Laging Bumibili sa Batang Naglalako ng Gulay sa Kanilang Lugar ang Ginang Kahit May Sarili Naman Siyang Pananim; Hindi Niya Akalain ang Igaganti Nito sa Kaniya Pagdating ng Takdang Panahon

Narinig na lamang ni Aling Azon habang siya ay nasa bakuran ng kaniyang bahay ang hagalpakan ng kabataang tambay na nasa tapat lamang ng kaniyang bahay. Isang batang lalaki na tila ang edad ay nasa walong taong gulang na may sunong na sira-sirang buslo na may iba’t ibang gulay ang kanilang pinagtatawanan.

“Hoy bata, kawawa ka naman, dapat hindi mo ginagawa ‘yan. Tingnan mo kami, masarap ang buhay namin. Naglalaro kami maghapon. Hindi kami pinagtatrabaho ng mga magulang namin. Eh ikaw? Siguro hindi ka mahal ng nanay mo,” pambubuska ng tumatayong lider-lideran ng grupo.

Nagtawanan naman ang mga kasama nito at napayuko na lamang ang batang lalaking naglalako ng mga gulay.

“Siguro kung saan-saan mo lang kinukuha ‘yang mga paninda mo, ‘no? Baka kung saan-saan mo lang pinipitas ‘yan. Nagpapaalam ka ba sa mga pinagkukuhanan mo niyan?” panunuya pa ng isa.

“Hindi namin ito kinukuha sa kung saan-saan, may pananim talaga kami sa bakuran,” nahihiyang pangangatwiran ng batang lalaki.

Sa puntong ito ay hindi na nakatiis pa si Aling Azon. Lumabas siya ng tarangkahan at pinagsabihan ang mga binatilyo.

“Hoy, magsitigil nga kayo! Pati bata ay pinapatulan ninyo. Hala, kung ako sa inyo, umuwi na kayo at tumulong kayo sa mga magulang ninyo sa mga gawaing-bahay, mag-aral kayo ng mga leksyon, o kaya naman ay magsitulog kayo!”

Nahintakutan naman ang mga binatilyo at agad na nagpulasan. Si Aling Azon ay misis ng isang barangay kagawad kaya malaki ang takot at paggalang nila rito. Isa pa, kilala ni Aling Azon ang kanilang mga magulang.

Advertisement

“Bata, anong pangalan mo? Pangatlong beses na kitang nakikitang dumaraan at naglalako dito sa aming lugar, pero alam kong hindi ka tagarito,” tanong ni Aling Azon sa bata.

“Opo, hindi po ako tagarito. Sa kabilang barangay po ako nakatira. Ako po si Brenan. Tinutulungan ko po ang lola ko sa pagtitinda ng mga gulay kasi umaatake po ang rayuma niya. Hindi po siya makalakad nang maayos. Naaawa na po ako sa kaniya,” paliwanag ng bata.

“Ganoon ba? Naku, napakasipag mo naman. Sige, bibili ako ng mga gulay mula sa iyong paninda.”

Namilog naman ang mga mata ng bata sa sinabi ni Aling Azon.

“Talaga po? Maraming salamat po, ale. Ipinagtanggol na nga po ninyo ako kanina, tutulungan n’yo pa akong maubos ang paninda ko,” tuwang-tuwa namang sabi ni Brenan.

Kaya naman pagkauwi ni Brenan, tuwang-tuwa niyang ibinalita sa lola niya ang kaniyang napagbentahan.

“Alam n’yo po lola, may isang mabait na ginang na laging bumibili sa akin. Saka ipinagtatanggol pa niya ako sa mga nang-aasar sa akin,” kuwento ni Brenan.

“Ganoon ba? Naku, sana ay makilala ko siya apo, kapag umaayos-ayos na ang mga tuhod ko,” wika naman ng kaniyang lola.

Advertisement

Simula noon ay naging regular na suki na ni Brenan si Aling Azon. Kahit napapansin ni Brenan na may mga tanim na gulay naman si Aling Azon na kagaya rin ng mga paninda niya, pinipili pa rin nitong bumili sa kaniya.

Mabilis na dumaan ang panahon. Nagsumikap sa kaniyang pag-aaral si Brenan at nakatapos ng kaniyang pag-aaral. Nakahanap ng magandang trabahong may malaking suweldo. Naiahon niya ang sarili mula sa kahirapan. Medyo malungkot dahil hindi na naabutan pa ng kaniyang lola ang kaniyang tagumpay na tinatamasa ngayon.

Ang pera sanang kinikita niya ay nakalaan sa kaniyang lola. Nais niya sanang iparanas dito ang mga hindi nito naranasan noon, subalit huli na ang lahat. Sumakabilang-buhay na ito dahil sa katandaan.

Gayunman, alam niyang masaya ito ngayon sa kinalalagyan niya, dahil natupad niya ang pangako rito na magpapakasipag, magtatapos ng pag-aaral, at i-aahon ang sarili mula sa kahirapan.

Hanggang sa nabalitaan niya na may malalang karamdaman pala si Aling Azon. Kailangan nito ng malaking pera upang makapagpa-opera sa puso. Kaya lang, wala naman daw silang malaking pera upang gawin ito dahil halos milyong piso ang halaga.

Lumapit siya sa mister ni Aling Azon na si Kapitan Basilio, na dating kagawad lamang sa barangay.

“Kapitan, ituloy na po sana ang pagpapa-opera kay Aling Azon. Ako na po ang bahalang magbayad. Ito po ang paraan ko ng pagtanaw ng utang na loob sa kaniya, noong ako ay bata pa, lagi siyang bumibili ng gulay sa akin. Ngayon, ako naman po ang tutulong sa kaniya sa abot ng aking makakaya.”

Matapos ang ilang araw ay nagsimula na nga operasyon at naging matagumpay naman ito. Labis-labis ang pasasalamat ng pamilya ni Aling Azon kay Brenan.

Advertisement

“Ako po ang kailangang magpasalamat sa inyo, lalo na kay Aling Azon,” masayang sabi ni Brenan.

Simula noon ay naging tunay na lola na ang naging turing ni Brenan kay Aling Azon, at si Aling Azon naman ay apo na ang trato kay Brenan. Pareho silang nakahanap ng kapamilya sa katauhan ng ibang tao na napagmalasakitan ang isa’t isa.

Tunay ngang bumabalik ang kabutihan sa takdang panahon.