“Nasa tamang katinuan ka ba, ate? Naririnig mo ba ang sinasabi mo?” Hindi napigilan ni Lorrea na mapagsabihan ang kaniyang ateng si Lucilla matapos nitong ilahad sa kaniya ang niluluto nitong plano. Magkausap sila sa video call.
“Lorrea, seryoso ako. Hindi ako nagbibiro. Pagbigyan mo ako, please. Ikaw lang ang tanging makakagawa nito. Ikaw lang…” pagmamakaawa ni Lucilla.
“Diyos ko naman, ate. Hindi ko magagawa ang iniuutos mong sipingan ko ang bulag mong asawa para magkaanak lamang kayo. Ano ka, nahihibang?! Grabeng panloloko iyon!” bulalas ni Lorrea.
“Kaysa naman sa mag-ampon kami ng hindi namin kadugo, hindi ba? Mas mainam na iyon. Hindi naman niya malalaman dahil nga bulag siya. Gusto kong pagbigyan ang asawa ko. Kahit iyon man lamang,” pakiusap ni Lucilla.
“Imposible ang sinasabi mo, ate. Hindi ko matatanggap iyan. Tama na ang usapan na ito,” sansala ni Lorrea.
“Hindi pa rin ako mawawalan ng pag-asa, Lorrea, na pagbibigyan mo ang ate mong nagpaaral sa iyo, at tumayong magulang sa iyo nang mawala ang Mama at Papa. Sige, matutulog na ako. Maraming salamat,” malungkot na pamamaalam ni Lucilla. Ibinaba na nito ang linya nito.
Parang nauupos na kandilang napaupo si Lorrea sa sofa ng kaniyang maliit na apartment. Hindi siya makapaniwala sa kahilingan ng kaniyang kaisa-isang ate na si Lucilla.
Malaki ang utang na loob ni Lorrea sa ateng si Lucilla. Ito ang nagbihis, nagpaaral, at bumuhay sa kaniya simula nang sumakabilang buhay ang kanilang mga magulang nang dahil sa isang aksidente.
Nakatapos ng pag-aaral si Lorrea sa kursong Accountancy dahil kay Lucilla. Huli na ito bago nakapangasawa. Sa isang bulag na si Tony. Nakilala niya ito sa isang kaibigan. Kahit bulag ito, mayaman umano ito dahil bago ito nabulag, isa itong negosyante. Nabulag si Tony dahil nasa lahi nila ang pagkabulag.
Natuklasan naman ni Lucilla na hindi siya magkakaanak, dahil sa tatlong taong pagsasama nila ni Tony, hindi pa sila biniyayaan ng supling. Hindi ito ipinaalam ni Lucilla sa kabiyak. Natatakot siyang iwan siya nito. Naalala niya, gusto nitong magkaanak dahil kailangang may magmana ng mga ari-arian nito.
Kaya naman, naisip ni Lucilla ang isang plano. Tutal ay bulag naman daw ang asawa, ang kapatid na si Lorrea ang sisiping dito. Ito ang magbubuntis para sa kaniya. Ayaw kasi ni Lucilla na mag-ampon.
Bagay na hindi matanggap ni Lorrea. Hindi siya makapaniwalang maiisip ng kaniyang ate ang ganitong ideya, na napapanood lamang niya sa mga teleserye o pelikula. Oo, malaki ang utang na loob niya sa kapatid, subalit hindi sa ganitong paraan dapat magbayad.
Isang linggo matapos ang pag-uusap ng magkapatid, nabalitaan na lamang ni Lorrea na may sakit daw ang kaniyang ate, batay sa isa sa mga kasambahay nito, na inutusan nitong tawagan siya. Dinalaw ni Lorrea ang kaniyang Ate Lucilla na nasa banig ng karamdaman.
“Mabuti naman at naisipan mo akong dalawin. Akala ko, hindi mo ko papansinin eh, matapos ang pag-uusap natin,” sabi ni Lucilla sa kapatid. Ginagap ni Lucilla ang isang kamay ni Lorrea.
“Magkapatid tayo, ate. Tayo na lamang ang magdadamayan. Pero sana huwag mo nang igiit ang gusto mo,” pakli ni Lorrea.
“Nakikiusap ako sa iyo, Lorrea. Malapit na akong mawala… I have stage 3 ovarian c*ncer. Pero itinatago ko ito kay Tony. All this time ang akala niya ordinaryong sakit lang ito. Ayoko siyang mag-alala. Tulungan mo ako, Lorrea. Ikaw ang magbuntis para sa akin. Please… nakikiusap ako…” umiiyak si Lucilla.
Matindi ang pakiusap nito sa kapatid. Nakaramdam ng labis na habag si Lorrea sa kaniyang ate. Hindi siya makapaniwala sa pagtatapat na ito. “A-ano bang… gagawin ko? Ano ba ang plano mo?” napapalunok na tanong ni Lorrea.
Napangiti si Lucilla. Sinabi niya ang lahat ng plano niya kay Lorrea.
Makalipas ang ilang araw, nakauwi na rin si Lucilla mula sa ospital. Sa gabi, hiniling niya kay Tony na magsiping sila. Walang kaalam-alam si Tony sa pinagdaraanan ng kaniyang asawa. Mahigpit ang bilin ni Lucilla sa mga espesyalista na huwag sabihin kay Tony ang tunay niyang karamdaman.
Habang nagniniig sina Lucilla at Tony, nasa labas naman ng silid si Lorrea. Hindi siya mapakali. Hindi rin niya alam kung bakit napapayag siya sa plano ni Lucilla. Alang-alang sa kapatid na posibleng mawala na. Alang-alang sa utang na loob.
Habang nagninilay, lumabas ng silid si Lucilla. “Malapit na siya… maghubad ka na at ikaw ang pumasok sa loob… dalian mo na… baka mahalata tayo. Siguruhin mong sa loob siya maglababas ha…” utos ni Lucilla. Naka-roba lamang ito. Nanginginig si Lorrea. Gusto niyang tumalikod sa usapan nila ni Lucilla subalit naroon na siya.
Matapos mahubad ang lahat ng saplot, naghanda na si Lorrea. Hindi naman ito ang unang beses na siya ay makikipagtalik, subalit kakaiba ito ngayon.
“Huwag mo akong bibiguin, Lorrea,” bulong ni Lucilla. Kinilabutan si Lorrea. Para siyang sinampal sa katotohanan. Para siyang binuhusan ng malamig na tubig.
“H-Hindi ko ito magagawa, ate. Pasensya ka na. Nagbago na ang isip ko…” naiiyak na sabi ni Lorrea.
“Anong… Lorrea naman, huwag mo naman akong bitinin! Narito na tayo eh, aalis ka pa? Makikinabang ka rin naman dito,” sabi ni Lucilla.
“Hindi ate. Hindi ako imoral na tao. Mali itong ginagawa natin. Pasensya ka na pero hindi ko ito magagawa,” sabi ni Lorrea at isa-isa niyang pinulot ang kaniyang mga hinubad na saplot.
Magsasalita pa sana si Lucilla upang pigilan ang kapatid nang walang ano-ano’y bumukas ang pinto at tumambad si Tony. Namumula ang mukha nito. Nakikinig pala ito sa likod ng pinto. Malakas talaga ang pandinig ng mga bulag.
“Anong nangyayari dito? Anong plano? Anong imoral? Lorrea ikaw ba iyan? Lucilla? Anong ibig sabihin nito?” seryosong tanong ni Tony. Hawak nito ang pang-alalay na tungkod. Hindi nakahuma ang magkapatid.
“Narinig ko ang lahat. Lucilla, anong kalokohan ang pumasok sa kukote mo para gawin ang ganito sa ating relasyon? Pati sarili mong kapatid idinadamay mo sa mga kalokohan mo!” galit na sumbat ni Tony kay Lucilla.
Tuluyan nang pumalahaw ng iyak si Lucilla. Lumapit ito kay Tony at nagpaliwanag.
“I-I was diagnosed with stage 3 ovarian c*ncer, mahal. Hindi ko sinabi sa iyo. Prior to that, napag-alaman ko rin na… na… hindi pala tayo magkakaanak. Hindi kita mabibigyan ng anak, Tony. Baog ako. Baog ako!” umiiyak na sabi ni Lucilla.
“I felt desperate. Naalala ko sinabi mo sa akin na gusto mo magkaanak para may mapamanahan ka ng mga ari-arian mo. Ayokong biguin ka, Tony. That’s why, I asked my sister Lorrea… na… na…” hindi na natuloy ni Lucilla ang sasabihin dahil napaiyak na siya nang tuluyan.
“Na sumiping sa akin para siya ang magbuntis, ganoon ba Lucilla? That’s the way I see it. Tama ba ako?” naiiyak na rin si Tony.
“Oo, Tony. Oo! Desperada na ako. Ayokong mag-ampon. Gusto ko kadugo ko ang magiging anak mo. Patawarin mo ako, Tony. Patawarin mo ako!” humahagulgol na sabi ni Lucilla sa asawa.
“Sa tingin mo ba Lucilla, ganoon lang kababaw ang pagmamahal ko sa’yo? Na kaya kita pinakasalan dahil gusto kong magkaanak? Hindi gano’n iyon, Lucilla. Pinakasalan kita dahil mahal kita at gusto kitang makasama habambuhay!”
Matapos marinig ang mga pananalitang ito, agad na sinugod ng yakap ni Lucilla ang asawa. Pinupog ito ng halik sa pisngi, sa mukha, sa labi habang sinasambit ang mga katagang “Sorry! Sorry!”
“Lalabanan natin ang sakit mo, mahal. Huwag kang mag-alala. I’m just here for you. Nauunawaan ko kung bakit mo ginawa ang ginawa mo ngayon. But please… huwag mo nang ulitin,” pakiusap ni Tony habang bumabalisbis ang mga luha sa kaniyang pisngi.
“No, Tony. Hindi totoong may c*ncer ako. Part of my plan para… para… mapapayag si Lorrea sa plano ko,” humihikbing pag-amin ni Lucilla.
Kumalas sa pagkakayakap si Lucilla at tinangkang lapitan ang kapatid na si Lorrea. Hinarang ni Lorrea ang kaniyang mga kamay.
“Huwag kang lalapit ate. Huwag kang lalapit! Bakit kailangan mong magsinungaling sa akin, sa amin? Bakit?! Ito ba ang kabayaran ko sa lahat ng mga sakripisyo mo para sa akin? Sabihin mo nga, ito ba?” naiiyak na sumbat ni Lorrea sa ate.
“Lorrea, hindi ko sinasadya. Patawarin mo ako. Naisip ko lamang iyon dahil alam kong hindi mo ako matitiis, at upang mapapayag ka sa gusto kong mangyari. Patawarin mo ako, Lorrea,” pagtatapat at paghingi ng dispensa ni Lucilla.
Niyakap ni Lucilla ang kapatid. Naramdaman ni Lorrea ang sinserong paghingi nito ng tawad. Mahigpit silang nagyakap na magkapatid. Pinatawad ni Lorrea ang kaniyang ate. Nauunawaan niya ito.
Patuloy na nagsama sina Lucilla at Toni. Pumayag si Lucilla na mag-ampon sila. Si Lorrea naman ay nakatagpo ng isang lalaking nagmahal sa kaniya ng wagas, at siyang makakasama sa pagbuo ng sariling pamilya.