
Si Mariella Gastadora
Ipinanganak na mayaman si Mariella. Simula pagkabata ay ibinigay sa kanya ng kanyang mga magulang ang lahat ng mga bagay na gusto niya.
Kaya naman kahit may asawa at mga anak na siya ay maluho pa din ang pamumuhay niya.
Bili dito, bili doon at kain dito, kain doon ang nakasanayan niyang libangan kasama ang mga kumare niya.
Mabait naman sa kanya ang asawa niya at hindi naman siya kayang pakialamanan sa mga anak niya sa ginagawa niyang pagwawaldas ng pera kaya naman hindi na siya natigil sa paggasta ng pera at pamimili ng mga bagay na wala namang kabuluhan.
Dahil madalas wala sa bahay si Mariella, lumaki ang kanyang mga anak hindi sa pangangalaga ng ina kundi sa mga katulong, kaya naman malayo ang loob ng mga anak niya sa kanya.
Malaki rin ang kanilang bahay kaya may mga araw na halos hindi niya na nakikita ang mga anak.
“Mare, nagka-casino ka ba? Kasi may alam ako na magandang casino, safe na safe doon dahil pagmamay-ari ng isang Mayor na kumpare ng asawa ko,” isang araw ay usisa ni Myrna sa kaibigang si Mariella habang nasa labas sila at nagkakape.
“Naku, ayaw ng asawa ko yang mga ganyan lalo na’t may kaibigan kaming nalulong sa sugal at nalugi ang kumpanya,” sagot naman ni Mariella.
“Eh mare nasa sa’yo naman ‘yan kung hahayaan mong malulong ka sa sugal o didisiplinahin mo ang sarili mo,” natatawa namang kumbinsi ni Grace sa kumare.
“Kung ayaw mo naman, ayos lang. Sama ka na lang samin bukas ng gabi, kahit manood ka lang,” sabi na lang ni Myrna.
Sabado ng gabi. Nagpaalam si Mariella sa asawa na pupunta sa bahay ng kaibigang si Grace para makipag-kwentuhan.
“Mabuti at pinayagan ka ng asawa mo?” Tanong ng mga kaibigan habang papunta sila sa pasugalan.
“Hindi niya naman alam eh, ang sabi ko ay pupunta lang ako sa bahay nila Grace para makipag-chikahan,” sagot ni Mariella.
“Luka luka ka talaga!” at napuno ng hagikhikan sa sasakyan.
Nang makarating sila ay agad silang sinalubong ng isang lalaking nagpakilalang manager daw ng lugar na iyon. Iginiya kaagad sila nito sa isang mesang may iilang kababaihan din na naglalaro ng poker o pusoy .
Mukhang regular at VIP na kostumer ang mga kaibigan ko, sa isip isip ni Mariella.
Ilang sandali pa ay nawili na nga si Mariella sa panonood.
Nang maghahatinggabi na, imbes na magyayang umuwi ay napagdesisyunan ni Mariella na subukang maglaro.
Mukhang nasa panig niya ang swerte at tila totoo ang beginner’s luck dahil umabot sa isandaang libo ang naipanalo niya nang gabing iyon.
Nang mga sumunod na araw ay panay panay na ang pagsama ni Mariella sa nasabing pasugalan. Si Mariella, na ubod ng swerte ay milyon milyon na ang naipanalo sa isang linggo niyang maglalaro.
“ANO? NABABALIW KA NA BA?” Gulat na sabi ng mga kaibigan nang sabihin ni Mariella ang plano na ipusta ang lahat ng perang napanalunan niya, kasama na ang stocks niya sa kumpanya ng asawa na aabot ng isandaang milyon.
“Kailangan kong samantalahin ang swerte ko. Isipin niyo kung gaano kalaking pera ang madadagdag sa pera ko kapag naipanalo ko ito,” sabi naman ni Mariella sa mga kaibigan.
“Bahala ka, matigas ang ulo mo. Wag mo sabihing hindi ka naming pinigilan. Nagsisisi ako na niyaya pa kita sa pasugalan na iyon,” naiinis na sabi ni Myrna bago iniwan ang kaibigan.
Si Grace naman, bago umalis ay sinabihan pa ang kaibigan na makuntento na siya sa kung ano ang napanalunan at wag nang isugal pa ang pera ng kumpanya na pinaghirapan pa itayo ng tatay ng asawa niya.
Dahil sanay nga si Mariella na nakukuha ang lahat ng gusto niya, pumunta pa din siya sa pasugalan nang gabi ding iyon.
Walang pagdadalawang isip niyang ipinusta ang malaking pera kaya ganun na lamang ang pagkagimbal niya nang sa unang pagkakaton ay matalo siya.
Umiiyak siyang tumawag sa mga kaibigan ngunit wala siya ibang narinig sa mga ito kundi ang mga katagang “Sinabihan na kita, hindi ba?”
Mas lalo pang nainis ang mga ito sa kanya nang sinabi niya na mangungutang siya sa mga ito para bawiin ang naipatalo niya.
“Nababaliw ka na, Mariella,” sabi ng kaibigang si Myrna.
Wala siyang nagawa kundi ang mangutang sa bangko bago pa malaman ng asawa niya ang mga ginawa niya. Bilang kolateral, isinanla niya ang kanilang mga bahay at ang natitirang bahagi ng kompanya.
Hindi papayag si Mariella na mawala sa kanya ang kanyang mga milyones nang ganun ganun na lang. Kaya naman isusugal niyang muli ang perang inutang para makabawi.
Kinabukasan ng gabi, sa kabila ng pagpigil ng kanyang mga kaibigan ay tumulak pa din si Mariella sa pasugalan. Isinugal niya ang lahat ng perang inutang kasabay ng piping dalangin na sana ay hindi siya malasin nang gabing iyon.
Ganun na lamang ang panlulumo niya nang lumiit ng lumiit ang perang hawak hanggang sa tuluyan na itong maubos.
Umuwi siya nang gabing iyon ng luhaan at punong puno ng pagsisisi.
Makalipas ang isang buwan ay inilit ng bangko ang mga pag-aari ng pamilya ni Mariella. Mula sa marangya na pamumuhay ay naging simple at ordinaryo na lamang ang kanilang bahay.
Ang asawa niya na dating may-ari ng kompanya ay naging isa na lamang ordinaryong empleyado.
Si Mariella ay hindi lamang nawalan ng pera. Kasabay ng pagkawala ng kanilang mga ari arian ay ang pagkawala din ng mga itinuring niya na kaibigan.
Ngunit kung mayroon mang ikinasasaya si Mariella, ‘yun ay ang mas madalas nilang pagkikita ng kanyang asawa at mga anak. Dahil sa maliit na bahay na lang sila nakatira, madalas din silang nagkakasama sama kumain at kung minsan ay nakaka-kwentuhan niya ang kanyang mga anak. Bumawi siya sa lahat ng kanyang pagkukulang.
Sa tingin ni Mariella, nawalan man siya ng pisikal na pag-aari, may mas mahalagang kayamanan naman na bumalik sa kanya, kayamanang kailanman ay hindi kayang higitan ng gaano man kadami na pera – ang kanyang pamilya.