil madalas ay may kaakibat na negatibong kapalit ang labis na pagmamahal na natatanggap ng tao sa kanyang paligid.

“Hay naku, Nay Perlita iyang apo niyo walang ibang inintindi kung di ang makipagbarkada. Hindi niya na nga ata iniintindi ang pag aaral niya. Puro lakwatsa ang alam.”

Nang dahil sa paulit ulit na paninirang iyon, at pagkakaroon ng koneksyon sa mga masasayang post ni Kiko sa Facebook kasama ang mga kaibigan kung kaya naniwala rin sa wakas ang matanda ukol sa mga paninira ng mga kamag-anak sa apo.

Kaya naman nakatanggap ng tawag si Kiko sa kanyang Lola mula sa London, “Ano bang pinaggagawa mo sa buhay mo, Kiko? Bakit puro paglalakwatsa ang inaatupag mo?!”

Noong una’y nagulat pa si Kiko sa pagalit na sigaw ng kanyang Lola. Ngunit nang tanungin niya ito ukol sa kung kanino nakuha ang ganoong balita ay hindi na siya nagtaka pa.

“Sabi ng Tito Leo mo at mga tita mo!”

Huminga siya nang malalim bago sumagot sa matanda, “Nakikipagkaibigan lang po ako, Lola. Pero hindi po ako naglalakwatsa.”

Simula noon ay dumalang ang pakikipag usap sa kanya ng Lola. Mas dumalang rin ang sustento nito sa pamilya nila. Madalas na itong nagpapadala sa mga tiyuhin at tiyahin niya. Tila sa isang iglap ay nawala sila sa buhay ng kanilang Lola Perlita.

Hindi naman nya inaalala ang pera at padala ng Lola nila. Ang iniisip at namimiss nya ay ang malambing na pakikipag usap nito sa kanya  sa tuwing kinakamusta nya ito. Malamig na kasi ang pakikitungo ngayon ng lola niya sa kanya.

Isang araw, tila tadhana na ang nag-adya nang minsa’y umuwi nang surpresa ang Lola Perlita niya. Agad itong nagtungo sa compound ng kamag anakan nila. Sumaktong nakita nito na subsob siya sa pagrereview ng kanilang examination para sa bukas.

Kitang kita rin nito kung paanong ipangsusugal lamang ng mga tiyuhin at tiyahin nya ang perang sustento ng kanyang Lola.

“Anong ibig sabihin nito?” galit na tanong ng matanda.

Taranta ang mga ito sa pagliligpit ng sugalan. Bukod doon ay labis rin ang paghingi ng tawad sa matanda. Ngunit hindi ito nagpatinag, “Simula ngayon ay hindi na ako maniniwala sa inyo. Kung gusto niyong patawarin ko kayo, humingi rin kayo ng tawad sa apo kong siniraan niyo!”

Taranta ang mga kamag anak niya sa paglapit sa kanya at paghingi ng tawad. Halos sambahin na rin siya ng mga ito dahil alam ng mga ito na mawawalan sila ng sustento kung sasabihin niya lang sa kanyang lola. Ngunit imbes na gumanti sa mga tiyuhin at tiyahin ay pagpapatawad ang nangibabaw sa kanyang puso.

“Wala na po sa akin iyon. Pamilya po tayo eh. Kailangan may pag uunawaan, pagpapatawad at pagmamahalan.”

Matapos ang pangyayaring iyon, wala na ni isa sa mga kamag anak niya ang nanira sa kanya o nainggit sa kanya. Pantay pantay na rin kasi ang pakikitungo ng kanyang Lola Perlita sa kanilang lahat. Ito ay dahil na rin sa kanyang suhestiyon dito, “Lola, hindi po dapat kayo magkaroon ng paborito. Lahat naman po kami ay kadugo niyo. Para walang kasamaan at inggitan na mamuo sa ating magpapamilya.”

Advertisement