Saan Nga Ba Ang Maingay Na Butiki?

Isang katulong ng mayamang pamilya si Ara, lima silang mga katulong at may kaniya-kaniya silang trabaho sa bahay. Siya naman ang nakatoka sa paglilinis sa babang parte ng bahay, kaya kahit papaano ay hindi sila gaanong napapagod dahil tulungan silang lima.

Bago dumating ang alas dos ng hapon ay tapos na silang lahat sa kanilang gawain. Kaya kaniya-kaniya na silang nagpapahinga sa mga sari-sarili nilang kwarto. Ngunit ang nakakainis lang ay may naligaw yatang butiki o kung anumang h*yop sa kanila, dahil maingay ito kaya kahit ang kanilang amo ay nabubwisit na din. Hindi sila pinapatulog nito, dahil pinapahanap sa kanilang lima ang butiking nag-iingay.

“Walang matutulog magdamag kapag hindi nahahanap ang maingay na butiki!” utos ni Madam Salve sa kanilang lima.

“Pero madam–” aangal pa sana si Kaye nang agad ding natigil dahil muling nagsalita ang kanilang amo.

“Walang pero, pero! Hanapin niyo iyon, dahil hindi ako nakakatulog sa ingay,” inis na wika nito.

Kaya wala silang magawang lahat kung ‘di sundin ang inutos nito kahit labag na labag iyon sa kanilang loob. Ang hirap maghanap ng butiki. Para silang naghahanap sa isang malawak na kagubatan dahil imposibleng makita nila ang pinapahanap nito.

“Diyos ko kung nasaan ka man butiki ka umalis ka na, utang na loob. Madaling araw na at hanggang ngayon wala pa kaming tulog. May gagawin pa kaming trabaho mamaya, tapos hindi kami nakatulog dahil sa’yo. Kung nasaan ka man umalis ka na sa bahay na ito,” mangiyak-iyak na wika ni Ara na agad namang sinang-ayunan ng apat pa niyang kasama.

“Para tayong naghahanap ng karayom sa isang malawak na kagubatan,” malungkot na segunda naman ni Mae.

Advertisement

“Sinabi mo pa. Pinapahanap niya tayo sa isang butiking napaka-imposibleng mahanap. Paano naman pala kung nasa kisame iyon? Susuungin pa ba natin ang maliit na kisame para lang mahanap iyon? Nakakainis naman,” wika pa ni Sarah.

“Ewan nakakasar na. Gustong-gusto ng pumikit ng mga mata ko,” nanghihinang wika ni Ara.

Halos gabi-gabi na silang hindi natutulog dahil sa butiking pinapahanap sa kanila ng madam nila. At ito na nga ang pang-pitong araw. Hinang-hina na sila at pwede na yatang ipatimbang ang eyebags nilang lima sa laki.

“Hindi ko na kaya ‘to! Magreresign na lang ako. Kaysa mam*tay ako sa pagod tapos ilang gabi na akong hindi nakakatulog dahil sa butiking iyan!” galit na wika ni Mae.

“Ako din! Ayoko na,” segunda ni Kaye.

“Ako din! Hindi ko na kaya,” tugon naman ni Sarah tsaka sabay-sabay na sumang-ayon ang dalawa pa. Kaya nagkaisa silang umalis na lang. Para kasing isang parusa ang ginagawa sa kanila ni Madam. Hindi na tama at wala nang hustisya.

“Hindi na namin kaya madam, kung gusto mo talagang mawala ang kinaiinisan niyong butiki maghanap kayo ng may alam kung paano iyon makukuha. Katulong po ang pinasok namin sa bahay niyo at hindi naman po kami nagkulang sa bagay na iyon.

Ang robot po ay nag-o-over heat kapag na sobrahan sa gamit at ganun din po kami, ilang araw na kaming walang tulog dahil sa butiking pinapahanap niyo. Kinabukasan kailangan pa naming linisin ang malaki niyong bahay tapos kapag gabi pinagbabawalan niyo kaming matulog. Hindi na po namin kaya madam, kukunin na namin ang sahod namin at aalis na kami,” mahabang wika ni Ara.

Advertisement

“Oo nga madam. Wala naman po kasing hustisya ang ginagawa niyo sa’min,” tugon ni Sarah at agad naman na sumang-ayon ang iba pa. Nakita nilang lahat kung paano natahimik ang kanilang amo dahil sa sinabi nila.

“Hindi namin kayang magpaka-robot dahil hindi naman kami ganun. Tao kami at kailangan namin ng pahinga sa mahabang oras na kinailangan naming alagaan kayo at linisan ang bahay niyo. Aalis na lang po kami madam,” wika ni Kaye.

“Sorry sa inyong lahat. Hindi ko naisip na nahihirapan din kayo. Mas inisip ko ang inis ko sa ingay ng butiki at hindi ko naisip ang pagod niyo. I’m sorry. Maigi na rin na prinangka niyo ako. Patawad…,” malungkot na wika ng kanilang amo. “Tama ka Ara, hindi ko naisip na hindi pala kayo ang dapat gumagawa niyan. Pasensya na talaga,” anito sabay yakap sa kanilang lima.

Mabait naman ang kanilang madam, dahil lang talaga sa ingay ng butiki kaya sila pinahirapan nito. Ngunit mula nung nagreklamo sila ay nagising ito at humingi ng tawad sa kanila. Bumalik sa dati ang lahat dahil kinabukasan noon ay tumawag ito ng magaling manghuli ng mga ganung hay*p.

Masaya sila nangg magtagumpay ang kinuhang dalawang lalaki ng kanilang madam at tama nga ang hinala nila dahil hindi maliit na butiki ang nakuha ng mga ito. Malaki iyon at may kulay — sa probinsya nila ang tawag dun ay tuko. Kaya masaya at magaan na ulit ang buhay nilang mga katulong.

Minsan hangga’t hindi ka nagrereklamo sa walang husisyang ginagawa ng kapwa mo ay hindi nila malalaman na mali na sila. Kaya mas maigi din na matuto tayong magsalita at mangatuwiran kung pakiramdam natin na sobra na at inaabuso na nila tayo.