Tagu-taguan Maliwanag Ang Buwan

“Fred, tara punta tayo sa bakanteng lote! Maraming bata ngayon doon panigurado! Masayang maglaro ng tagu-taguan kapag marami tapos magdidilim na!” yakag ni Lance sa kaniyang pinsang naglalaro ng psp.

“Ayoko nga! Nakakahiya sa mga bagong bata. Hindi ako magaling magtago saka mabilis tumakbo,” daing ng pinsan niya saka bumalik sa paglalaro.

“Ayos lang ‘yan! Ako bahala sa’yo!” tugon ni Lance. Pinilit niya pa ito at hindi kalaunan ay napapayag niya rin naman ito.

“Basta huwag mo akong tatayain saka tatakutin, ha? Isusumbong talaga kita sa mama ko!” banta nito saka tuluyang sumama sa nakatatandang pinsan. Matawa-tawa naman ang binata, halatang may binabalak siya sa nakababatang pinsan.

“Yari ka sa’kin! Tiyak mapapaihi ka sa takot kapag ako naging taya,” isip-isip niya habang naglalakad sila papunta sa naturang bakanteng lote.

Labing tatlong taong gulang na si Lance. Kahit pa may pagkabinata na, dahil nga laking kalye, hindi siya nagsasawang makipaglaro sa mga nakababata sa kaniya. Sa tuwing dadayo siya sa bakanteng lote, lagi niyang isinasama ang nakababata niyang pinsan.

Tuwang-tuwa kasi siya kapag natataya ito, malimit kasi itong umiyak at maglupasay. Kapag naman natatakot, laging napapaihi sa kaniyang short kaya naman labis na lang ang sayang nararamdaman niya kapag nayayaya niya ito. Nagagawan niya kasi ito ng kalokohan.

Mayamaya pa nung araw ring iyon, nakarating na rin sila. Sakto namang naglalaro na rin ang mga bata kaya agad din silang nakisali.

Advertisement

Ngunit bago pa man sila magsimula, binulungan na ni Lance ang mga bata tungkol sa kaniyang balak.

“O, ako magiging taya, ha? Tapos lahat kayo sabihin niyo kay Fred doon magtago sa likod ng puno, tapos takutin natin siyang lahat, ha? Doon lang kayo magtago sa likod ko, kung saan ako magpipiring,” tumango-tango naman ang mga bata saka muling nagkumpulan para simulan na ang paglalaro.

“Maiba taya!” sabay sabay nilang sigaw.

“O, taya ka Lance! Doon ka magpiring!” sigaw ng isang kasabwat na bata, ngising-ngisi naman ang binata, “O, sige. Galingan niyo magtago, ha? Yari kayo sa akin!” banta nito saka tuluyan nang nagpiring.

“Tagu-taguan maliwanag ang buwan, wala sa likod, wala sa harap, pagbilang kong tatlo nakatago na kayo,” kanta pa ni Lance. Naririnig niyang nagsimula nang magtakbuhan ang mga bata.

“Isa,” bilang niya, tila natataranta ang mga yapak ng mga bata .

“Dalawa,” sunod niyang bilang, tila nakarinig siya ng sigawan.

“Tatlo! Game?” huling bilang niya, bahagya nang tumahimik ang paligid.

Advertisement

“Hoy game na ba? Sige ito na ako!” sigaw niya saka dumilat, ngunit pagbukas ng mga mata niya, lahat ng kalaro niyang bata ay nakahandusay at nagkalat sa bakanteng lote.

“A-anong na-nangyari sa inyo? Si-sinong may gawa nito?” mangiyakngiyak na tanong ni Lance sa mga batang nag-aagaw buhay.

“Ma-magtago ka na Lance, ayan na siya,” ika ng isang bata saka tuluyang nawalan ng buhay, agad naman nataranta ang binata at nagtago sa likod ng isang malaking puno. Halos maghabol siya ng hininga dahil sa kaba’t takot na nararamdaman.

“Kuya Lance? Nasaan ka na? Ikaw na ang susunod!” mga katagang nagpataas ng kaniyang mga balahibo, boses ni Fred iyon, at tila hinahanap na siya nito.

“Si-si Fred ang gumawa nito? Hindi maaari!” hikbi niya sa sarili, pilit niyang pinipigil ang paghagulgol para hindi siya marinig ng kaniyang pinsan ngunit dahil sa hindi niya na nakayanan ang takot, napasinghot siya dahilan para makita siya nito.

“Bulaga!” sigaw ni Fred, may hawak-hawak itong kutsilyong punong-puno ng mga dugo.

“Fred, ako ito, si Kuya Lance! Patawarin mo na ako! Pangako hindi na kita gagawan ng kalokohan!” iyak niya dito saka siya napaihi sa takot, ngunit tila hindi ito inintindi ng bata at itinusok sa kaniya ang hawak na kutsilyo, napasigaw siya ng malakas.

“Kuya Lance! Gising! Kanina pa kami nagtatago hindi mo man lang kami hinanap! Yung iba pinauwi na ng mga magulang nila! Ang daya mo talaga, dyan ka na nga!” sigaw sa kaniya ng isang bata saka niyakag ang ibang batang umalis na. Halos maghabol ng hangin ang binata, napasigaw siya ng lapitan siya ng nakababatang pinsan.

Advertisement

“Bakit parang nakakita ka ng multo, Kuya?” walang kamuwang-muwang na tanong nito, nilapit niya ito sa kaniya saka niya ito niyakap.

“Patawarin mo si Kuya kung lagi kitang niloloko, ha? Pangako, hindi na ako gagawa ng kalokohang makakasama sa’yo,” mangiyakngiyak na sambit nito, tila hindi naman maintindihan ng bata ang sinasabi ng kaniyang pinsan.

“Naku, kung anu-ano sinasabi mo! Halika na, hatid mo na ako at baka mapagalitan pa ako ni Mama,” tugon nito.

“Saglit, napaihi ka sa shorts kuya?” tanong ng pinsan niya nang makitang basa ang kanyang shorts saka humagalpak ng tawa.

“Ah, tinatawanan mo ako, ha? Yari ka sa’kin!” banta niya saka hinabol ang pinsan.

Simula nang bangungot na iyon, hindi na muling niloko ng binata ang kaniyang pinsan. Naisip niya, hindi tamang gawing katatawanan ang kahinaan ng iba.