Inday TrendingInday Trending
Hindi Ka Na Mahal Ng Asawa Mo!

Hindi Ka Na Mahal Ng Asawa Mo!

Nakilala ng mag-asawang Mia at Caleb si Esther, ang asawa ng bestfriend ni Caleb na si Benedict.

Bukod sa maganda ay maasikaso rin ang babae kaya nabihag nito ang puso ng lalaki. Naging malapit rin si Esther sa mag-asawa.

“Napakasuwerte mo naman, Mia, dahil napakabait ni Caleb at guwapo pa.”

“Masuwerte ka rin naman kay Benedict, mabait at guwapo rin naman ang mister mo,” sagot ni Mia kay Esther.

“Pero mas masayang kasama at kakuwentuhan si Caleb. Boring kasing kasama at kausap si Benedict kaya palaging napapanis ang laway ko pag nasa bahay,” hirit pa ng babae.

Dahil naging close na ang mag-asawa kay Esther ay ito rin ang kinuha nilang ninang sa binyag ng bunso nilang anak. Sa sobrang pagkakalapit nina Mia at Esther ay parang kapatid na ang turingan nila sa isa’t isa. Sa mga importanteng okasyon sa kanilang pamilya ay palaging naroon ang mag-asawang Esther at Benedict. Sa tuwing hindi nakakarating ang asawa ni Esther dahil busy ito sa trabaho ay ang babae ang mag-isang pumupunta sa bahay nila o sumasama sa mga lakad nila. Kahit sa pagsisimba ay kasama nila ang mag-asawa.

Minsan ay napansin ni Mia na nakaangkas si Esther sa motorsiklo ni Caleb at nakahawak pa ito sa baywang ng mister.

“O, darling, b-bakit kasama mo si mare?” nagtatakang tanong ni Mia.

“Nakita kasi ako ni Caleb na naghihintay ng traysikel sa kanto, kaya pinaangkas na niya ako. Nakakahiya nga, eh. Sabi ko sa asawa mo huwag na, kaso mapilit itong mister mo,” sagot ni Esther.

“Paano bang hindi ko iaangkas itong si Esther, eh, naghihintay lang naman sa wala. Hindi naman siya pinaparahan ng mga drayber ng traysikel sa kanto. Naawa ako kaya sinabay ko na sa pag-uwi ko,” paliwanag ng mister.

Kahit siya ay naawa sa kaibigan nang makitang pawis na pawis ito at halatang pagod. Imbes na mag-isip ng ‘di maganda sa dalawa ay inintindi na lamang niya ang ginawa ng asawa.

Nang sumunod na araw ay muling dumalaw sa bahay nila si Esther at nagbigay ng pagkain. Ginatan iyon na paboritong panghimagas ni Caleb. Nang matikman iyon ng lalaki ay labis itong nasarapan.

“Wow, ang sarap nang pagkakaluto ni Esther!” todo puring sabi ni Caleb.

“Masarap talaga? Naubos mo nga, eh. Hindi ko man lang natikman,” wika niya sa inis na boses.

“Sorry, darling. Sobrang sarap ng luto, eh. Ang ginatan na iyon ang pinakamasarap na ginatan na natikman ko.”

Kahit masama ang loob sa sinabi ng asawa ay pinalampas iyon ni Mia. Ipinagluluto rin naman niya ng ginatan ang mister ngunit Kahit kailan ay hindi nito pinuri ang luto niya.

Lumipas ang isang linggo, napapansin ni Mia na palaging umaalis si Caleb at hindi nagpapaalam sa kaniya. Sa tuwing umuuwi naman ito sa bahay ay hindi ito nagkukuwento kung saan ito nagpunta. Wala namang permanenteng trabaho ang kaniyang asawa, paraket-raket lang ito sa pagkukumpuni ng mga home appliances at makina ng mga sasakyan. Sa kanilang mag-asawa ay siya ang may maayos na hanapbuhay. May sarili siyang negosyo sa Binondo, isang iyong kilalang Chinese restaurant na dinarayo ng mga kustomer. Bihira lang siya pumunta roon dahil kapapanganak pa lamang niya at walang ibang mag-aalaga sa kanilang bunsong anak na babae, kaya nagtataka siya kung saan pumupunta ‘pag umaalis si Caleb.

Isang gabi, nakatanggap ng misteryosong text message ang panganay nilang anak na si Jobelle. Gulat na gulat ito at ‘di makapaniwala sa nilalaman ng mensahe.

“Alam niyo ba, hindi na kayo mahal ng papa niyo? Hindi na rin mahal ng papa niyo ang mama niyo!”

Patakbong pinuntahan ng dalagita ang ina at ipinakita ang text message.

“Ma, anong ibig sabihin nito? Totoo po ba ito?!” naguguluhang tanong ng dalagita.

Kinabahan si Mia sa nabasa ngunit kinontrol pa rin niya ang sarili.

“B-baka naman nanloloko lang ‘yan, anak. Alam mo naman na maraming modus ngayon kaya huwag na huwag kang maniniwala,” mahinahon niyang payo sa anak.

Ang akala ni Mia ay hindi na masusundan ang pangyayaring iyon ngunit hindi lang ang panganay niyang anak ang nakatanggap ng text message, nakatanggap rin ng misteryosong text message ang pangalawa nilang anak ni Caleb na si Adam. Kung ano ang natanggap ng panganay nilang si Jobelle ay iyon din ang nabasa ng anak nilang lalaki. Humahagulgol itong lumapit sa ama.

“Papa, papa, anong ibig sabihin nito? Hindi mo na raw kami mahal nina mama?!”

Nang mabasa ni Caleb ang text message ay nalaman nito agad kung sino ang nagpadala niyon.

Pinabasa rin ng binatilyo sa ina ang mensahe sa cell phone nito. Napaiyak na rin si Mia nang makitang panay ang hagulgol ng anak. Kinompronta na niya ang asawa tungkol dito.

“Umamin ka nga sa akin, Caleb, sino ang nagpapadala ng mensaheng ito sa mga anak mo? M-may babae ka ba?!” gigil niyang tanong.

Napapikit ang lalaki, mayamaya ay ‘di na rin napigilan ang sarili na mapa-iyak.

“P-patawarin mo ako, Mia, t-totoo na mayroon akong ibang babae,” pag-amin ng mister.

“A-ano? S-sino ang babae mo, Caleb? Sino?!” pasigaw na tanong ni Mia.

“S-si E-Esther.”

Parang napipi si Mia nang sabihin ni Caleb kung sino ang babae nito. Mariin niyang ikinuyom ang mga palad sa sobrang galit. Gusto niyang sumabog sa kaniyang kinatatayuan.

“S-si Esther ang kabit mo? Siya na itinuring kong kaibigan at kapatid? Asawa ng bestfriend mo, pinatulan mo? Hayop ka, Caleb, hayop kayong dalawa!”

Hindi napigilan ni Mia ang sarili na sugurin ang bahay nina Esther at doon ay nagwala.

“Hoy, lumabas ka riyan Esther!” sigaw niya.

Dali-daling lumabas si Benedict. Nagtataka kung bakit siya nagsisisigaw.

“Mia, ano’t naparito ka? Bakit ka sumisigaw at hinahanap ang asawa ko?”

“Ilabas mo ang asawa mo at mag-uusap kami!”

“T-teka, ano bang nangyayari?” naguguluhang tanong ng lalaki.

“Hindi mo alam ang nangyayari? Iniiputan ka na sa ulo ng asawa mo, hindi mo pa alam? Kabit ng asawa mo ang asawa ko!”

Hindi nakakilos si Benedict sa sinabi ni Mia. Hindi makapaniwala ang lalaki na nagawa pang manlalaki ng kaniyang misis gayong napakabuti niyang asawa rito. Wala siyang bisyo, halos siya na rin ang gumagawa ng mga gawaing bahay pag wala siyang trabaho, tapos ay malalaman niyang may ibang lalaki ang asawa at bestfriend pa niya ang kumalant*ri rito.

“Esther, Esther, lumabas ka rito!” sigaw ni Benedict.

Maya-maya ay lumabas na rin ng bahay ang babae. Nakayuko ito at hindi magawang tumingin sa kanila ng diretso.

“Totoo ba, Esther? Totoo bang may relasyon kayo ni Caleb?!” galit na tanong ng lalaki.

Huminga muna nang malalim ang babae bago sumagot.

“O-oo. May relasyon kami ni Caleb at mahal na mahal namin ang isa’t isa!” pag-amin ni Esther.

Hindi napigilan ni Mia ang sarili at sinugod si Esther. Pinagsasampal niya ang babae.

“Walang hiya ka! Bakit mo ito nagawa sa akin? Ahas kang babae ka!”

Hindi siya inawat ni Benedict. Nakatulala na lang ang lalaki sa sobrang sama ng loob.

Imbes na magsisi sa ginawa ay nagyabang pa si Esther kay Mia.

“Hindi na kayo mahal ng asawa mo. Ako ang pinipili niya at iiwan na niya kayong mag-iina!”

Sa tindi ng galit ni Mia ay sinuntok niya sa mukha ang babae hanggang sa humandusay ito sa lupa at nakatulog.

Tila nawala naman sa katinuan si Benedict na nakatulala pa rin habang patuloy ang pagluha.

Nang bumalik si Mia sa bahay ay naabutan niyang nag-iiyakan na rin ang mga anak niya.

“Ma, totoo nga na may ibang babae si papa. Si Tita Esther ang babae niya!” humihikbing sabi ni Jobelle saka ipinakita sa kanya ang hubad na larawan ni Esther katabi ang asawa niya sa kama. Naisend pa ni Esther sa Facebook ng anak niya ang ebidensiya ng pagtataksil ng mga ito.

“Mga hayop!”

Agad niyang pinuntahan ang asawa at muling kinompronta.

“Ang kapal ng mukha ng kabit mo, pati ang mga anak natin ay dinamay pa niya sa kataksilan ninyong dalawa. Wala kayong konsensiya!” anas niya.

“Pa, bakit mo nagawa iyon kay mama? Sinira niyo ni Tita Esther ang pamilya natin,” umiiyak na sabi ni Jobelle sa ama.

“Pinagsisisihan ko na ang ginawa ko. Hindi ko sinasadya, natukso lang ako,” maluha-luhang sabi ni Caleb sa kanyang mag-ina.

“Anong naging pagkukulang ko sa iyo, Caleb? Minahal kita, pinaglingkuran at naging tapat akong asawa, sasaktan mo lang pala ako? Pati mga anak natin ay sinaktan mo.”

Dahil sa sama ng loob ay umalis si Mia sa kanilang bahay kasama ang mga anak at iniwan si Caleb na nagsisisi sa kasalanang nagawa. Nagmakaawa ito na huwag silang umalis. Sinabi pa nito na siya ang pinipili nito at hindi si Esther ngunit hindi niya pinakinggan ang lalaki.

Mabilis na lumipas ang isang buwan. Ang sakit na idinulot ni Caleb sa kanila ay sariwa pa rin. Masama pa rin ang loob ng dalawa niyang anak sa ama. Nabalitaan na lamang niya na naghihirap na si Caleb. Nangungutang na lang ito sa tindahan dahil sa wala naman itong permanenteng pinagkakakitaan.

Hindi pa rin siya ganoon kasama kahit na pinagtaksilan siya dahil hindi niya sinampahan ng kaso ang asawa at ang babae nito. Nalaman din niya na hiniwalayan na ni Benedict si Esther at ngayon ay nagtitinda na lang ito sa palengke.

Isang araw ay naisipan niyang dalawin ang babaeng sumira sa kaniyang pamilya.

Nakita niya itong nagtitinda ng gulay sa maliit na puwesto sa palengke.

“Pagbilhan nga!” sabi niya sa isang tindera.

“Ano ho ang bibilhin niyo?” magalang nitong tanong.

“Pagbilhan mo nga ako ng patatas. Ang gusto kong mag-aabot sa akin ay ang babaeng iyon,” aniya sabay turo kay Esther.

Nakita siya ni Esther, pero hindi siya pinansin nito. Umismid pa ang babae at padabog na naglakad sa harap niya. Umabot hanggang sa kaniyang bumbunan ang galit niya rito kaya wala siyang nagawa kundi ipahiya ito.

“Hindi ba niya ako narinig? Gusto ko ang babaeng iyon ang magbebenta sa akin!” sabi niya sa pasigaw na tono.

Biglang lumapit sa kanila ang may-ari ng tindahan.

“May problema ho ba?” tanong nito.

“’Yung isa niyong tindera, ayaw akong pagbentahan, eh. Close naman kami, ‘di ba, Esther? Sa sobrang close nga natin ay nasulot mo sa akin ang asawa ko!” aniya.

Sa sobrang pagkapahiya ay nagtatakbong umalis si Esther. Mula noon ay hindi na ito bumalik doon. Wala na rin siyang balita kung saan nagpunta ang ahas niyang kaibigan.

May bahagi naman sa puso ni Mia na handang magpatawad ngunit pag naaalala niya ang sakit na idinulot sa kanilang mag-iina ng kaniyang asawa at ni Esther ay nagiging bato siya kaya ipinangako niya sa sarili na magpapatawad lang siya pag tuluyan nang nakalimot ang kaniyang puso sa mga masakit na pinagdaanan. Ngayon ay patuloy na lamang ang kaniyang pagsisikap upang mabigyan ng magandang buhay ang kaniyang mga anak kahit mag-isa na lamang siyang gagabay sa mga ito.

Advertisement