Hinamon Niya ng Suntukan ang Kaniyang Trabahanteng Humihingi Lang Naman ng Sweldo; Tiklop Siya nang Siya’y Patulan Nito

Hinamon Niya ng Suntukan ang Kaniyang Trabahanteng Humihingi Lang Naman ng Sweldo; Tiklop Siya nang Siya’y Patulan Nito

HeartbreakingKarmaStories

Naghihinagpis ang mag-asawang Gio at Hanna dahil sa pagkawala ng kanilang anak na nagkaroon ng malubhang sakit. Bukod doon ay said na rin ang natitira nilang pera at wala na silang maipanggagastos pa, lalo na at ilang araw ding hindi nakapasok sa trabaho niya si Gio dahil sa pagbabantay sa anak na noon ay nasa ospital pa at kritikal ang kondisyon.

Dahil doon ay naisipan na lamang niyang puntahan ang kaniyang boss, na humahawak sa sweldo nilang mga sekyo sa pinagtatrabahuhan niyang security agency. Kukunin niya na lang ang natitira niyang sahod sa mga ito upang may maipandagdag sila sa panggastos. Ang totoo, dapat ay noong isang araw pa ito naibigay sa kaniya ngunit hindi niya maintindihan kung bakit hino-hold ng mga ito ang kaniyang sweldo. Maayos naman siyang nag-apila ng leave of absence dahil nga sa kondisyon ng anak niya.

“Ano’ng ginagawa mo rito?” Ngunit imbes ay maangas na bungad sa kaniya ng kaniyang boss, nang puntahan niya ito sa bahay nito dahil hindi niya ito natagpuan sa kanilang opisina. Hindi kaagad nagustuhan ni Gio ang asta nito, ngunit minabuti niyang magpasensya. Alam niya naman kasing ganito talaga ang ugali nito sa mga maliliit na trabahante ng kanilang agency.

“Boss, kukunin ko lang po sana ’yong sweldo kong natitira. Kailangan ho kasi namin ng panggastos dahil ibuburol ang anak ko,” mahinahong pagpapaalam pa ni Gio sa kaniyang boss.

Subalit sarkastikong tinawanan lamang siya nito. “Wala akong pakialam! Umuwi ka na, dahil wala akong ibibigay sa ’yo. AWOL ka!” hiyaw nito bago ito biglang tumalikod at akmang iiwan siya.

“Ho?! Paano ho akong naging AWOL, e, nag-apila ho ako ng leave dahil sa anak ko?!” Tumaas tuloy ang boses ni Gio. Doon ay lumabas din ang isa pa niyang kasamahan na hindi niya akalaing kanina pa pala nakikinig sa kanilang usapang kinukuhanan din pala nito ng bidyo.

“Ganiyan din ang ginagawa sa akin n’yan ngayon, pare. Naka-leave din ako dahil nanganak ang asawa ko pero ayaw niyang ibigay ’yong sahod ko!” sabi pa nito. “Kaya ngayon, kinuhanan ko ng video ’to, boss. Ipapakita ko ’to sa kinauukulan,” banta pa ng kapwa sekyo ni Gio.

“Wala akong pakialam. Mag-video kayo nang mag-video. Madali lang naman kayong ipaligpit, mga hampaslupa kayo!” hiyaw pa ng kanilang boss na sinundan pa nito ng malulutong na mura patungkol kina Gio at sa kaniyang kasamahan. Dahil sa matinding pagkainsulto at pag-init na rin ng ulo ni Gio, ginantihan niya rin ng malutong na mura ang kanilang boss na ikinagalit naman nito nang todo!

“Ang lakas ng loob mong murahin ako, a! Gusto mo bang magkasubukan tayo ngayon dito? Suntukan tayo!” muling sigaw ng mayabang nilang boss.

Hindi naman nagsalita si Gio ngunit pumorma siyang lalaban dito. Kitang-kita sa bidyo na naunang manakit ang mayabang nilang boss na sa huli ay ginantihan lamang ni Gio. Hindi naman akalain ng mayabang na boss na si Gio pala ay nagpa-part time sa isang martial arts club bilang instructor kaya naman kahit ’di hamak na mas maliit ito sa kaniya ay napatumba siya nito!

Basag ang mukha ng mayabang na lalaki. Pilay din ang isa niyang paa at halos hindi maigalaw ang kaniyang braso. Dahil doon ay siya ngayon ang may lakas ng loob na magdemanda laban kay Gio.

Bilang pangontra ay inilabas naman ng kasamahan ni Gio ang bidyo ng buong pangyayaring ’yon. Mabilis itong nag-viral at humakot ng napakaraming simpatya sa mga tao na siyang naging dahilan naman upang maraming mag-alok ng tulong sa kanila.

Isang magaling abogado ang nag-alok ng tulong sa pamilya ni Gio upang labanan ang kasong isinampa sa kaniya ng kaniyang boss. Alam kasi nitong malaki ang laban nila dahil nasa kanila na ang lahat ng ebidensya upang ito ay magbayad sa kasalanan niya!

Dahil doon ay nabaligtad tuloy ang sitwasyon. Ngayon, ang mayabang na boss na nila ang nanganganib na mabilanggo sa likod ng bakal na rehas, bukod pa sa nararanasan nitong pang-iinsulto mula sa mga taong nakapanuod ng bidyo at dahil doon ay damay din ang kaniyang mga kapamilya.

Halos wala nang mukhang maiharap ang mayabang na boss. Nag*lpi na siya’t magbabayad ng malaking halaga, ngayon ay makukulong pa! Karma ang inabot niya sa paghahamon niya ng suntukan sa isang taong hindi niya akalaing mas malakas pala sa kaniya!

More Stories