Hindi Naman sa Umaangal, Subalit Takang-Taka ang Binata Kung Ano ang Pinagkakagastusan ng Kaniyang mga Pensyonadong Magulang sa Perang Hinihingi ng mga Ito sa Kaniya; Isang Araw, Matutuklasan Niya ang Lahat

Malaki ang paggalang at pagmamahal ni Ramon sa kaniyang mga magulang. Subalit simula nang makatapos na siya ng pag-aaral sa kolehiyo at makapasok sa isang magandang trabaho na may malaki-laki namang suweldo, nagbigay ito ng patakaran sa kaniya dahil pinili niyang manatili at makipisan sa kanilang bahay.

Kabilin-bilinan ng mga ito na sa tuwing susuweldo niya, kailangan niyang mag-intrega ng pera sa kanila.

Wala namang kaso at naiintindihan naman niya kung kailangan niyang magbigay ng panggastos para sa kaniyang sarili, subalit labis siyang nagtataka kung bakit masyadong malaki ang halagang hinihingi nila. 6,000 piso sa bawat buwan. Hindi naman nila kailangan ng pera dahil kung tutuusin nga, may mga inaasahan naman sila.

Ang tatay ni Ramon ay isang retiradong guro sa pampublikong paaralan kaya pensyonado na ito.

Ang nanay naman niya, bagama’t hindi propesyunal, ay natanggap na ang perang bunga ng matiyagang pagbabayad ng insurance plan, na natatamasa na nito.

Simula nang magtrabaho siya ay ganoon ang ginagawa niya. Hindi naman niya magawang usisain ang mga ito dahil baka masamain at magtampo pa sa kaniya. Ayaw naman niyang maghihinakit sa kaniya ang mga magulang nang dahil lamang sa pera. Hindi naman ito isyu sa kanila noon pa man.

Nagtataka lamang siya kung ano-ano pa ba ang mga pinagkakagastusan ng dalawang matanda.

Minsan, kaswal niyang natanong ang mga magulang tungkol dito.

Advertisement

“Bakit anak, nagigipit ka na ba?” tanong ng kaniyang ama.

Umiling naman si Ramon.

“Hindi po, Pa. Ang totoo po niyan kasi, nakabili na po ako ng isang unit ng condominium. Balak ko na po kasi sanang bumukod, para naman matirhan ko at hindi sayang ang nabili kong property,” tugo naman ng binata.

“Bakit anak, mag-aasawa ka na ba? Wala ka namang ipinakikila sa aking nobya,” untag naman ng kaniyang Mama.

Umiling ulit si Ramon.

“Hindi po, Ma. Ang totoo po niyan, wala pa po sa isip ko ang pag-aasawa. Gusto ko lang po munang mag-enjoy sa buhay-binata. Saka, malaki na po ako. Siguro naman po, dapat po ay alam ko na ang mamuhay mag-isa,” aniya.

Inaasahan na ni Ramon na baka may masasakit na salitang sabihin sa kaniya ang mga magulang. Sa halip, ngumiti pa ang mga ito na para bang nagustuhan pa ang mga sinabi niya.

“Masaya ako, anak, dahil hindi ka nagmamadali sa buhay. Tama ka naman, lalo na’t lalaki ka. Darating ang panahon na magkakaroon ka rin ng sarili mong pamilya, at dapat ay marunong ka nang magtaguyod ng sarili mo, para matuto ka ring magtaguyod ng iyong sambahayan. Kung narito ka lagi sa poder namin, hindi mo magagawa ‘yan dahil alam mo naman, kahit na malaki ka na, ikaw pa rin ang aming Junior,” wika ng kaniyang Papa.

Advertisement

“Tama ang Papa mo, anak. Natutuwa kami na hindi lamang puro pagpapasarap ang alam mong gawin, hindi kagaya ng iba mong mga kasabayan,” segunda naman ng kaniyang Mama.

“Tungkol naman sa pagbibigay mo ng pera sa amin ng Mama mo, maaari ka nang huminto,” wika naman ng kaniyang Papa.

“Hindi naman sa ganoon, Ma, Pa,” sansala naman ni Ramon. “Magbibigay pa rin naman po ako sa inyo, huwag po kayong mag-alala.”

“Huwag mo na kaming intindihin, anak. Ang mabuti pa, samahan mo kami ng Mama mo at nais naming makita ang condominium na sinasabi mo,” wika naman ng kaniyang Papa.

Agad namang nagtungo ang tatlo sa condominium unit na nabili ni Ramon. Maganda at malaki naman ito. Kahit na bumili ng mga kasangkapan, appliances at muwebles si Ramon, hindi pa rin masikip ang pakiramdam.

“Maganda itong nabili mo, anak,” papuri ng kaniyang mga magulang. “Kailan ka ba lilipat dito?”

May ipinagtapat si Ramon.

“Ang totoo niyan, Ma, Pa… hindi pa po sa akin ito. Ibinebenta pa lamang sa akin ng kaibigan ko. Sabi ko, huhulugan ko na lamang. Mga 10 taon po bago ko mabayaran nang buo ito, pero ayos lang. Wala naman po kasi akong malaking halaga para mabayaran ko nang buo ang unit na ito,” pagtatapat ni Ramon.

Advertisement

“Ah ganoon ba, anak. Magkano naman ang unit na ito, matanong lamang?” tanong ng kaniyang Papa.

“Mga nasa 2.5 milyong piso po.”

Nagkatinginan at nagkangitian ang mag-asawa. Maya-maya, may inilabas na isang passbook mula sa isang kilalang bangko ang kaniyang Mama at ibinigay kay Ramon.

“Ano po ito, Mama? Bakit nakapangalan sa akin ang passbook na ito?” nagtatakang tanong ni Ramon.

“Buksan mo, anak,” utos ng kaniyang Papa.

Pagbukas niya ng passbook ay halos lumuwa ang kaniyang mga mata sa halagang tumambad sa kaniya. Kulang-kulang na 5 milyong piso ang naroon!

“P-Paano po ako nagkaroon ng ganitong kalaking halaga, Ma, Pa?”

“Anak, lahat ng mga ibinibigay mo sa amin, iyon ay inilagay namin sa bangko na iyan upang makaipon ka ng pera. Nag-alala kasi kami ng Papa mo na baka sa oras na magkatrabaho ka na, hindi ka makapag-ipon ng pera mula sa iyong kinikita, kaya kami na lamang ang gumawa ng paraan. Tingnan mo, sa mahabang panahon, hindi mo namalayan na may milyon ka na. Ngayon, puwede mo nang bayaran ang condominium unit na ito, makabibili ka na ng mga kagamitan mo, at may maitatabi ka pa,” masayang paliwanag ng kaniyang Mama.

Advertisement

Labis-labis ang pasasalamat ni Ramon sa kaniyang mga magulang na hanggang sa kaniyang paglaki ay gumabay pa rin sa kaniya. Tama ang kaniyang mga magulang.

Nabayaran na nga ni Ramon nang buo ang condominium unit, nakabili ng mga pangunahing appliances at kasangkapan, at nakapagtabi pa si Ramon mula sa kaniyang 5 milyong piso. Agad na siyang lumipat sa kaniyang bagong tirahan, at sa tuwing Sabado at Linggo, doon natutulog ang kaniyang mga magulang.

Ipinangako ni Ramon sa kaniyang sarili na kapag may sarili na siyang mga anak, ituturo din niya sa mga ito ang kahalagahan ng kasinupan sa pera at pag-iimpok.