Inday TrendingInday Trending
Ayaw Kainin ng Babaeng Ito ang Luto ng Kaniyang Ina dahil Hindi raw Iyon Masarap; Iyak Siya nang Hindi na Muling Matikman ang mga Iyon

Ayaw Kainin ng Babaeng Ito ang Luto ng Kaniyang Ina dahil Hindi raw Iyon Masarap; Iyak Siya nang Hindi na Muling Matikman ang mga Iyon

Lumaki sa marangyang buhay ang dalagitang si Tin-Tin, dahil ang kaniyang ina ay isang propesyonal na tagaluto ng iba’t ibang kilalang tao, maging sa ibang bansa. Kahit pa hindi niya kailan man nakilala ang kaniyang ama’y ibinigay naman nito sa kaniya ang lahat ng kaniyang pangangailangan, pati na rin ang labis-labis na pagmamahal na kaya nitong ibigay sa kaniya.

Ngunit sa kabila ng pagiging busog sa pagmamahal ng dalagitang si Tin-Tin ay lumaki siyang mayroong hindi kaaya-ayang ugali, lalong-lalo na sa kanilang mga kasambahay. Ayaw niya sa mahihirap na taong katulad nila, dahil pinandidirihan niya ang mga ito. Para sa kaniya ay hindi dapat niya makasama ang mga ito kahit man lang sa pagkain. Malayong-malayo iyon sa ugali ng kaniyang inang labis naman kung kagiliwan ng mga tao dahil sa mabuti nitong kalooban.

Malungkot ang kaniyang ina, dahil hindi nito alam kung papaano itatama ang kaniyang pag-uugali. Bagay na madalas nitong isipin na nagiging sanhi naman ng halos araw-araw nitong kawalan ng tulog at pahinga.

“Ma’am, matulog na po kaya kayo? Palagi na lamang po kayong puyat. Masama po ’yan sa kalusugan ninyo, e,” minsan ay paalala ni Manang Tasing sa among si Charity, ang ina ni Tin-Tin.

“Hindi kasi ako makatulog, manang, e. Iniisip ko, naging masama ba akong ina kaya naging ganiyan ang ugali ng anak ko. Masiyado ko ba siyang kinunsinti kaya hindi maganda ang trato niya sa inyo?” tanong pa ni Charity sa kasambahay. Paano kasi ay nasaksihan na naman niya kung paano tratuhin ni Tin-Tin ang kanilang mga kasambahay kanina. Dahil doon ay nagtalo pa nga sila kaya naman hanggang ngayon ay hindi pa ito lumalabas ng silid.

“Ma’am, sobrang buti n’yo pong ina. Siguro po ay masiyado lamang naimpluwensiyahan si Tin-Tin ng mga tao sa paligid niya kaya naman minsan ay ganoon siyang makitungo sa amin,” sagot naman ni Manang Tasing.

Nang gabing iyon ay isang ideya ang naisip ni Charity upang turuan ng leksyon ang kaniyang anak. Kailangan niyang ipakita sa dalagita ang kahalagahan ng pakikipagkapwa-tao…kahit bago man lang siya mawala sa mundong ito.

Nagising si Tin-Tin nang umagang iyon sa amoy ng isang inilulutong putahe sa kusina. Agad siyang napakapit sa kaniyang ilong, nang malanghap ang masangsang na amoy ng ipinipritong tuyo at iginigisang bagoong doon! Naisip agad niya na baka nagluluto na naman ng mga pagkaing pangmahirap ang kanilang mga kasambahay kaya naman patakbo niyang tinungo ang kusina ng kanilang tahanan para sana pagsabihan ang mga ito…ngunit ganoon na lang ang gulat niya nang makitang hindi mga kasambahay nila ang naghahanda ng nasabing pagkain, kundi ang kaniyang ina!

“Gising ka na pala, anak. Tamang-tama at nakapaghain na kami ni manang. Halika na’t maupo ka rito. Pagsaluhan nating lahat itong masarap na mga pagkaing iniluto ko,” bati pa sa kaniya ng inang si Charity na agad namang ikinangiwi ni Tin-Tin.

“Ako, kakain kasama ang mga kasambahay na ’yan, mama? Ano’ng kalokohan ito? Saka, bakit n’yo ako nilutuan ng mga pagkaing nakakadiri? Gusto n’yo ba akong magkasakit?” diring-diring tanong pa ni Tin-Tin sa ina.

Dahil sa kaniyang tinuran ay agad na rumehistro ang galit ng kaniyang ina sa mukha nito. Lumapit ito sa kaniya at walang pagdadalawang-isip siyang sinampal sa kaniyang pisngi! Gulat na gulat naman si Tin-Tin nang sapuhin niya ang nasaktang mukha. Hindi niya akalaing magagawa ’yon ng kaniyang ina dahil lang sa kanilang mga kasambahay!

Kaya naman ang sumunod na ginawa niya’y nilapitan niya ang kanilang hapagkainan at dinampot ang mga nakahaing ulam, pagkatapos ay sabay-sabay niyang inihagis sa sahig ang mga iyon! Ibang klase ang ugaling ipinakita ni Tin-Tin nang mga sandaling ’yon, ngunit mabilis pa sa isang iglap niya iyong pinagsisihan…dahil kasi sa ginawa niya ay biglang nanikip ang dibdib ng kaniyang ina. Sumakit iyon hanggang sa hindi ito nakahinga at nawalan na ng malay sa bisig ng mga kasambahay nila!

Nang dalhin nila ito sa ospital ay labis na nagdilim ang buhay ni Tin-Tin, nang sabihin sa kanila ng doktor na wala nang buhay ang kaniyang ina! Inatake ito ng sakit na matagal na pala nitong itinatago sa kanila!

Labis ang paghihinagpis ni Tin-Tin nang iuwi siya ng kanilang mga kasambahay sa kanilang tahanan. Sinisisi niya ang sarili sa pagkawala ng kaniyang ina. Lalo pa nga siyang nalungkot nang ang maabutan na lamang niya roon ay ang huling mga putaheng iniluto nito para sa kaniya, na ang iba ay nakakalat pa rin sa sahig. Wala sa loob ay naupo si Tin-Tin sa harap ng mesa. Sumandok siya ng pagkain mula sa mga natirang putaheng nakahain sa hapag at isa-isa niya iyong tinikman…masarap pala.

Doon ay lalo siyang naiyak. Sana’y kumain na lamang pala siya kanina kasama ang ina, maging ang mga kasambahay nila. Sana’y nakinig na lang siya sa kaniyang mama. Ngayon ay wala na siyang iba pang magagawa kundi ang magsisi at mangako sa harap ng huling putaheng iniluto ng ina, na sa wakas ay babaguhin na niya ang kaniyang ugali.

Advertisement