Inday TrendingInday Trending
Ako ay Nakagapos Kay Mama

Ako ay Nakagapos Kay Mama

Elementarya palang si Andrea ipinagmamalaki na siya ng kanyang inang si Betty. Likas na matalino at masipag na bata si Andrea.

Lagi itong nangunguna sa klase nila. Bukod pa doon, may angking ganda at talino ang bata. Marunong itong kumanta at sumayaw. Kung susumahin lahat na ng mga magandang bagay natatamasa ng bata. Maayos ang kalagayan nila sa buhay dahil parehong lesensyadong mga guro ang mga magulang niya.

“Congrats Ma’am Betty, first honor na naman ang anak niyo!” masayang balita ng isang guro sa ginang.

“Nako hindi na ako nagulat sa balita. Ang totoo niyan inaasahan na naming mag-asawa na mangunguna ulit sa klase si Andrea,” pagmamalaki ni Betty sa mga kasama.

“Oo nga Ma’am Betty napaka swerte niyo talaga ni Carlos sa inyong unica hija,” sabat ng isang nanay na dumalo sa pulong.

Bukod sa dalawa, maraming tao pa ang bumati sa mag-ina dahil sa karangalang natamo ni Andrea. Hanggang sa pag-uwi ng bahay, walang bukambibig si Betty kundi ang pagiging first honor ng anak. Sobrang ipinagmamalaki niya ito.

“Anak, alam mo ba dahil first honor ka. Makakakuha ka ng full scholarship sa sekondaraya,” saad ng ina sa anak.

“Talaga po inay?” masayang tanong ng bata.

“Oo. Nakausap ko na si Mayor, kukunin ka daw nilang full scholar ‘nak.”

“Betty, baka naman pinilit mo si Mayor na maging iskolar si Andrea. Nakakahiya iyon. Para namang hindi natin kayang pag-aralin ang anak natin,” singit ng padre de pamilya na si Carlos.

Taliwas sa ugali ni Betty, walang masyadong pakialam si Carlos sa anak. Mas pinagtutuunan nito ng pansin ang trabaho.

“Carlos ano bang sinasabi mo? Anong pinilit? Hindi ko na kailangan pilitin pa si Mayor, dahil lahat ng tao dito sa lugar natin batid kung gaano katalino ang anak natin! Magiging iskolar siya dahil sa pagsisikap niya sa pag-aaral. At hindi ko naman sinasabing hindi natin kayang pag-aralin si Andrea. Ang punto dito, panibagong karangalan niya kung makukuha siyang full scholar ng munsipyo. Aba’y lahat ng iskolar ni Mayor lahat matatalino!”

Hindi nalang umimik sa kanya ang asawa.

“Basta anak lalo mong gagalingan sa sekondarya ha?”

“Opo inay,” maikling tugon ng bata.

Mabilis na lumipas ang panahon at nag tuloy-tuloy ang gustong mangyari ni Betty sa anak. Dahil maging sa sekondarya, si Andrea pa rin ang nanguna sa klase nila.

Naging popular siya lalo sa eskwelahan at maging si Aling Betty ay nakilalang pinaka maswerteng nanay sa lugar nila dahil sa pagkakaroon ng anak na gaya ni Andrea. Di mapantayan ang pagiging proud niya sa anak.

Habang nagsasalo-salo ang mag-anak sa selebrasyon ng graduation ni Andrea napag usapan ang kursong kukunin nito sa kolehiyo.

“Anak, anong plano mo? Anong kurso ba ang kukunin mo?” tanong ng ginang sa anak.

“Gusto ko sanang mag aral ng beterenaryo, Ma,” direktang sagot ng dalaga.

Parehong natigilan sa pagkain ang mag-asawa. Hindi sila makapaniwalang pagiging beterenarya ang gustong maging propesyon ng anak. Para sa kanila napakababa nito kumpara sa kakayahan ni Andrea.

“Ano? Anak hindi pwede! Mag-aabogada ka. Walang pupuntahan ang pag ipinagpatuloy mo yang gusto mo,” ma-awtoridad na tugon ng Ginang.

“Pero Ma, hindi ko po gustong maging abogada. Ni minsan hindi ko po nakita ang sarili ko sa ganyang larangan,” pagtutol ng dalaga.

“Wala ka nang magagawa, basta mag aabogada ka. Matagal ko nang sinabi sa mga kaibigan ko na magkakaroon ako ng anak na abogada. Kaya sa ayaw at sa gusto mo, yun ang kukunin mong kurso!” banta ng ina sa kanya.

Hindi naitago ni Andrea ang inis sa ina. Wala siyang magawa sa mga bagay na idenedekta nito sa kanya.

Dahil sa kagustuhan ng Mama niya, itinuloy niya ang pag-aabogasya. Subalit hindi naging madali ang lahat para sa dalaga. Nahihirapan siyang gawin ang isang bagay na hindi naman siya masaya.

Sa halos walong taong pag-aaral niya ng abogasya, tiniis niya lahat alang-alang sa Mama niya. Pero akala niya, magtatapos na lahat ng paghihirap niya, pero may mas mahirap pa palang gustong mangyari ang Mama niya.

“Ano na ang plano mo ngayon anak? Gusto mo bang mag-aplay sa mga law firm?” tanong ng Papa niya sa kanya.

“Ah Papa… gusto ko po muna sanang magpahinga. Para makapag isip-isip po ako kong ano ang balak kong gawin.”

“Anong magpapahinga?! Hindi anak, kailangan mong mag-aral ulit para makakuha ka ng lisensya,” tugon naman agad ng Mama niya sa kanya.

Kagaya ng inaasahan, desisyon na naman ni Aling Betty ang nasunod. Hindi nalang nag reklamo si Andrea.

Pinag-enroll siya sa isang review center upang maging handa sa darating na pagsusulit.

Panibagong kalbaryo na naman sa kaawa-awang dalaga.

Isang araw bago ang pre-bar exam nila, kapansin-pansin ang panghihina ng dalaga.

“Andrea okay ka lang ba?” tanong ng kaklase niya sa kanya.

“Oo, okay ang ako.” maikling sagot ng dalaga.

Pero taliwas sa sinabi niya ang totoong nararamdaman niya. Sobrang sakit ng katawan niya, pagod na pagod na siya at pakiramdam niya sasabog ang utak niya. Naisipan niyang matulog muna upang maihanda ang sarili sa pre-bar exam nila.

Pero hindi kinaya ng katawan niya kaya nakaliban siya sa pre-bar exam nila. Galit na galit na sumugod ang Mama niya sa apartment na tinutuluyan niya.

“Ano bang nangyayari sa iyo Andrea?! Bakit nagawang mong hindi umattend sa araw ng pre-bar exam niyo!” sigaw ni Aling Betty sa anak niya.

“Ma, pasensya na. Hindi lang po talaga kinaya ng katawan ko. Sobrang napagod lang po ako. Kailangang-kailangan ko na po talagang magpahinga kagabi.”

“Tsaka kana mag pahinga pag lisensyado kana! Pag abogada ka na!” gigil na gigil sa kanya ang ina dahil napahiya ito sa ginawa ni Andrea.

Hindi inaasahan ni Andrea na mas uunahin ulit ng Mama niya ang sariling kapakanan nito, kumpara sa kalagayan niya.

Dahil maimpluwensya ang kanyang mga magulang, nagawan nila ng paraan ang naging problema ni Andrea sa paaralan niya.

Naging kwalipikado ulit siyang para sa final bar exam nila.

Isang magandang resulta ang natanggap ni Aling Betty dahil nakapasa si Andrea sa nasabing pagsusulit.

Masaya siyang nagtungo sa kanyang anak upang batiin ito. Pero laking gulat niya ng matagpuang nakahandusay ang anak sa sahig.

“Andrea!!!” umalingawngaw sa buong bahay nila ang panangis ni Aling Betty.

Sinubukan pa nilang isugod sa hospital ang dalaga, pero huli na ang lahat. Napag-alaman nilang may brain tumor ang dalaga.

Doon lang napagtanto ni Aling Betty ang naging kasalanan niya sa anak. Hindi niya inisip ang sariling kapakanan ng anak, bagkus wala siyang ibang bukambibig kundi ang pagpapabango ng kanyang pangalan.

Tuluyan na ngang lumaya si Andrea sa pagkakagapos sa ina.

Huli na ang pagsisisi at paghingi ng tawad ni Aling Betty sa anak. Kailanman hindi na babalik ito.

Advertisement