Inday TrendingInday Trending
Babae Ba Ang Nanay Mo Princess?

Babae Ba Ang Nanay Mo Princess?

Sa ikasampung kaarawan ni Princess, imbitado ang lahat ng kaniyang mga kaklase at mga kaibigan. Marangya ang kaniyang mga handa. Ginanap ito sa kanilang malaking bahay sa isang eksklusibong subdivision. Puro mayayaman ang kaniyang mga kaibigan. Palibhasa, nag-aaral siya sa isang international school.

Hindi papayag ang kaniyang mga magulang na sina Tessa at Gabriel na hindi pag-uusapan ng kanilang mga kaibigan ang kaarawan ng kanilang unica hija. Nag-iisang anak lamang si Princess kaya naman gagawin nina Tessa at Gabriel ang lahat para sa kaniya.

Matapos ang handaan, kinausap nina Tessa at Gabriel si Princess. Kinalong ni Gabriel ang anak. Si Tessa naman ay nakayapos sa kanilang likuran.

“Happy ba ang Baby Princess namin?” tanong ni Gabriel sa anak.

“Had so much fun, dad! Thanks to you and to mom!” sagot ni Princess.

“Buti naman at natuwa ka darling,” sagot naman ni Tessa.

Bumaling kay Tessa si Princess.

“Mom I have to tell you this. Kanina, Rachelle was asking me if you are a true woman or not?”

Nagkatinginan sina Tessa at Gabriel. Nagulat sila sa sinabi ni Princess. Si Rachelle ay isa sa mga imbitadong kaklase ng anak.

“O-of course baby. Anong klaseng tanong iyan? What did you tell to your classmate?”

Hindi na nasagot ni Princess ang tanong ni Tessa dahil isang tawag ang natanggap nito mula sa isang kaklaseng hindi nakadalo sa party nito.

“Kailan ba natin sasabihin ang totoo kay Princess? Natatakot akong baka sa iba pa niya malaman ang totoo,” tanong ni Tessa kay Gabriel.

“We will tell her pagdating ng tamang panahon, okay?” paniniyak ni Gabriel.

“Natatakot lang ako sa pwedeng mangyari Gab. Baka mabully si Princess sa school. Nakita mo ba ang mga tingin sa akin ng mga nanay ng mga kaklase niya? Kung nakamamatay ang mga sulyap kanina pa ako bumulagta rito,” sabi ni Tessa sa asawa.

Si Tessa, o Antonio sa tunay na pangalan, ay isang retokadang transgender woman. Nagkakilala sila ni Gabriel sa Japan. Nagkaibigan hanggang sa nagpakasal sa Taiwan. Dahil sa kagustuhang magkaanak, sumailalim sila sa tinatawag na surrogacy kaya masasabing tunay nilang anak si Princess. Kung titingnan si Tessa, siya ay tunay na napakaganda at mapagkakamalang babae. Subalit hindi makapagsisinungaling ang tinig kapag nagsalita na siya.

Hindi nila sinabi kay Princess ang tungkol sa tunay na kasarian ni Tessa. Habang lumalaki ito, pinapaniwala nilang natural na babae si Tessa at nagmula si Princess mula sa kaniyang sinapupunan. Darating din ang panahong aaminin nila sa anak ang katotohanan. Subalit labis na natatakot si Gabriel na baka hindi matanggap ni Princess ang sitwasyon nila.

Kaya minsan, kapag nagtatanong si Princess kung kailan siya magkakaroon ng kapatid, nagkakatinginan lamang ang mag-asawa. Hindi pa nila naiisip kung paano ang magiging set up niyon. Hindi pa nila naplano kung paano palalabasin sa harap ni Princess na tunay na nanganak si Tessa, o tunay na nagbuntis ito. Alam nilang matalino ang kanilang anak.

Hanggang isang araw, dumating ang kanilang kinatatakutan. Umiiyak na umuwi si Princess mula sa eskwela. Nang tanungin nila kung bakit, isa raw sa kaniyang mga kaklase ang nagsabi sa kaniyang hindi raw tunay na babae ang kaniyang mommy.

“Is it true mom?” tanong ni Princess kay Tessa.

Walang nagawa ang mag-asawa kundi ipagtapat kay Princess ang katotohanan. Nakikinig lamang ito sa kanila.

“Are you mad at me baby?” tanong ni Tessa kay Princess.

“No, mom. I’m proud of you. Hindi ko naman po na-feel na hindi kayo tunay na woman. And it doesn’t matter to me. The next time around ipagtatanggol ko po kayo sa mga bullies. I love you mom!”

Tuwang-tuwa naman ang mag-asawa sa ipinakitang maturidad ng anak. Hindi na sila nangangamba ngayon. Tila nabunutan sila ng tinik. Pakiramdam ni Tessa, malaya na siya mula sa anino ng kasinungalingan lalo na sa kaniyang anak.

Sa pagtatapos ng taong pampanuruan, with high honors si Princess at inanyayahan silang dumalo sa recognition day sa paaralan. Dahil si Princess lamang ang nakatanggap ng with high honors, siya ang magtatalumpati. Sa kaniyang talumpati, ipinagmalaki ni Princess na iniaalay niya sa kaniyang mga magulang ang natamong karangalan. Sinambit din niyang hindi niya kailanman ikinahihiya at ikahihiya ang kaniyang inang si Tessa, na nag-aruga sa kaniya ng buong puso, tulad ng isang tunay na babae.

Sa kanilang pag uwi, napansin ni Tessa ang isang bahagharing nakaadorno sa bughaw na ulap. Napangiti si Tessa.

“I’m so proud of you my Princess! Thank you for accepting me,” sambit ni Tessa sa anak nang sila ay nakauwi na.

“No, mom. I’m proud of you for being the toughest mom na nakilala ko po. Same with dad,” tugon ni Princess.

Sumunod na taon, binalak nina Tessa at Gabriel na muling sumailalim sa surrogacy upang mabigyan ng kapatid si Princess kaya tumulak sila sa ibang bansa at isinabay na rin ang enggrandeng bakasyon.

Advertisement