Matapos Magkaroon ng Malaking Pilat sa Kaniyang Mukha ay Iniwan na ng Nobyo ang Babae; Magsisisi pala Ito sa Naging Desisyon
Napahawak si Karen sa kaniyang pisngi habang nakaharap sa salamin. Naroon siya sa kaniyang silid, dahil kauuwi lamang niya mula sa ospital, buhat nang masangkot siya sa isang aksidenteng sanhi ng isang lasing na driver ng motorsiklong kaniyang iniwasan noon habang lulan siya ng minamaneho niyang kotse. Dahil doon ay tumama sa isang poste ang kaniyang sasakyan at naging malala ang tama nito sa kaniya. Nagkaroon siya ng malaking sugat sa kaniyang mukha mula sa tumalsik na bubog na galing sa nabasag niyang windshield.
Dalawang buwan siyang naglagi sa ospital, kaya naman ngayon lamang niya nakita ang kaniyang hitsura—pangit, tulad nga ng sinabi sa kaniya ng kaniyang nobyo nang unang makaharap niya ito pagkatapos ng aksidente. Hindi ito makaharap sa kaniya noon, lalo pa at kitang-kita ang disgusto sa hitsura nito at napakasakit no’n kay Karen.
Malapit na sana silang ikasal bago mangyari ang aksidenteng ’yon at ngayon ay hindi na alam pa ni Karen kung matutuloy pa nga ba ito. Kaya naman nilakasan niya ang loob at tinawagan niya ang kaniyang nobyo upang makipagkita rito sa wakas.
“Bakit mo ba ako tinawagan, Karen? Alam mo namang busy ako, hindi ba?” halatang iritable ang kaniyang nobyong si Bryan nang sa wakas ay dumating na ito sa kanilang tagpuan.
“Pasensiya ka na, Bry…gusto ko lang namang pag-usapan natin ang tungkol sa ’ting dalawa…” sagot naman ni Karen sa malungkot na tinig, lalo pa at hanggang ngayon ay hindi pa rin siya magawang tingnan ng kaniyang nobyo sa mukha.
“Ano pa ba’ng pag-uusapan natin? N-nag-aaksaya na lang tayo ng oras dito, Karen. Busy na ako at hindi ko na kayang magbigay pa ng oras sa ’yo, kaya mas mabuti siguro kung…” Sandaling inihinto ni Bryan ang pagsasalita upang humugot ng malalim na buntong hininga. “Mas mabuti siguro kung maghihiwalay na tayo,” sa wakas ay dugtong nito na halos dumurog naman sa puso ng dalaga.
“Kung ’yan ang gusto mo, Bryan, tatanggapin ko.”
Masakit man ’yon sa kaniya ay kailangan niyang tanggapin. Inisip niya na lang na mas mabuti na ’yon, dahil mas mahirap makisama sa isang lalaking tanging pisikal na anyo mo lamang ang mahal sa ’yo, kung nagkataong itinuloy niya ang pagpapakasal dito.
Simula nang maghiwalay si Karen at Bryan ay itinuon na lamang ng dalaga ang kaniyang atensyon sa kaniyang nagsisimula pa lamang na negosyo. Ibinigay niya ang lahat ng makakaya niya upang mapalago ito, hindi man iyon naging madali para sa kaniya.
Ilang taon lamang ang lumipas at isa na si Karen sa pinakamatatagumpay na businesswoman sa kanilang lugar. Lumago nang lumago ang kaniyang negosyo, hanggang sa makabuo na siya ng isang malaki at maayos na kumpaniyang hindi nagtagal ay nakilala na rin sa larangan ng pagnenegosyo. Ganoon pa man ay pinili pa rin ni Karen na manatiling pribado ang kaniyang pagkakakilanlan upang manatili pa ring tahimik ang buhay niya at ng kaniyang bagong pag-ibig na si Jacob, ang lalaking tumanggap sa kaniya nang buong puso noon matapos siyang iwan ni Bryan sa kalagitnaan ng kaniyang pangangailangan. Ang lalaking nakasama niya habang siya ay umaangat na hanggang ngayon ay hindi pa rin siya iniiwan.
Mahaba ang pila nang araw na ’yon para sa mga aplikanteng nagbabakasakaling makapasok sa kompaniya ni Karen. Buhat nang magbukas ang kanilang job offering ay talaga namang dinumog na ’yon ng mga aplikante na hanggang ngayon ay hindi pa rin yata nauubos. Ngunit ang hindi inaasahan ni Karen ay nang makita niyang isa sa mga iyon ay si Bryan, ang dati niyang nobyo, na ngayon ay nag-a-apply pala sa posisyon ng pagiging isang bisor.
“Karen?” gulat na gulat na tawag nito sa kaniyang pangalan nang makita nitong siya ang mag-i-interview sa lalaki. Ngayon ay alam na nito na siya ang may-ari ng kompaniyang pinag-a-apply-an nito ngayon.
“Ako nga, Bryan. Maupo ka.” Iginiya pa ni Karen ang upuang nasa kaniyang harapan na agad namang inokupa nito.
Bakas ang matinding hiya sa hitsura ni Bryan habang nakayuko itong humaharap sa kaniya. Natawa naman si Karen, lalo na nang mag-angat ito ng tingin at napadako iyon kaagad sa malaking pilat sa kaniyang mukha na hindi naman na naisip pang ipatanggal ni Karen kahit pa may kakayahan na siyang gawin ’yon. Ngayon kasi ay hindi na disgusto ang mababakas sa mukha ng lalaki kundi paghanga at panghihinayang.
Sising-sisi si Bryan habang kaharap ang dating nobya. Maling-mali na pinakawalan niya pa ito noon dahil lamang nagkaroon ng pilat ang maganda nitong mukha. Ngayon lamang niya napagtantong hindi pala no’n nagawang bawasan man lang ang kagandahan ni Karen, ngunit wala na siyang ibang magagawa pa kundi ang palihim na lamang na manghinayang at magsisi sa naging desisyon niya noon. Maling-mali na nagpabulag siya sa kagustuhan niyang magkaroon ng asawang may magandang imahe. Maling iyon ang naging basehan niya upang iwanan niya ito.