“Bakit sa atin nangyayari ito, Isabel? Anong kasalanan ko sa Diyos bakit niya ginagawa sa atin ito? Bakit?!” umiiyak na saad ni Paolo sa kaniyang asawa.
“Huwag tayong mawalan ng pag-asa, Paolo, hindi tayo dapat ngayon bumitaw, hindi ngayon. Kailangan tayo ni Bianca,” umiiyak ding sagot ni Isabel sa kaniya.
“Saan ako huhugot ng lakas ng loob? Lubog na lubog na tayo sa utang tapos ngayon ay kailangan natin ng isang milyon para sa operasyon ni Bianca. Saan ako kukuha ng ganoong kalaking pera? Saan?!” baling muli ni Paolo sa misis saka ito sumigaw ngunit walang tinig na lumalabas sa kaniyang bibig.
Halos magtatatlong buwan nang nakaratay ang anak nilang si Bianca sa ospital. Nag-umpisa lamang ito sa sakit ng ulo hanggang sa natuklasang may tumor pala ito sa utak at may butas pa sa puso ang bata.
Buong akala ni Paolo ay ito na ang swerteng hinihintay niya sa buhay, bukod sa pagkaka-promote niya bilang manager sa bangko ay natupad na rin ang matagal na nilang pangarap na makapagpakasal sa simbahan. Marami pang sumunod na swerte silang natanggap at walang mapagsidlan ng kaligayahan ang kaniyang buong pamilya dahil sa wakas ay naani na rin niya ang lahat ng pagsusumikap. Ngunit wala pa mang anim na buwan ay nagsunod-sunod din ang buhos ng malas sa kaniya.
Pumanaw ang kaniyang ina nang dahil sa stroke at nalubog sa utang dahil sa sakit ng kaniyang anak at ngayon ay mas kailangan pa nila ng malaking pera para sa operasyon nito.
Hanggang sa isang araw, dumating sa isang mabigat na desisyon ni Paolo para matapos na ang kanilang problema.
“Nababaliw ka, Paolo! Hindi mo ba naririnig ang sarili mo? Sa tingin mo ba magiging ganun lang kadali ang lahat?” baling ni Isabel sa kaniyang asawa.
“May ganito nang mga kaso ang bangko, kaya magagawa ko rin ito. Malulusutan ko rin, para kay Bianca, para sa inyo. Gagawin ko ang lahat huwag lang kayong mabuhay sa hirap!” giit naman ni Paolo sa kaniyang asawa.
“Paano kami? Paano kami mabubuhay ng wala ka? Paano kami?!” iyak ni Isabel.
“Pagkatapos kong magparetoke, pwede ka rin magparetoke tapos saka tayo aalis ng bansa. Maninirahan tayo sa ibang bansa, magkakaroon tayo ng mas maayos na buhay. Sapat na ang limang milyon para makapagsimula tayo,” matigas na sagot ni Paolo.
“Marami pang ibang paraan, Paolo, huwag mong gawin ito. Hindi pagnanakaw o pagpaparetoke ang magiging solusyon sa problema natin kung ‘di ang manalig sa Diyos. Sa gagawin mong iyan ay parang isinangla mo na sa dem*nyo ang sarili mo. Sa tingin mo ba magkakaroon ka ng maayos na buhay kapag naisagawa mo lahat ‘yang sinasabi mo? Hindi, Paolo, dahil sa oras na ginawa mo iyan ay impyerno na ang buhay mo!” giit muli ni Isabel.
“Tang*na, Diyos? Ayos ka lang ba, Isabel? Sa tingin mo ba magbababa ng milyon ang Diyos para sa atin? Walang ganun, ni wala ngang gustong tumulong sa atin, walang gustong magbigay ng pera kaya sigurado na ako. Isang linggo, pagkatapos noon ay maglalaho na ako at makukuha mo na ang pera,” pagtatapos ni Paolo saka siya umalis.
Naiwang luhaan si Isabel at hindi makapaniwala sa nangyayari sa kanilang buhay. Hindi siya makapaniwala sa narinig niya sa kaniyang asawa. Napagdesisyunan na kasi nitong magnakaw sa bangko at magpaparetoke na lamang ito ng mukha, magbabago ng katauhan para hindi siya mahuli. Naisip na lahat na ni Paolo ang mangyayari sa kaniyang desisyon kaya naman handang-handa na siya.
“Paalam sa buhay na ‘to, ito na ang huling araw mo para mabuhay bilang si Paolo. Paalam sa inyo,” wika ng lalaki sa kaniyang sarili habang nakatingin sa salamin. Ngayon ang araw kung kailan niya binalak na isakatuparan ang kaniyang plano.
“Parang awa mo na, Paolo, may oras pa para huwag mong gawin ito. Paano kami mabubuhay ng wala ka?! Paano kami kung pera lang ang makakasama namin, parang awa mo na!” paki-usap ni Isabel sa kaniya.
Ngunit bago pa man siya makapagsalita ay biglang may kumatok sa kanilang bahay at pagkabukas niya ay laking gulat niya sa nakita.
“Boss, bakit ang aga niyo po yata,” nanginginig niyang bati.
“Kasama ko ang presidente ng kompanya natin, huwag ka sanang magugulat pero alam na namin ang lahat,” wika ni Mr. Dela Cruz, ang boss ng lalaki sa bangko.
Napaiyak at napaluhod na lamang ang mag-asawa ng bumaba sa kotse ang presidente ng kompanya at pumasok ito sa bahay nila. Masinsinang nag-usap ang lahat at bumuhos lamang ang iyak sa panig nila Isabel ay Paolo.
“Diyos ko, patawarin mo ako,” bulong ni Paolo sa sarili at saka niya niyakap ang asawa.
“Totoo ba ang nangyayaring ito?” tanong pang muli ni Paolo sa misis.
“Oo, Paolo, totoo ang lahat ng ito. Hindi natutulog ang Diyos,” sagot ni Isabel sa asawa at hinawakan ito sa kaniyang mukha.
Hindi makapaniwala ang lalaki na ang mismong presidente ng kanilang kumpanya ang lumapit sa kaniya upang mag-abot ng tulong. Nabalitaan kasi nito ang kinakaharap niyang problema at sakto namang may anak ang presidente nila na napagdaanan din ang sitwasyon ng kaniyang anak. Kaya nagbigay ito ng sapat na halaga upang masagot ang operasyon ni Bianca. Hindi siya makapaniwala na sa bumuhos muli ang biyaya at tulong sa kaniya. Sa kaniya na nawalan na ng pag-asa sa buhay at handa ng kumapit sa masamang gawain.
“Hindi mo pa rin talaga kami pinabayaan, maraming salamat, Panginoon ko. Maraming salamat dahil hindi mo ako hinayaang mapunta sa impyerno,” iyak muli ni Paolo sabay yakap sa bibliya.
Lumipas ang ilang buwan at ngayon ay magaling na ang anak nilang si Bianca. Nagbalik loob din si Paolo at ang kaniyang pamilya sa pagsisimba at mas tinatagan pa ang kanilang pananampalataya na kung ano man ang mangyari at gaano man sila subukin ay hinding-hindi na sila muling mawawalan ng pananalig sa siyang lumikha at makapangyarihan sa lahat.