Hindi Alam ng Ginang na OFW Kung Paano Niya Ibabalita sa Asawa at Anak na Hindi na Na-Renew ang Kontrata Niya sa Ibang Bansa; Ipinagpasalamat Niyang Nangyari Ito

Alumpihit ang misis na si Nelia. Hanggang ngayon ay hindi pa rin niya alam kung paano haharapin ang kaniyang mister at apat na anak na nasa Pilipinas. Isa siyang OFW sa Dubai. Ilang araw na lamang at matatapos na ang kaniyang kontrata sa kompanyang pinagtatrabahuhan. Hindi na na-renew ang kaniyang kontrata kaya wala siyang pamimilian kundi ang bumalik ng bansa.

Wala namang kaso sa kaniya dahil ayaw na rin naman niyang magtrabaho doon. Palagay niya, sapat na ang mga ipon niya para makapagsimula ng maliit na negosyo sa Pilipinas. Balak niyang magtayo ng kainan, dahil tiyak na magiging mabenta ito. Ang hindi niya malaman ay kung paano niya sasabihin sa pamilya na ayaw na niyang mag-abroad at manatili na lamang sa piling nila.

Kaya tinawagan niya ang kaniyang kapatid na si Ester para iparating dito ang napipintong pag-uwi niya. Hindi niya akalain na siya ang masosorpresa sa rebelasyon nito.

“Huwag kang mabibigla sa daratnan mo sa bahay ninyo. May ibang babae na raw na binabahay ang mister mo. Noong isang linggo ko lamang nalaman,” sumbong ni Ester.

“Ha? Bakit ngayon mo lang sinabi, Ate? Sino ang babaeng ito?”

“Hindi ko kilala, pero batay sa balita, nakilala ng mister mo sa trabaho niya. Humahanap lamang ako ng tiyempo para masabi sa iyo. Ayaw ko naman na guluhin ka. Pero mabuti na rin na uuwi ka na para maayos mo pa ito. Kung hindi na talaga maaayos, makuha mo sana ang mga anak ninyo.”

Kaya hindi na nagpatumpik-tumpik pa si Nelia na agad na inasikaso ang kaniyang pag-uwi sa Pilipinas upang makumpirma ang balitang ipinarating ng kaniyang ate.

Nagulat pa si Bong nang makita ang misis bitbit ang mga maleta nito. Mas lalong nagulat ang babaeng sinasabing bagong kinakasama ng mister.

Advertisement

“At sino ka naman? Hindi bakasyunan ang bahay na ito,” mataray na sabi ng babae kay Nelia.

Hindi na nakapagtimpi pa si Nelia at agad na dinuro ang pagmumukha nito.

“Hoy babaeng mas makapal pa ang mukha sa aspalto, ako lang naman ang legal na misis ng kinakasama mo! Asawa niya ako, kasal kami, kaya akin ang bahay na ito!” sabay igkas ng kaniyang kamay sa pisngi nito.

Sa lakas ng pagkakasampal ay halos matumba ang babae, na sinalo naman ng mister na si Bong na halatang-halatang namumutla.

“Ang kapal ng mukha mo na nagkakandakuba-kuba ako sa ibang bansa para sa inyo ng mga anak ko, tapos ano, ito lang ang isusukli mo sa akin, hayop ka!” nanggagalaiting sabi ni Nelia.

“Hayaan mo muna akong magpaliwanag—”

“Ako na ang magpapaliwanag sa babaeng ito! Hoy, kahit ikaw ang legal na asawa, bakit, nasaan ka ba? Hindi ba’t nasa ibang bansa at nagpapakasarap? Habang ang mga anak at mister mo, narito sa Pilipinas at hirap na hirap…”

Hindi na natapos ng babae ang sinasabi dahil sinabunutan na ito ni Nelia at kinaladkad palabas.

Advertisement

“Unang-una, wala kang karapatang pagsalitaan ako dahil kagaya ng sinabi ko sa iyo, kahit saan man tayo makarating, ako pa rin ang legal na asawa at kabit ka lang! Pangalawa, hindi ako basta nagpasarap lang sa ibang bansa, dahil ginawa ko iyon para sa mga anak ko. Pangatlo, lumayas ka na rito dahil baka hindi kita matantya at manghiram ka ng mukha sa aso!”

Sa labis na takot ng babae na hindi na niya napagkaabalahang alamin ang pangalan ay nagtatatakbo na ito palayo.

Lumabas naman ang kaniyang apat na anak na nasa kuwarto pala nang mga sandaling iyon. Isinumbong nila nang harapan ang ginagawang pagmamaltr*to sa kanila ng kabit ng kanilang ama na nagngangalang Sandra. Buong akala raw nila ay sumama na sa ibang lalaki si Nelia, gaya ng sinabi ng kanilang ama, para mabigyang-hustisya nito ang pagkakaroon ng ibang kinakasama.

“Hindi totoo ‘yan mga anak. Siniraan lamang ako ng ama ninyo para magawa niya ang mga gusto niya. Hindi ako nagloko sa ibang bansa. Pero sisiguraduhin ko na hindi na tayo maghihiwa-hiwalay pa. Hindi na ako aalis ng Pilipinas para naman makasama ko na kayo,” pangako ni Nelia sa kaniyang mga anak.

Pinalayas ni Nelia ang kaniyang mister at umalis naman ito nang kusa. Wala siyang masasabi dahil si Nelia ang nagbabayad ng buwanang amortization doon at sa kaniya nakapangalan.

Ipinagpapasalamat na lamang ni Nelia na hindi na-renew ang kaniyang kontrata, dahil kung nagkataon, baka magising na lamang siya isang araw na wala na ang mga bagay na kaniyang pinaghirapan, at wala na ring respeto sa kaniya ang mga anak.

Bumawi si Nelia sa kaniyang mga anak at tiniyak niyang hindi na sila masasaktan pa ng kahit sino, habang nariyan siya.