Inday TrendingInday Trending
Lumuwas ng Maynila ang Matandang Dalaga Upang Bisitahin ang Bunsong Kapatid na Binuhay at Pinag-aral Niya; Nagulat Siya sa Nadatnan

Lumuwas ng Maynila ang Matandang Dalaga Upang Bisitahin ang Bunsong Kapatid na Binuhay at Pinag-aral Niya; Nagulat Siya sa Nadatnan

Nasasabik nang makita ni Thelma ang kaniyang nakababatang kapatid na si Isagani na matagumpay na sa buhay, matapos niyang pag-aralin ito simula nang maulila sila sa kanilang magulang. Habang nasa bus at nakatanaw sa mga nadaraanang kabukiran, parang nagugunita pa niya ang mga sandaling hindi niya alintana ang init ng araw sa paggapas ng mga palay, sa pagsunong ng mga napipitas niyang gulay sa kung saan-saan upang ibenta sa palengke.

Sa pagnanais na matupad ang pangako sa naghihingalong ina na huwag pabayaan ang kapatid, buong panahon niya ay inilaan sa pagbabanat ng buto upang maibigay ang mga pangangailangan nito. Nagmistula siyang parang nanay nito. Hindi nga niya malaman kung paano niya nagawa ang mga nagawa niya. Ah, siguro nakita niya sa ginawang pagpapalaki sa kanila ng mga magulang.

Ipinasya ni Thelma na ituon ang panahon sa pagtatrabaho upang hindi mahati ang kaniyang atensyon sa kaniyang mga ginagawa. Nakalimutan na rin niyang mag-aral. Kaya nang makatapos ng pag-aaral sa kolehiyo ang kapatid ay ganoon na lamang ang kasiyahan sa puso niya.

Hinayaan niya ang kaniyang kapatid na magtungo sa Maynila upang makahanap ng trabaho. Noong una ay walang mintis na nagpapadala ng pera sa kaniya ang kapatid subalit isang araw, bigla na lamang itong nagpadala ng mensahe sa kaniya na may nobya na ito at magkaka-anak na raw sila.

At ngayon ay balak niyang sorpresahin ang kapatid. Nais niyang makita ang kaniyang pamangkin. Hindi siya nagpasabi rito na pupunta siya. Ganoon naman ang kaniyang kapatid noong maliit pa lamang ito. Tuwang-tuwa ito sa mga sorpresa niya gaya ng munting laruang robot na binili niya sa palengke, o kaya naman ay kotse-kotsehan, kapag may sobra sa kaniyang kinita.

Matapos makababa sa bus at magpahatid sa tricycle ay nasa harapan na siya ng malaking bahay ng kapatid.

“Ang ganda pala ng bahay ng mokong,” bulong ni Thelma sa kaniyang sarili.

Pinindot niya ng dalawang ulit ang doorbell sa tarangkahan.

“Sino ho sila?” tanong ng kasambahay. Tiningnan siya mula ulo hanggang paa.

“Ah, nariyan ba si Kevin Matias? Pakisabi narito ang Ate Thelma niya.”

Napamaang naman ang kasambahay na para bang tinitiyak ang kaniyang mga narinig.

“Kapatid ho kayo ni Sir Kevin?” parang hindi makapaniwalang pagtitiyak ng kasambahay.

“Oo. Nariyan ba siya?” untag ni Thelma.

“Sandali ho. Pasok po kayo, Ma’am.”

Namangha si Thelma sa magarang looban ng bahay ng kapatid. Pinaupo siya ng kasambahay sa sofa.

“Tatawagin ko lang ho si Ma’am Celine.”

Umalis saglit ang kasambahay upang tawagin ang kinakasama ng kapatid. Maya-maya ay lumabas na ito na may bitbit na sanggol na mahimbing na natutulog.

“Sino ho kayo?” tanong ni Celine sa kaniya. Wala man lamang ngiti sa mga labi nito at pinasadahan siya ng sulyap mula ulo hanggang paa.

“Ako ang ate ni Kevin, si Thelma. Ikinagagalak kitang makilala, Celine. Ang gwapo naman ng pamangkin ko…” tinangka ni Thelma na lapitan ito subalit biglang-iwas si Celine na para bang nandiri. Natigilan naman si Thelma.

Tila nahimasmasan naman si Celine at nakalimutang magpanggap man lamang sa harapan ng ate ng kaniyang kinakasama.

“S-Sorry po, eh natutulog pa si Benjamin at baka magising. Saka na lamang po kapag nagising na siya. Wala po pala rito si Kevin at nasa opisina niya. Alam po ba niya na pupunta kayo?”

“Hindi niya alam na pupunta ako kasi balak ko sana siyang sorpresahin,” tugon naman ni Thelma na nadidismaya sa asal ng kinakasama ng kapatid.

“Sige po, sandali lamang at ikukuha ko kayo ng makakain at maiinom,” pagpaalam ni Celine sa kaniya. Nagpunta ito sa kusina.

Dahil tinatawag na ng Inang Kalikasan, nagpasyang tumayo si Thelma upang hanapin kung nasaan ang palikuran.

Narinig niyang may kausap sa video call si Celine. Batay sa kaniyang pagsilip, ang kausap nito ay si Kevin. Pinakinggan niya ang usapan nila.

“Ate mo raw siya, Thelma ang pangalan. Alam mo ba na pupuntahan ka rito?”

“Ha? Nandiyan si Ate? Sabihin mo nasa opisina ako at hindi makakauwi ng ilang araw dahil dadalo ako sa seminar,” narinig niyang sabi ng kapatid sa kabilang linya.

“Seminar? Hindi ka ba uuwi? Hindi ka naman nagsabi sa akin kanina.”

“Hindi. Alibi lang. Para umuwi na siya sa probinsya. Hihingi lang ng pera ‘yan.”

Labis na nasaktan si Thelma sa kaniyang mga narinig. Hindi siya makapaniwala sa mga sinabi ng kapatid. Hindi niya napigilan ang kaniyang sarili na hindi lumabas sa pinagtataguan at magpakita.

“Anong sabi mo, Kevin? Hindi ako makapaniwala na sinasabi mo iyan laban sa akin. Hindi ako nagpunta rito para humingi ng pera. Nagpunta ako rito para makita ka at makilala ko ang pamilya mo. Sana naman igalang mo ako bilang ate mo na siyang tumayong pangalawang magulang mo noong kailangang-kailangan mo. Hindi ako nanunumbat, pero baka nakakalimot ka lang…” masama ang loob na sabi ni Thelma, sabay talikod. Natulala naman ang kasambahay sa kaniyang mga nasaksihan, gayundin si Celine na hindi na nakapagsalita dahil sa kahihiyan.

Agad na umalis si Thelma sa bahay ng kapatid. Habang nasa byahe siya pabalik sa probinsya ay walang patid ang pagbalong ng kaniyang mga luha. Hindi naman niya hangad na suklian ng bunsong kapatid ang lahat ng mga sakripisyong ginawa niya para dito, pero hindi siya makapaniwala na ibang-iba na ang kaniyang kapatid, at parang ang tingin pa sa kaniya ay peperahan lamang siya.

Makalipas ang tatlong araw ay ‘di inaasahang mga panauhin ang dumating sa kaniyang maliit na barong-barong na kinalakhan nila ng kapatid.

“Ate, nais kong humingi ng kapatawaran sa lahat ng mga nasabi ko. Hindi ko dapat sinabi ang mga bagay na iyon. Mahal na mahal kita ate, at malaki ang utang na loob ko sa iyo. Nagkataon lang na may malaki akong pinagdaraanan sa pera ng mga sandaling iyon, at inakala kong kaya ka nagpunta ay para humingi ng pera. Pero huwag ka sanang magdamdam sa akin. Nahiya lang talaga ako na wala akong maibigay sa iyo,” hiyang-hiyang paghingi ng dispensa ni Kevin sa kaniyang ate.

“Patawarin mo rin po ako Ate kung hindi naging maganda ang pagtrato namin sa iyo,” paghingi naman ng tawad ng kinakasama ng kapatid.

Pinatawad naman ni Thelma ang kaniyang kapatid dahil kahit na anuman ang mangyari ay magkadugo pa rin naman sila. Simula noon ay naging maayos at maganda na ang naging relasyon nilang tatlo, lalo na sina Celine at Thelma.

Advertisement