Inday TrendingInday Trending
Tinulungan ng Magkakapitbahay ang Binatang Pulubing Napadpad sa Kanilang Lugar; Sobra-Sobrang Biyaya Pala ang Hatid Nito sa Kanila

Tinulungan ng Magkakapitbahay ang Binatang Pulubing Napadpad sa Kanilang Lugar; Sobra-Sobrang Biyaya Pala ang Hatid Nito sa Kanila

“Sigurado ho ba kayo r’yan, lolo? Ang laking lupain ng gusto n’yong ipamigay na lang sa mga taong ’yon na hindi n’yo naman kilala,” tanong ni Edward sa kaniyang lolong si Don Mikael nang umagang ’yon matapos nitong ibalita sa kaniya ang balak nitong pagpapaubaya na lamang ng lupang kinatitirikan ng bahay ng ilang mga mamamayan sa lugar na ’yon, na pagmamay-ari pa rin ng kanilang pamilya.

Bilang kapalit ng libreng pagpapatira nila sa mga taong ito ay naghahandog ng libreng serbisyo ang mga nasabing residente kay Don Mikael, tulad na lamang ng libreng paglilinis nila ng buong kabahayan nito, o ’di kaya’y libreng pagtulong sa mga kasambahay sa mga gawain sa mansiyon. Kahit pa anong tanggi ang gawin ni Don Mikael sa kanila ay nagpupumilit pa rin ang mga ito upang kahit papaano ay maibalik nila ang kabutihang loob ng nasabing matanda, na labis namang ikinatuwa ni Don Mikael. Iyon ang dahilan kung bakit gusto niyang tuluyan nang ibigay sa kanila ang lupaing iyon.

“Sinasabi ko sa ’yo, apo, mababait sila. Gusto kong handugan sila ng regalo, dahil sa ilang taon na rin nilang pagtanaw ng utang na loob sa akin, hindi ’tulad ng ibang mga natulungan ko, na kung hindi ako inaabuso’y hindi rin naman ako pinasasalamatan,” turan pa ni Don Mikael sa kaniyang apo, at nag-iisang tagapagmanang si Edward, na ngayon ay halatang nagdududa pa rin sa mga residente ng kanilang lupain.

Napahawak pa sa kaniyang baba ang binata. Tila nag-iisip. Hanggang sa ilang sandali pa ang lumipas at isang ideya nga ang biglang pumasok sa kaniyang isip…

“Kung gano’n, lolo. Hayaan n’yo pong subukin ko ang kabaitan ng mga taong ’yon, nang sa gano’n ay tuluyan nang mawala ang duda kong inuuto lamang nila kayo,” tahasang suhestiyon pa ni Edward sa kaniyang lolo na mabilis namang sinang-ayunan ng matanda.

Samantala, katirikan ng araw nang tanghaling ’yon, ngunit abala ang mga taong nakatira sa lupain ni Don Mikael sa kani-kaniya nilang mga trabaho at hanapbuhay. Maya-maya pa ay isang marungis at nanggigitatang pulubi ang biglang naparaan sa kanilang mga harapan. Inilahad nito ang isa niyang kamay habang ang isa naman ay nakahawak sa sariling sikmura…tanda na ito’y gutom na gutom na siya namang nakapaghatid ng matinding awa sa magkakapitbahay.

“Baka po mayroon kayo kahit tira-tirang pagkain lamang d’yan, p’wede po bang makahingi?” tanong ng nasabing pulubi. Hindi na lumipas pa ang ilang segundo at isa sa mga kalalakihang kanina lang ay nagsisibak ng kahoy na panggatong ang biglang lumapit sa kaniya.

“Hijo, bakit naman tira-tira ang hinihingi mo’y mayroon naman kaming malinis na makakain dito? Halika’t dito ka sa bahay,” sabi ni Mang Adolfo, isa sa mga nasabing residente.

“Naku, tamang-tama, nagkatay ako ng manok kanina, Ado! Ihain mo na rin d’yan sa binata’t mukhang gutom na gutom nga iyan,” singit naman ng isang matandang babae na kanina ay nagpapakain naman ng kaniyang mga alagang manok.

Pagkatapos ay isang babae ang lumabas sa isang maliit na sari-sari store at nilapitan ang binatang pulubi. “Ano’ng maiinom ang gusto mo? Gusto mo ba ng kape, softdrinks, juice o tubig? Magsabi ka’t mayroon ako doon. Bibigyan kita,” sabi pa nito sa binata.

Hindi akalain ni Edward na ganito siya tatanggapin ng mga residenteng nakikitira sa kanilang lupain. Kanina, nang maisipan nyang magpanggap bilang isang pulubing binata ay iniisip niyang pandidirihan siya ng mga ito na kalaunan pa’y kanila na ring itataboy! Ngunit kabaliktaran no’n ang kanilang ginawa, dahil pinatunayan nilang mali ang kaniyang haka-haka!

“M-maraming salamat po sa inyo, manong, manang, ate…” Hindi napigilan ni Edward ang maluha dahil sa sobrang tuwang nadarama niya ngayon sa kaniyang puso. Totoo nga ang sinabi ng kaniyang lolo. Kailan man ay hindi nakahihinayang na tulungan ang mga taong katulad ng magkakapitbahay na ito, dahil maging salat man sila sa buhay ay handa pa rin silang ibahagi sa ibang mga nangangailangan ang kakarampot na biyayang kanilang natatanggap.

Masayang bumalik sa kanilang mansyon si Edward at ibinalita sa kaniyang lolo ang nangyari. Maging ito ay labis ding natuwa sa nalaman, kaya naman sa kaniyang pagbabalik ay kasama na niya ang abuelo at napagkasunduan nilang silang dalawa mismo ang maghahatid ng magandang balita sa mga residenteng iyon.

Ganoon na lang ang gulat ng lahat nang muling makita si Edward na ngayon ay kasama na ni Don Mikael, lalo na nang malaman nilang hindi siya isang tunay na pulubi, kundi ang apo ng nag-iisang tagapagmana ng nasabing lupaing ngayon, ay handa na nitong ibigay sa kanila!

Nagbunyi ang lahat, ngunit ang pinakamahalaga ay isang aral ang natutuhan ni Edward sa nangyari at iyon ay ang hindi basta-basta panghuhusga sa mga tao, dahil lamang mahirap sila at nangangailangan ng tulong. Napagtanto niya ring masarap palang magbahagi sa iba, lalo na kung ang tutulungan mo ay mabubuting tao rin.

Advertisement