Inday TrendingInday Trending
Pamilya O Karangalan?

Pamilya O Karangalan?

Makinang pa sa sikat ng araw ang ngiti ng mga pulis na kasalukuyang bumababa ng kani-kanilang mga sasakyan. Bitbit ang naglalakihang mga baril at kumpleto ang mga sandata. Nagbibiruan at nagkukwentuhan ang mga ito habang papalapit sa loob ng istasiyon nila. Subalit nang dumating na ang sasakyan na siyang nagdadala ng mga nahuling kriminal, agad na pumila ang mga ito at naging seryoso ang kapaligiran. Halos mata na lamang ang gumagalaw sa kanilang pagmamatiyag sa papalapit na hepe. Isa-isang sumaludo ang mga ito nang makalapit nang bahagya ang nasabing hepe. Halos tagaktak ang pawis ng mga ito nang napatigil bigla ang hepe.

“Great job,” mariing wika ng hepe na si Rey sa mga baguhang pulis na nakapila at saka tinapik pa ang isa rito. Pagkatapos nito ay dumiretso siya sa loob upang asikasuhin ang mga bagong huli na mga nagbebenta ng ipinagbabawal na gamot.

“Hoo!” Nakahinga nang maluwag ang mga baguhang pulis at unit-unting nagkasiyahan sa kanilang narinig na papuri sa hepe. Madalang lang kasi iyon magbigay ng kaniyang papuri. Madalas lalo noong una, lagi silang napapagalitan at napaparusahan dahil sa mga maliliit na pagkakamali tulad ng pagka-late, hindi maayos na uniporme at marami pang iba. Sobra ang pagiging madisiplina ni Rey bilang hepe ng kanilang lungsod,

“Ano na kaya ang mangyayari sa mga nahuling iyon?” Tanung-tanungan ang mga baguhang pulis na ito.

“Ano pa nga ba? Wala nan kawala ‘yang mga iyan! Ayaw na ayaw ni hepe sa mga taong kagaya nila dahil sinisira nila ang lipunan,” sagot ni Alvin na isang pulis na matagal ng nagseserbisyo doon sa ilalim ni Rey bilang isang hepe. Dinig na dinig nila kung paano nagmamakaawa ang mga nahuli nila sa hepe. Ngunit wala iyong epekto kay Rey. Hanggang sa biglang nagwatak watak ang mga nagtutumpukang mga pulis nang biglang nakita ang papalapit na hepe.

Lumubog na ang araw, nang tingnan ni Rey ang kaniyang orasan, agad nitong inayos ang mga gamit sa kaniyang mesa at tumayo upang umuwi na. Nang silipin niya ang kaniyang cellphone, nakita niyang maraming beses nang tumatawag ang kaniyang misis na si Evelyn.

“Oh, naku! Anong oras na, ah? May nangyari bang emergency sa presinto?” Nag-aalalang tanong ng kaniyang misis na sinalubong siya papasok ng kanilang bahay.

“Oo eh. Marami na naman kaming mga nahuling nagbebenta ng dr*ga, hindi ko na alam ang gagawin ko. Naiinis ako pero naaawa rin ako,” mahinahong wika nito sa kaniyang misis na abala naman sa paghahanda ng kaniyang pagkain.

“Gawin mo lang ang tungkulin mo bilang isang pulis, mahal ko. Ipagpatuloy mo lang nang walang halong personal na damdamin,” ang palaging alo ng misis niya sa tuwing ganito ang nararamdaman ni Rey sa kaniyang trabaho bilang isang pulis.

Malaki ang passalamat ni Rey sa kaniyang asawa at anak dahil sila ang pinagkukunan niya ng lakas ng loob. Hindi niya hinahayaang umuwi siya ng wala sa oras upang makasama pa niya ang kaniyang pinakamamahal na pamilya.

“Maiba ako, ano nga pala ang balita kay Cris?” Biglaang tanong sa gitna ng hapag kainan ang lumabas mula kay Rey.

“Ahh… Tumawag kanina sa akin, sabi niya busy daw sa barko. Marami raw pasahero at gustong-gusto daw ang mga niluluto niya!” Masayang sambit ng misis sa kaniyang asawa.

“Kung bakit ba kasi hinayaan mong maging chef iyang nag-iisang anak natin eh. Hindi tuloy natin makasama. Pero at least buti naman at masaya siya kung nasaan siya,” sagot naman ni Rey habang nginunguya pa ang kaniyang pagkain.

Kinabukasan, hindi pa man pumuputok ang araw ay maagang tumunog ang telepono ni Rey. “Emergency! Emergency!” Sa isip-isip ng hepe. Madaling nagbihis ito at kahit hindi pa nag uumagahan, agad itong dumiretso sa presinto kung saan tatlong lalaki raw ang nahuling nagbebenta ng ipinagbabawal na gamot. Makikita ang pagiging iritable sa mukha ng hepe ng mga oras na iyon.

“Naku! Ang aga ni hepe, mukhang inis na inis! Malilintikan tayo nito eh,” bulung-bulungan sa buong presinto. Nagturuan pa kung sino ang papasok sa kaniyang opisina upang mag-ulat ng mga nahuling tao at ng pangyayari. Subalit nag presinta ng gawin iyon ni Alvin dahil kilalang-kilala na niya ang hepe.

Kahit na matagal na iyong nakakasama ni Alvin, may halo pa ring kaba ang binatang ito. Nang makalapit at iulat ang pangyayari, huling tiningnan ng hepe ang mga litrato ng tatlong lalaki na nahuli. Nanlaki ang mga mata ni Rey, hinila ang upuan at biglang tumayo at tumungo kung saan naroon ang tatlong lalaki na nasa selda. Nang silipan niya ang mga iyon, mangilid-ngilid ang mga luha sa mata ni Rey. Pinipigilan niya ang mga iyon at dahan dahang umakyat patungo sa kaniyang opisina. Pakiramdam niya ay halos tumigil ang kaniyang mundo.

Makalipas ang ilang minutong nakayuko lamang siya habang hawak hawak ang kaniyang ulo, umaatungal habang mabilis na pumasok sa kaniyang opisina si Evelyn.

“Rey! Rey! Si Cris… Ang anak mo, ang anak natin… Hindi mo siya hahayaan doon sa loob ng selda, ‘di ba? Rey… Ang anak natin… Hindi siya masamang tao!” Pagpupumilit ni Evelyn kay Rey habang patuloy sa pag-agos ang kaniyang luha. Walang maisagot doon si Rey kundi ang umiyak at pag-alo lamang sa kaniyang misis.

Dumaan ang araw, linggo, parating matamlay si Rey at aligaga. Habang si Evelyn naman, matapos ang ilang araw sa ospital ay nakakulong lamang sa kanilang kwarto at hindi kinakausap ang asawa.

Dumating ang araw ng paglilitis sa kanilang anak na si Cris. Sa unang pagkakataon, kinausap ni Rey ang kaniyang nag-iisang anak, hindi bilang hepe o pulis, kundi bilang isang ama. Una pa lamang ay bumuhos na ang matinding emosyon sa pagitang ng mag-ama. Humingi ng tawad si Cris dahil nagkamali siya, nagsinungaling sa kaniyang mga magulang.

“Pa, I’m sorry… Patawad po. Mahal na mahal ko po kayo ni mama, pa,” huling sambit ni Cris sa amang lumuluha.

“Basta maging matatag ka, ‘nak ha? May pag-asa pa tayo. Hindi pa ito ang huli para sa buhay mo. Nandito lang ako saka ang mama mo. Pero nararapat lang na pagbayaran mo ang kasalanang nagawa mo,” sambit naman ni Rey sa kaniyang anak.

Sa ‘di kalayuan, nakatayo si Evelyn na nagpipigil ng kaniyang luha. Lumapit ito at niyakap ang kaniyang mag-ama. Humingi ito ng tawad sa kaniyang asawa dahil hindi niya napanindigan ang kaniyang palaging paalala sa asawa. Sa pagkakataong ito, mas tumibay ang kanilang pamilya at ang dangal ni Rey bilang isang pulis ay nanatili hanggang dulo.

Advertisement