Sampung taon na simula ng lumisan sa kanilang tahanan ang ina ni Maribel. Tanging sa larawan na lamang niya naaalala ang mukha ng kaniyang ina. Sa loob ng mahabang panahon ay masama ang loob niya sa kaniyang ama sapagkat ilang linggo pa lamang simula ng umalis ang kaniyang ina ay iniuwi na ng ama ang kaniyang madrasta sa kanilang bahay.
Dahil dito naniniwala si Maribel na ang may kasalanan sa paghihiwalay ng mga magulang ay ang kaniyang madrastang si Alma.
Kahit na pilit na inilalapit ni Alma ang kaniyang loob kay Maribel ay hindi ito masuklian ng maayos na pakikitungo ng dalaga. Sa kaniyang kalooban ay paano nga ba niya pakikisamahan ng maayos ang babaeng sumira ng kaniyang buhay.
“Anak, tara na dito at mag-almusal ka muna. Ipinaghanda kita ng paborito mong scrambled eggs na may kamatis at sibuyas,” malambing na paanyaya ng madrasta.
“Ikaw na lang ang kumain niyan. Saka tigilan mo na sinabi ng magpaka-ina sa akin. Hindi ikaw ang mama ko kaya huwag na huwag mo akong tatawaging ina,” sagot naman ni Maribel.
Narinig ng kaniyang ama ang pabalang na tugon ng dalaga kaya pagsasabihan sana niya ito ngunit agad siyang pinigalan ng ginang.
“Hayaan mo na siya, Robert. Kaunting panahon pa ay matatanggap rin ako ng anak mo,” pagpapasensiya ni Alma sa dalaga.
Dahil nakabusangot na pumasok sa paaralan si Maribel ay agad siyang nagkwento sa kaniyang matalik na kaibigang si Lala.
“Hindi ko maintindihan sa’yo, Maribel, mabait naman ang Tita Alma mo. Sa katunayan nga ay higit pa sa ina ang pakikitungo niya sa iyo. Mas iniintindi ka pa nga niya kaysa sa papa mo. Siguro ay panahon na rin para bigyan mo siya ng pagkakataon,” payo ng kaibigan.
“Hindi ko mapapatawad ang babaeng ‘yon! Dahil sa kaniya ay umalis ang mama ko sa bahay. Kung hindi sana siya nakiapid sa papa ko sana ay buo pa kami. Sana ay kasama ko pa rin ang mama ko,” giit ni Maribel.
“Sampung taon na ang nakakalipas, Maribel. Saka hindi mo ba naisip bakit sa tagal na panahon na iyon ay hindi ka na rin naman binalikan ng mama mo?” dagdag pa ni Lala.
“Dahil nga sa buwisit na babae ng magaling kong ama! Siyempre hindi na magagawa ng mama ko na pumunta kasi may iba na ang papa ko. Ano pa ang bilang niya sa bahay namin?!” galit na tugon ng dalaga.
Ngunit sa totoo lamang ay binabagabag din si Maribel ng katotohanan na sa tagal ng panahon na iyon ay hindi man lamang nagawa ng kaniyang ina na dalawin o kamustahin siya. Ni hindi niya alam kung ano na ang tunay na kalagayan ng ina at kung nasaan na ito.
Kaya isang araw ay minabuti niyang kausapin ang ama sa tunay na kinaroroonan ng ina.
“Hindi ko rin alam, anak. Walang nakakaalam kung nasaan na siya,” tugon ng ama.
“Kung nangungulila ka sa isang ina ay nariyan naman ang Tita Alma mo. Pwede siyang maging isa sa iyo,” dagdag pa ni Robert.
“Pa, pwede po ba huwag natin na siyang isama sa usapan na ito? Huwag niyo na ring ipilit na magkalapit pa ang loob namin sapagkat kahit kailan ay hindi ko matatanggap ang babaeng sumira ng pamilya ko!” galit na wika ni Maribel.
“Hindi ko alam kung ano ang ipinakain sa inyo ng babaeng ‘yan pero hindi ganoon kadali na mapupunan niya ang pusisyon ng aking ina. Hinding-hindi kailanman,” giit ng dalaga.
Isang araw ay matindi ang lagnat ng dalaga. Ngunit wala ang amang si Robert upang alagaan si Maribel dahil nasa isang business trip ito. Ang tanging kasama lamang niya sa bahay ay ang kaniyang madrasta. Pilit siyang inaalagaan ng ginang ngunit patuloy pa rin ang kaniyang pagtanggi.
“Kaya ko ang sarili ko, huwag ka nang mag-abalang magpakain sa akin!” sambit ni Maribel.
“Hindi ko naman hinihiling na mapalitan ko ang mama mo sa puso mo. Ang gusto ko lamang ngayon ay alagaan ka at mapaayos ang pakiramdam mo,” tugon ng madrasta.
“Lalong sumasama ang pakiramdam ko kapag malapit ka sa akin. Kaya pwede ba iwan mo na ako?!” giit pa niya. Kahit hirap na at namimilipit na sa sakit ang dalaga ay patuloy pa rin ang pagtataboy niya sa ginang ngunit kahit anong gawin niya ay hindi ito umalis sa kaniyang tabi.
Tuluyang nawalan ng malay si Maribel. Pagkagising niya ay nakita na lamang niya ang kaniyang sarili na nasa ospital.
“Nasaan ako? Anong nangyari sa akin?” tanong niya sa isang nars.
“Naoperahan ka dahil sa appendicitis. Buti na nga lang ay nadala ka kaagad kundi baka tuluyan nang nalason ang katawan mo. Napakaswerte mo sa nanay mo, iha. Halos hindi siya natutulog sa pagbabantay sa iyo. Lumabas lang siya sandali sapagkat ibibili ka raw niya ng paborito mong inumin,” sambit na ng nars.
“Mama ko? Narito ang mama ko?” pagtataka ni Maribel.
“Oo, Alma ang pangalan niya hindi ba?” tugon ng nars.
“Hindi ko mama ‘yun. Madrasta ko ‘yun!” paismid niyang sagot.
Bumukas ang pinto at humahangos na dumating ang kaniyang ama.
“Pasensiya ka na, anak at ngayon lang ako nakarating. Kumusta na ang pakiramdam mo?” tanong ni Robert.
“Pa, si mama ba nalaman niyang naoperahan ako? Nag-aalala ba siya sa akin. Baka gusto niyang pumunta napipigilan lang siya dahil sa babae mo! Pa, pakiusap, paalisin mo na siya at makipagbalikan ka na kay mama! Walang kwenta ang babaeng ‘yon. Gusto lang niya ay sirain ang pamilya natin!” naiinis na wika ni Maribel.
“Tumigil ka na sa pagtrato mo sa Tita Alma mo ng ganiyan. Hindi mo ba alam na kung wala siya sa tabi mo ay maaaring kung ano na ang nangyari sa iyo? Mabuti na lamang ay naroon siya at nadala ka niya agad dito sa ospital!” sambit ng ama.
“Malandi siya,papa. Ayoko sa kaniya. Sinira niya ang pamilya natin!” giit ng daalag.
“Tama na ‘yan, Maribel. Matagal na kitang pinagtitimpian sa mga sinasabi mo sa tita mo! Dapat ay malaman mo na ang totoo!” wika ni Robert sa anak. Agad namang pasok ni Alma.
“Huwag, Robert. Huwag sa pagkakataong ito. Kakaopera pa lang ni Maribel. Hayaan mo na muna siyang makapagpahinga at gumaling!” awat ni Alma.
“Sumosobra na ang batang ito, Alma. Kailangan na niyang malaman ang totoo!” sambit ng mister.
“Hindi ang Tita Alma mo ang sumira ng pamilya natin kundi ang iyong ina! Umalis siya ng bahay natin sapagkat nagkaroon siya ng relasyon sa dati niyang kasintahan at ipinagpalit tayo. Nagdadalang tao siya noon sa iba nang nilisan niya tayo. Ang Tita Alma mo ang naging sandigan ko noon. Gusto ko nang tapusin ang aking buhay sa sobrang lungkot at kahihiyan na dinala ng mama mo sa akin, pero pinatibay ako ng Tita Alma mo. Sinabi niyang hindi maaari at kailangan kong magpakatatag para sa iyo,” pag-amin ng ama.
“Dahil hindi ko alam kung paano ka palalakihin ay nagprisinta siya na tulungan ako para magkaroon ka ng kinikilalang ina. Hindi namin magawang masabi sa’yo ang tunay na dahilan sapagkat ayaw ng tita mong maging masama ang iyong ina sa iyong paningin. Dahil ayaw niyang magtanim ka rito ng sama ng loob.
Sa loob ng mahabang panahon ay pinagpapasensiyahan ka niya. Hindi namin nagawang magkaroon ng sariling anak sapagkat ikaw ang kaniyang iniisip. Ayaw niyang maramdaman mong hindi ka kabilang sa pamilyang ito. Araw-araw ay hinihintay niyang matanggap mo siya. Sa loob ng sampung taon ay matiyaga siyang naghihintay sa’yo pero anong ginagawa mo sa kaniya?!” wika pa ni Robert.
Hindi makapaniwala si Maribel sa sinabi ng ama. Kaya naman pala sa loob ng sampung taon ay wala siyang narinig mula sa tunay niyang ina sapagkat tuluyan na pala silang kinalimutan nito. Lubusan ang kaniyang pagsisisi sa kaniyang ginawa. Napagtanto niya sa pagkakataon na iyon na ang kaniyang madrasta ang tunay na nagmamahal sa kaniya ngunit binalewala lang niya iyon dahil sa sama ng kaniyang loob.
Lubusan ang paghingi niya ng tawad sa kaniyang Tita Alma.
“Patawarin niyo po ako. Pasensya na po sa lahat ng masasakit na salita na sinabi ko sa inyo,” umiiyak niyang sambit sa madrasta.
“Naiintindihan ko ang damdamin mo, anak. Narito lang ako para sa iyo palagi. Kahit kailan ay hindi ako nagtanim ng sama ng loob sa iyo. At kahit kailan ay narito lang ako kung kailangan mo ng isang ina,” tugon naman ni Alma.
Mula noon ay naging maayos na ang pakikitungo ni Maribel sa kaniyang madrasta. Maluwag na rin niyang tinaggap na kahit kailan ay hindi na babalik ang kaniyang ina. At lubusan na rin niyang natanggap si Alma bilang isang ina.