Dalawang taon na rin ang nakalipas simula nang pumanaw ang ina ni Rachelle dahil sa isang malubhang sakit. Hindi ito naging madali para sa musmos na tulad niya, ngunit mas naging mahirap para sa kanyang amang si Henry ang tanggapin ang masakit na pangyayari.
Dala ng matinding kalungkutan at pangungulila, napagdesisyunan ni Henry na muling subukan ang suwerte sa pag-ibig. Bata pa naman siya at pakiramdam niya’y kailangan niya ng makakatuwang sa buhay at sa pagtataguyod sa nag-iisa niyang anak.
“Rachelle, anak, meet your Tita Eva. Siya na ang magiging bagong mommy mo,” nakangiting bungad ng lalaki kay Rachelle.
“P-pero daddy, bakit papalitan niyo na po si mommy?” inosenteng tanong naman ng bata.
“Hindi pinapalitan ni daddy si mommy mo ha? Mommy is no longer here and daddy needs someone din na makakatulong na mag-alaga sa’yo pag wala ako dito at nagwo-work,” malambing na tugon naman ni Henry.
“Hi Rachelle! Don’t worry. Aalagaan kita and lagi kita bibilhan ng dolls. Gusto mo ba ‘yon?” tanong naman ni Eva.
Tiningnan ng bata sa mata ang babae. “I don’t like dolls! Ayoko ng bagong mommy!” sigaw ng bata na tila ba nagmamaktol.
“Rachelle, bad yan ha? Pag may nagawa tayong bad, ano dapat ang gawin?” pagsuway ng ama.
“Sorry po…” mahinang sambit ni Rachelle. “Sorry din po, Tita Eva. Mauna na po ako sa kwarto ko,” pagpapaalam pa nito.
Tumalikod ang bata at saka umalis. Labis na hiya naman ang nadarama ni Henry dahil sa inasal ng anak kani-kanina lamang.
“Pasensiya ka na, Eva ha? Naninibago lang siguro yung bata. Malamang nabigla lang kaya ganoon ang reaksyon,” paghingi ng paumanhin ng lalaki.
“Wala iyon. Sigurado ako na magiging okay din naman kami ni Rachelle,” nakangiting sagot ni Eva.
“May travel ako bukas. Tatlong araw na conference din iyon para sa trabaho. Maaari mo bang bantayan si Rachelle habang wala ako? Tutal naman magiging mommy ka na rin niya soon,” saad ng lalaki.
“Oo naman. Ako na ang bahala.”
“Salamat…” ngumiti si Henry at saka yumakap ng mahigpit sa babae.
Umalis nga si Henry at bumalik matapos ang tatlong araw. Hindi niya inaasahan ang nakita nang makarating sa bahay.
“Rachelle, anak?! Anong nangyari sa’yo? Bakit may galos ka sa mukha at may benda sa may ulunan mo?” gulat na tanong ng ama.
Bahagyang napatingin ang bata kay Eva at saka humarap sa kaniyang ama na puno ng takot ang mga mata.
“Ah kasi Henry… naglalaro si Rachelle last time, hindi sinasadyang nadapa siya kaya nagalusan at nasugatan. Pasensya ka na ha? Pangako ‘di na mauulit ito,” mabilis na sabi ng babae.
“Ganoon ba? Totoo ba iyon, Rachelle?” tanong muli ng lalaki.
Tumingin ang bata kay Eva at saka napalunok. “O-opo daddy… sorry po.”
“Mag-iingat next time ha? Para hindi na maulit pa ito. Lalo ngayon almost one week akong mawawala,” saad ni Henry.
Lalong napuno ng takot ang mga mata ng bata na hindi naman agad napansin ng kaniyang ama.
Lumipas pa ang mga araw at umalis ngang muli si Henry. Isang linggo niyang ipagkakatiwalang muli ang anak sa bagong kinakasama. Buo naman ang kaniyang loob dahil mabait ang pagkakakilala niya kay Eva.
Sa kaniyang muling pag-uwi, panibagong surpresa na naman ang bumungad sa kanya. Napansin niyang ang laki ng ipinayat ni Rachelle at nadagdagan ang mga galos nito. Lalo pa niyang ikinagulat ang maiitim at malalaking pasa sa katawan ng bata.
“Anong nangyari sa anak ko? Eva, ano ito?”
“Nako, ito kasing si Rachelle, miss na miss ka na. Iyak nang iyak noong nakaraan, kaya naman nagpumilit lumabas ng bahay, ayun, nadapa at nagpagulong-gulong sa kalsada. Buti at nakita ko kaagad,” paliwanag naman ni Eva at saka tinitigan ang bata na tila ba kakainin nito ng buhay si Rachelle.
“T-totoo po ang sinasabi ni Tita Eva. ‘Wag na po kayong magalit daddy. I’m sorry po,” naluluhang sabi ng bata.
“Mag-ingat ka naman, anak. Wag masyadong matigas ang ulo. Baka iwanan tayo ni Tita Eva mo niyan ha?”
“O-opo daddy…” umiiyak na sagot ng bata.
Makalipas ang dalawang araw.
“Medyo matatagalan ulit itong travel ko ha? Mag-ingat kayo riyan. Lalo na si Rachelle. Ayokong mapaano ang anak ko,” habilin ng lalaki sa kanilang sambahayan.
“Don’t worry. Pangako, aalagaan ko siya,” pagkumbinsi naman ni Eva sa kinakasama.
Tumango lang si Henry at saka nagpaalam. Tiningnan niya ang anak na tahimik lamang na nakatingin sa kaniya. May kung ano siyang naramdaman dahil tila ba nangungusap ang mga mata nito at humihingi ng tulong, ngunit kinailangan niyang umalis dahil mahuhuli na siya sa kaniyang flight.
Makalipas ang ilang oras…
“Rachelle! Rachelle!” sigaw ni Eva.
“A-ano po yun?” nanginginig na tanong ng bata.
“Pupunta ulit dito yung kaibigan ko. ‘Wag na ‘wag kang magsusumbong sa daddy mo ha?”
“Tita Eva, pero bakit po kayo nagki-kiss nung kaibigan niyo? ‘Di ba po dapat sa mag-asawa lang ‘yun?”
Sinampal ni Eva ang bibig ng bata, dahilan para dumugo ito.
“Halika dito!” hinila ng babae ang buhok ni Rachelle at saka akmang sasampalin sana nang biglang may malakas na katok na narinig. Naisip niyang baka dumating na ang kalaguyo niya.
“Pasalamat kang bata ka at nakaligtas ka ngayon! Pero subukan mong magsumbong dahil pati daddy mo, lalagutan ko ng hininga!” pananakot pa ng babae.
Nag-ayos ng buhok si Eva at nagmadaling buksan ang pintuan, ngunit laking gulat niya nang mga pulis ang bumungad sa kaniyang harapan, dala-dala ang posas na agad inilagay sa dalawa niyang kamay.
“T-teka ano ito?! Pakawalan niyo ako! Mga hay*p kayo!” pagpupumiglas ng babae.
Nahagip ng kanyang mga mata si Henry na naglalakad papunta sa kanya.
“Bakit Eva? Anong kasalanan sa’yo ng anak ko? Ngayon, mabubulok ka sa kulungan. Hindi mo ba alam ba recorded sa CCTV ang lahat ng ginagawa mo? Kita doon lahat ng footage ng pananakit mo sa anak ko, pati na yung lalaki mong lagi mong dinadala rito sa tuwing wala ako.
Walang kapatawaran ang ginawa mo sa anak ko! Magdurusa ka, Eva!” galit na sigaw ni Henry.
Lumapit si Henry sa anak at saka yumakap ng mahigpit.
“Patawarin mo si daddy, anak ha? Wag kang mag-alala, from now on, si daddy na ang mag-aalaga sa’yo,” naluluhang pahayag ng ama.
Yumakap lamang si Rachelle sa ama at umiyak. Sa wakas at tapos na rin ang pagdurusa niya mula sa kinakasama ng kaniyang ama.
Si Eva naman ay sinampahan ng kaso at makukulong dahil matibay ang ebidensya laban sa kaniya. Magsisi man siya, ngunit huli na ang lahat. Dahil bakal na rehas ang kaniyang hinihimas sa mga oras na ito.
Hindi natutulog ang karma. Lahat ng ating ginagawa sa ating kapwa ay bumabalik rin sa atin, kung minsan ay doble pa nga. Kaya siguraduhin na kabutihan ang itinatanim, upang kabutihan rin ang aanihin.