Inday TrendingInday Trending
Pinandirihan ng Babaeng Ito ang Matandang Tindera ng Isda na Nakatabi Niya sa Bus; Hindi Magtatagal ay Mabilis Siyang Gagantihan ng Karma

Pinandirihan ng Babaeng Ito ang Matandang Tindera ng Isda na Nakatabi Niya sa Bus; Hindi Magtatagal ay Mabilis Siyang Gagantihan ng Karma

Lulan ng isang pampasaherong bus ngayon si Jayka, nang bigla na lamang niyang masapo ang kaniyang ilong. May tumabi kasi sa kaniyang isang matandang babae, na may masangsang na amoy—amoy isda! Dahil doon ay pinasadahan niya ng tingin ang nasabing matanda, at base sa hitsura nito at mukha itong tindera ng isda sa palengke. Sa suot pa lamang nitong bistida at pambewang na apron na may malalaking bulsa sa gitna, idamay pa ang amoy nitong umaalingasaw ay alam na alam niyang galing ito sa pagtitinda sa palengke.

Papunta pa naman si Jayka ngayon sa kaniyang pinakaunang job interview. Iniisip niya na baka mabahiran ng kahit na kaunting malansang amoy ang kaniyang suot na damit kaya naman panay ang usog niya sa gilid ng bus upang hindi sila magkadikit ng matanda. Ngunit maya-maya pa ay may sumakay pang mga pasahero at napuno ng tao ang nasabing bus. Dahil nga siksikan na ay hindi na naiwasan ng matanda na mapadikit ito kay Jayka na siya namang ikinaputok ng butsi ng nasabing dalaga!

“Ano ba ’yan, nakakadiri! Ang baho-baho mo, dikit ka pa nang dikit sa akin!” hindi napigilang hiyaw niya sa matanda na ikinagulat ng lahat.

“Naku, pasensiya ka na, ineng. Hindi ko sinasadya, nagkasiksikan lang kasi—”

“Wala akong pakialam, basta huwag ka nang dumikit sa aking matanda ka! Napakabaho mo! Kung magtitinda ka ng isda sa palengke, dapat, humanap ka ng sarili mong sasakyan para hindi ka nakakaperwisyo ng ibang tao!” galit pang dagdag niya na pinutol na ang sinasabi ng matanda.

“Pasensiya ka na talaga, hija,” nayuyuko namang sabi na lang ng matanda sa kaniya na imbes ay inismiran pa ni Jayka.

Dahil sa ginawa niya ay maraming pasahero sa nasabing bus ang umalma sa kaniyang ugali. Nakipagpalit ang mga ito ng puwesto sa matanda upang hindi na ulit sila magkadikit pa. Hanggang sa makababa na siya ng bus ay pinupukol pa rin tuloy siya ng masamang tingin ng mga nasabing pasahero, ngunit walang pakialam doon si Jayka.

Ganoon na lang ang inis ng dalaga nang bumaba rin ng nasabing bus ang matandang sinigawan at ininsulto niya kanina. Doon mismo ’yon sa tapat ng kompaniyang pag-a-apply-an niya ng trabaho. Dahil doon ay nilapitan niya tuloy ito at muling sinigawan…

“Sinusundan mo ba akong matanda ka? Siguro gusto mo talaga akong inisin, ano?” asar na tanong niya sa matanda.

“Naku, hija, narito lang ako para dalhan ng pagkain ang anak ko. Huwag mo na akong pansinin pa’t humayo ka na sa ’yong patutunguhan,” payo naman sa kaniya ng matandang nanatiling mapagkumbaba kahit pa panay pambabastos ang natatanggap nito mula kay Jayka.

Inayos na ni Jayka ang kaniyang sarili. Pumasok na siya sa nasabing building at doon naghintay na tawagin na siya para sa interview. Hindi naman nagtagal ay mabilis siyang nilapitan ng isang babae at sinabing magtungo na siya sa opisina ng kanilang boss, dahil ito raw mismo ang nag-i-interview sa mga aplikante ngayon.

Sabik pa si Jayka nang kumatok siya sa nakasaradong pintuan ng opisinag iyon, ngunit ganoon na lang ang gulat niya nang sa kaniyang pagpasok ay namataan niya roon ang matandang tindera ng isda na nakasakay niya kanina sa bus!

“Nariyan na pala ’yong i-interview-hin ko, ’nay. Ayos lang po ba sa inyo kung mamaya ko na kakainin itong iniluto n’yo para sa akin?” baling pa ng makisig na lalaking nakaupo sa office table na ’yon ng may-ari ng kompaniyang ito!

“Oo naman, anak. Hindi na rin ako magtatagal pa dahil mukhang kailangan ko nang magbihis. Medyo nangangamoy na kasi ’yong isda sa aking damit,” makahulugan pang biro ng matanda sa kaniyang anak na siyang nagpalakas naman ng kalabog ng dibdib ni Jayka.

“Nanay, huwag ninyong sabihin ’yan. Hindi ko nakakalimutang dahil sa pagtitinda n’yo ng isda noon ay narating ko ang posisyong kinalalagyan ko ngayon. Utang ko sa inyo ang lahat,” sagot naman ng lalaki.

Napahiya siya sa kaniyang sarili. Hindi niya akalaing ang matandang kanina lang ay iniinsulto niya ay ina pala ng isang mayaman at magaling na negosyante at may-ari ng kompaniyang pag-a-apply-an niya ngayon ng trabaho! Dahil doon ay wala tuloy siya sa sarili habang ini-interview siya nito, kaya naman sa huli ay hindi siya natanggap sa posisyong ina-apply-an niya. Laking pagsisisi ni Jayka sa ugaling pinairal niya nang araw na ’yon. Hindi niya inaasahang ganoon pala siya kabilis gagantihan ng karma sa kaniyang ginawa!

Advertisement