Inday TrendingInday Trending
Tumanda Nang Kahihintay

Tumanda Nang Kahihintay

“Janna, siguro naman panahon na para matuto kang lumandi. Tingnan mo naman oh! Ilang taon na tayo? Trenta na! Baka dumating sa puntong makunat ka na saka mo pa maisipang jumowa. Kapag gano’n ay nakakadiri ka nang tingnan,” mahabang lintanya ni April ang pinakamatalik niyang kaibigan.

“Ano ka ba naman, April? Bakit ba natatakot ka? Hindi pa naman tayo senior citizen sa edad na trenta,” wika ni Janna.

“Pero aminin na natin Janna, na gurang na tayo sa edad na ito,” muling sambit ni April.

“Alam mo April, hindi mo kailangang madaliin ang mga bagay-bagay dahil lamang sa natatakot kang baka maiwan ka ng pag-ibig na iyan. Ako kasi ‘yong tipo ng babaeng handang maghintay para sa tamang oras, sa tamang pag-ibig. Darating din ang lalaking nakalaan na para sa’kin. At kapag dumating siya’y magpapasalamat ako ng marami sa Diyos Ama,” nakangiting paliwanag ni Janna sa kaibigan.

Agad naman siyang inismiran ni April sa sinabi niya. “Ako naman ‘yong taong may paniniwalang, kung hindi ka aaksyon ay hindi mo mahahanap ang tamang lalaki na para sa’yo!” Matigas na sambit ni April. “Janna, kung hindi ka kikilos, walang mangyayari. Tatanda kang mag-isa!”

“Ewan ko sa’yo April, nagpapatunay lang na magkaiba tayo ng paniniwala,” umiiling na sambit ni Janna.

“Janna, mas maigi pang maghanap at gumalaw ka na ngayon. Tumanggap ka na ng manliligaw, mamili at kung maari pa nga ay maghanap ka na rin. Atleast sa gano’ng paraan ay alam mong may ginawa ka para mahanap mo si Mr. Right. Hindi iyong ganyan na para kang si Juan, na panay na lang ang hintay!” Pamimilit pa ni April.

“Magkaiba tayo, April. Hindi kita pinangungunahan sa mga desisyon mo, kaya’t ‘wag mo naman sana akong piliting baguhin ang paniniwala ko,” matigas na wika ni Janna.

“Ikaw. Bahala ka,” sumusukong sambit ni April.

Lumipas ang maraming taon.

“Janna!” Masayang salubong ni April sa kaibigang si Janna.

Matagal na panahon na rin ang lumipas mula noong huli silang magkita. Natatandaan niya’y kinailangan niyang umalis sa pinagtatrabahuan nila noon ni Janna dahil maselan ang pagbubuntis niya sa kaniyang panganay na anak.

“Kumusta ka na, Janna? Namiss kita ng sobra-sobra!” Masayang wika ni April na agad siyang niyakap.

“Maayos lang ako, April. Parang walang dekadang nagdaan, hindi ka man lang nagbago. Hanggang ngayon ay blooming ka pa rin,” wika ni Janna.

“Ikaw din naman, ang ganda mo pa rin kahit medyo kulubot na ang balat mo,” balik papuri ni April sa kaibigan.

“Nga pala Janna, kumusta ka na? Ilan na ang anak mo? Tingnan mo naman ako. Kahit trenta’y dos na akong na buntis noon, akalain mong makaka-lima pa ako ng anak,” masayang kwento ni April.

Bigla namang lumungkot ang mukha ni Janna dahil sa sinabi ni April. “Mabuti ka pa April, kasi naka-limang anak ka at may pamilyang sumasalubong sa’yo kapag napapagod ka na sa buhay.”

“Bakit Janna? Pinanindigan mo ba talaga ang sinabi mo noon sa’king handa kang maghintay sa tamang pag-ibig?” Salubong ang kilay na tanong ni April sa kaibigan.

Marahang tumango si Janna sa tanong ni April. “Oo… at labis ko iyong pinagsisihan. Kung sinunod ko na sana ang payo mo noon na kumilos na upang hanapin ang lalaking magmamahal sa’kin. Baka hindi ako umabot sa ganitong sitwasyon. Malungkot at mag-isa,” malungkot na sambit Janna.

“Bakit naman kasi hinayaan mo ang sariling maging ganyan. Dapat noong medyo bata-bata ka pa, naisip mo na ‘yong mga sinasabi ko sa’yo noon,” wika ni April.

“Masyado yata akong nagpalamon sa paniniwala ko April na dapat hinihintay ang pag-ibig.”

Hindi malaman ni April kung matatawa o malulungkot sa nangyari kay Janna. Gusto niyang alaskahin si Janna dahil sa maling paniniwala nitong nauwi tuloy sa pagiging matandang dalaga nito. Ngunit alam niyang hindi ito ang tamang panahon upang sisihin pa niya si Janna.

Tatlong dekada na rin mahigit ang lumipas at totoong kumupas na ang gandang taglay nila noon. Bakas na sa kanila ang katandaan na hindi na nila kailanman maitatanggi. Naaawa si April kay Janna, dahil hindi man lang nito naranasan ang sarap at hirap kapag may sariling pamilya ka na.

Hindi masama ang paniniwala ni Janna, dahil dapat nga lang naman na maghintay ka sa tamang pag-ibig. Minsan kasi sa pagmamadali mo ay pwede kang madapa at magkamali ng pagpili. Ngunit hindi rin naman masamang gumawa ng kahit maliit na aksyon na maaaring makatulong upang makilala mo ang nakatadhana sa iyo.

Nang dahil sa pagkikita nila ng dating kaibigan, naisipang subukan ni Janna ang mga bagay na hindi niya ginagawa dati. Hindi na siya nagsusungit sa lahat ng lalaking kaniyang nakakasalubong o nakakasalamuha. Sinubukan niya na ring pumayag na makipag-date sa ilang lalaki na dati pa inirereto ng mga kaibigan niya sa kaniya. Pumunta na rin siya sa dating iniiwasang high school reunion.

Doon niya muling nakausap si Raphael, ang dating kaklase niya noong high school. Noon pa man ay gustong-gusto ni Raphael si Janna, kaya nga lang sa tuwing susubukan niya itong lapitan ay susungitan lamang siya nito. Ngunit sa muli nilang pagkikita, tila nagningning ang mga mata ng lalaki nang malamang wala pang asawa si Janna. Hindi pa rin kasi nag-aasawa si Raphael dahil tila matindi ang tama niya kay Janna at kahit maraming taon na ang lumipas ay ito pa rin ang hanap-hanap ng puso niya.

Matapos ang kanilang mahabang kwentuhan sa gabing iyon, labis pang nagkakilanlan ang dalawa. Napadalas ang kanilang pagkikita at palagi nang pumapayag si Janna sa paanyaya ni Raphael na lumabas sila. Kahit pa may edad na, namulaklak pa rin ang pag-iibigan ng dalawa.

Makalipas ang limang taon, napagdesisyunan na ng dalawa na magpakasal.

“Maraming salamat at naghintay ka. Ikaw pa rin ang pinakamagandang babae para sa akin,” nakangiting sambit ni Raphael habang nakaharap sa altar at hawak ang kamay ng babaeng makakasama niya habambuhay, si Janna.

Advertisement