“Gulay! Bili na kayo ng gulay! Sariwang-sariwa kaysa sa paninda ng isang babae d’yan!” pagtatawag ng mamimili ni Amanda habang nakatingin sa isang dalagang noon pa man ay kinakagalitan na niya.
“Ang mga paninda ko ba ang tinutukoy mo? Para sabihin ko sa’yo, kakaangkat ko lang niyan. Huwag mong siraan ang mga ‘yan,” saway ni Gegel habang inaayos ang kaniyang mga panindang talong.
“Kakaangkat? Oo naman! Kakaangat mo lang niyan diyan sa mga bayong mong tatlong araw nang nakaimbak sa bahay niyo!” sigaw niya dahilan upang magsimulang magbulungan ang kapwa nila tindera’t ilang mamimili.
“Manahimik ka na lang d’yan at magtinda ng patas, parang awa mo na, wala ako sa kundisyong makipagtalo sa’yo,” nakatungong sagot nito habang patuloy na inaayos ang mga panindang gulay.
“Ang sabihin mo, totoo lahat ng paratang ko. Kitang-kita naman sa mga gulay mo, oh, puro butas! Ang talong mo pa, lantutay!” matawa-tawang sambit niya. Bahagya lamang siyang tiningnan ng dalaga at nang taasan niya ito ng kilay, agad itong tumungo dahilan upang bumalik na siya sa pagtatawag ng mga mamimili, “Gulay! Gulay kayo d’yan! Sariwang-sariwa! Walang halong biro at hindi inimbak sa bayong!”
Sa palengke na lumaki ang dalagang si Amanda. Bata pa lamang siya noong iwan siya ng kaniyang ina sa kaniyang lola na isang tindera ng gulay. Dahil nga bata pa lamang siya’t nakikita na niyang maaari naman siyang kumita sa pagtitinda, napagdesisyunan niyang huwag nang ipagpatuloy ang kaniyang pag-aaral nang makapagtapos siya sa elementarya at magtinda na lamang ng gulay kasama ng kaniyang lola. Sinang-ayunan naman siya ng kaniyang lola noong mga panahong iyon dahil bukod sa wala itong pangtustos sa kaniyang pag-aaral, mahina na ito’t may kalabuan ang mga mata.
Ngunit anim na taon simula noong makapagtapos siya sa elementarya, bigla namang bumagsak ang katawan ng kaniyang lola dahil sa sakit nito sa puso dahilan upang mag-isa na niyang palaguin ang pwesto nito sa palengke. Sabi pa niya noon sa kaniyang lola, “Kayang-kaya ko po magtinda mag-isa! Makakaasa kayong bawat uwi ko dito, ubos ang gulay natin!”
Simula noon, siya na ang mag-isang nag-aangkat ng mga gulay, nag-aayos, nagbebenta’t naglalako kung kinakailangan para lamang maibalik ang kanilang puhunan at makabili ng pagkain at gamot ng kaniyang lola.
Noong araw na ‘yon, ganoon na lamang ang inis niya sa dalagang matagal na niyang kinakagalitan. Madalas kasi itong makaubos kaagad ng paninda dahil nga sa maamo nitong mukha’t boses.
Ngunit laking tuwa niya nang maaga itong magsara dahilan upang maaga rin siyang makaubos ng paninda.
“Sabi na, eh, kapag talaga nawala ‘yang babaeng ‘yan, hindi ko na kailangan pang ilako ang mga gulay ko! Tanghali pa lang, makakauwi na ako!” bulong niya sa sarili habang itinatabi ang kaniyang mga bayong, “Panigurado matutuwa ang lola! Bukod sa may pera na kami, maaga pa ako makakauwi!” sambit niya pa saka nagmadaling umuwi.
Kinabukasan, maaga siyang nagbukas ng tindahan. Laking gulat niya nang hindi nagtinda ang kaniyang kakompetensya dahilan upang makibalita siya sa kapwa nila tindera. Sabi ng isa, “Naku, balita ko buntis ‘yon at galit na galit ang mga magulang!” dahilan upang mapangisi siya.
“Mukhang umaayon sa akin ang tadhana, ha? Mabuti nga sa kaniya! Inaakit niya lang naman ang mga mamimili kaya siya nakakaubos, eh!” ika niya pa dahilan upang magtawanan ang lahat ng tinderang nakarinig.
Lumipas ang ilang buwan at hindi na nga tuluyang nagtinda ang naturang dalaga na dahilan nang pagtaas ng kaniyang kita araw-araw.
Ngunit isang araw, bigla na lamang inatake ang kaniyang lola dahilan upang dalhin niya ito sa ospital at maubos ang kaniyang mga naipon. Hindi niya mawari kung saan kukuha ng perang ipapangbayad pa sa kulang nila sa ospital.
Nakatungo siyang umiiyak at nananalangin sa isang maliit na altar sa ospital. Naramdaman niyang may tumabi sa kaniya dahilan upang mapapunas agad siya ng luha. Pag-angat niya ng kaniyang ulo, hindi siya makapaniwala sa kaniyang nakita.
“Ge-gegel? Ikaw ba ‘yan? Totoo pa lang buntis ka?” pang-uusisa niya.
“O, Amanda, ikaw pala ‘yan! Himala’t hindi mo ako tinatarayan ngayon,” sagot nito, “Wala ka bang tinda? Anong ginagawa mo rito?” tanong pa nito.Dito na niya ikinuwento ang nangyari sa kaniyang lola at laking gulat niya nang abutan siya ng salapi ng dalaga.
“Naku, huwag na! Alam kong kailangan mo ito lalo na’t malapit ka nang manganak,” sambit niya saka binalik ang isang sobre.
“Mas kailangan mo ito, ayos lang ako, doktor ang asawa ko dito. Hindi niya kasi maaaring hawakan ang lola mo, eh, kaya ayan, kaunting tulong,” paliwanag nito saka muling binalik sa kaniya ang sobre, “Mauna na ako sayo, ha? Malamang hinahanap na ako ng asawa ko. Ingat ka, alagaan mo rin ang sarili mo!” sambit pa nito saka siya tuluyang nilisan.
Doon niya napagtanto ang tunay na dahilan jung bakit mabilis nauubos ang paninda ng naturang dalaga kaysa sa kaniya. Mabuti kasi ang puso nito’t mapagbigay.
Ginamit nga niya ang perang bigay ng dalaga na talaga nga namang naging malaking tulong upang mailabas niya sa ospital ang kaniyang lola. Bumawi siya sa dalaga sa abot ng kaniyang makakaya sa pamamagitan ng pag-aabot ng mga gulay dito araw-araw sa ospital na labis naman nitong ikinakatuwa.
Simula noon, naging mabait at mapagbigay na rin ang dalaga dahilan upang mas mapabilis ang kaniyang pagtitinda. Patuloy siyang nakaipon at nakabili ng mga gamot ng kaniyang lola.
Malaki ang tiyansa ng ating pagbagsak kung mata’t bibig ang ating gagamitin, ngunit kung puso’t isip ang siyang mangunguna, tagumpay ang ating makakamit.