Inday TrendingInday Trending
Nalunod sa Isang Basong Tubig ng Tagumpay

Nalunod sa Isang Basong Tubig ng Tagumpay

Maaga pa lamang ay gising na si Mang Lope. Ngayon kasi ang pagdating ng kaniyang nag-iisang anak na lalaki na si Simeon mula sa Maynila. Pinag-aral niya ang anak ng Abogasya mula sa pagsasaka at pangingisda. At ngayong nakapasa na sa board exam ang anak ay ipinagmamalaki niya sa buong baryo na nakapagpatapos siya ng anak sa kabila ng kalunos-lunos na kalagayan.

Pinaghandaang mabuti ni Mang Lope ang pagdating ng anak. Hindi muna siya nangisda o nagsaka kahapon at ngayon. Kahapon, ginugol niya ang buong araw sa paglilinis ng kanilang malaking kubo na gawa sa pawid at kawayan. Hindi mapigilan ni Mang Lope ang mapangiti habang inaagiwan ang kisame at iniis-is ang mga upuang kahoy sa loob ng bahay. Malapit na itong maging ganap na semento at bato. Pangako kasi ni Simeon noon na kapag nagkatrabaho na ito ay iaahon siya mula sa kahirapan.

Nilinis maigi ni Mang Lope ang natiwangwang na silid ni Simeon simula nung mag-aral ito sa Maynila. Mainam niyang sinabunan ang papag na kahoy na hihigan ng anak. Ayaw niyang may maipipintas si Simeon lalo’t abogado na ito. Inanyayahan niya ang kapitbahay na si Aling Talen upang matulungan siya sa paggawa ng biko na paborito ng kaniyang anak.

“Mabuti ka pa, Lope, nakapagpatapos na. Bihira ang mga gaya mo rito sa atin. Dito kapag ipinanganak kang magsasaka o mangingisda mamam*tay kang magsasaka o mangingisda. Mapalad ka,” puri ni Aling Talen sa kaibigan.

“Mas mapalad ako sa pagkakaroon ng mabuting anak, Talen. Matalino pa. Kung nabubuhay nga lamang si Sepa’y tiyak na magagalak din iyon.” Si Sepa ay ang yumaong kabiyak ni Mang Lope.

“Anong balak ni Simeon ngayong nakapasa na siya sa eksamen at abogado na?” ungkat ni Aling Talen sa kaibigan.

“Hindi pa kami nakapag-uusap. Alam mo namang hindi ako maalam sa paggamit ng selpon, eh. Bihira kaming magtalastasan,” nasabi na lamang ni Mang Lope.

Nagluto na nga si Aling Talen ng paboritong biko ni Simeon. Si Mang Lope naman ay inihanda ang mga paboritong pagkain ni Simeon. Inihaw na dalag, pako’t kamatis at pinaupong manok sa sampalok. Inilabas din niya sa taguan ang mga pinggan, kutsara’t tinidor na binili niya sa bayan na inilalabas lamang kapag may panauhin.

Hindi namalayan ni Mang Lope ang oras kaya laking gulat niya nang dumating si Simeon sakay ng isang tricycle. Pawisang-pawisan ito at nakakunot ang noo.

“Aba’y ang anak mo, Lope! Nariyan na si Simeon!” tuwang-tuwang pabatid ni Aling Talen kay Mang Lope. Nataranta naman ang matanda at muntik nang masipa ang iniihaw na dalag sa bunton ng mga bato.

Tinakbo ni Mang Lope ang anak at mahigpit na niyakap. Kinuha niya ang mga gamit na dala nito at ipinasok sa loob ng kubo.

“Hindi ka naman nagpasabi, anak, na malapit ka na. Nasundo sana kita,” sabi ni Mang Lope sa anak. Pinaupo niya ito sa isang upuang kahoy na matagal niyang inis-is.

Ayaw umupo ni Simeon sa naturang upuan.

“Wala po bang ibang upuan?” tanong ni Simeon sa kaniyang itay.

Nagkatinginan sina Mang Lope at Aling Talen.

“Sa bahay may plastik na upuan. Sige, kukunin ko lamang,” turan ni Aling Talen at humahangos na nagtungo sa kaniyang bahay upang kunin ang plastik na upuan.

“Pasensya ka na, anak, ha. Medyo magulo at mainit dito. Parang dati noong bata ka pa,” nag-aalangan ang ngiti sa mga labi ni Mang Lope. Nahihiya siya sa anak. Napansin niyang tumatagaktak ang pawis nito at mukhang naiinitan.

“Anak, sandali lamang at ikukuha kita ng tubig,” sabi ni Mang Lope. Kumuha siya ng malaking sartin at sumalok ng tubig sa kaang na kinalalagyan ng inuming tubig. Iniabot niya ito kay Simeon. Kinuha naman ito ni Simeon at tinitigang mabuti.

“Malinis ho ba ito? Wala bang yelo rito?” tanong ni Simeon kay Mang Lope.

Dumating na rin si Aling Talen at ipinaupo si Simeon sa monoblock na upuan.

“Sa lumang poso natin. Saan pa ba, anak? Hindi ba’t doon naman tayo kumukuha ng inuming tubig dati pa?” nahihiyang sabi ni Mang Lope sa anak.

‘Dati po iyon, itay. Hindi na natin sure kung malinis pa ba ito. I can’t take it po. Sorry.” Inilapag ni Simeon ang sartin sa mesang giray.

“Wala po bang bentilador?” sunod na tanong ni Simeon.

Muling napatahimik si Mang Lope at napatingin kay Aling Talen. Pakiramdam ni Mang Lope ay gusto na niyang lumubog sa kinatatayuan. Sinikap na lamang niyang magbiro.

“Anak, hindi nating kailangang gumamit niyon. Mamaya lamang ay malamig na rito. Likas ang aircon dito. Tignan mo ang mga dingding natin. Kay raming butas!” biro ni Mang Lope. Subalit hindi natawa ang anak sa kaniyang biro.

Tahimik lamang na nagmamasid si Aling Talen sa mga kilos at gawi ni Simeon.

Natapos na rin ang pagluluto ni Mang Lope at inihain sa anak ang inihaw na dalag pati na ang pako at kamatis na paborito nito. Hindi na niya nasimulang lutuin ang pinaupong manok sa sampalok dahil nga sa biglaang pagdating ng anak. Kumuha ng tabo si Mang Lope upang makapaghugas ng kamay ang anak.

Tahimik namang kumain si Simeon. Hindi kumikibo. Nagkuwento naman si Mang Lope ng tungkol sa kaniyang mga karanasan sa bukid at laot gayundin ang kaniyang pagmamalaki sa pagtatapos ni Simeon bilang abogado. Hindi pa rin kumikibo si Simeon.

Nang matapos kumain si Simeon sinabi nitong manunuluyan na lamang siya sa isang maliit na hotel na nakita niya sa bayan kanina. Hindi raw niya kakayaning walang bentilador dahil hindi na siya sanay sa init. Nalungkot naman si Mang Lope sa narinig.

“Ayaw mo ba akong makasama, anak?” tanong ni Mang Lope sa basag na tinig. “Hindi naman sa ganoon, itay. Kaya lamang po hindi ito ang mundong gusto ko. Pasensya na po. Babalik na lang po ako bukas. Huwag na po kayong maghanda ng pagkain bukas dahil bibili na lamang ako sa fast food chain,” sabi ni Simeon. Niyakap niya ang tatay niya at binitbit na ang bag pati na ang bikong ginawa ni Aling Talen.

Habang naghihintay ng tricycle ay hindi napigilan ni Aling Talen na sundan si Simeon at pagsabihan ito.

“Napakalaki ng pinagbago mo, Simeon. Pero hindi ko akalaing napakalaki ng pinagbago ng ugali mo. Tandaan mo. Hindi mo maaabot ang narating mo ngayon kung hindi dahil sa itay mo. Iginapang niya ang pag-aaral mo upang maabot mo ang mga pangarap mo. At ngayong nakarating ka na huwag mo naman siyang kalimutan. Huwag mo siyang talikuran,” sumbat ni Aling Talen.

“Ang hindi lumingon sa pinanggalingan hindi makararating sa paroroonan,” dagdag pa ng babae.

Tila binuhusan ng malamig na tubig si Simeon sa tinuran ni Aling Talen. Nakaramdam siya ng kurot sa puso. Muli niyang tinanaw ang kanilang kubo. Ang kubong iyon ay naging piping saksi kung paano siya nangarap. Namasdan niya ang kaniyang itay na tila lulugo-lugo. Matanda na ito at tumanda itong walang ibang inisip kung ‘di ang kaniyang kapakanan.

Bumalik si Simeon sa kanilang bahay at niyakap ang kaniyang itay.

“Patawarin mo po ako, itay, kung nalunod ako sa isang basong tubig ng aking tagumpay. Mahal na mahal kita. Para sa inyo ang pagpupunyagi ko!” lumuluhang sabi ni Simeon kay Mang Lope.

Nang gabing iyon tiniis ni Simeon ang likas na lamig ng gabi dulot ng hanging pumapasok sa mga butas ng kanilang dingding at inisa-isa ang kaniyang plano sa buhay sa piling ng kaniyang itay.

Advertisement