
Masayang-Masaya ang Ahente Dahil Mukhang Mabebenta Niya sa Kliyente ang Bahay na Milyon ang Halaga; Bakit Namutla Siya sa Bandang Dulo?
Nag-aabang na ang real estate agent na si Anthony sa isang malaking bahay sa loob ng bagong napaunlad na subdibisyon kung saan sila magkikita ng kaniyang kliyente. Ayos na ayos ang kaniyang hitsura: maayos na maayos ang pagkakasuklay niya sa kaniyang buhok, makintab na makintab ang kaniyang balat na sapatos, at plantsadong-plantsado ang kaniyang long sleeves at slack pants na pormal na pormal din ang dating dahil sa nakakabit na kurbata. Naglagay rin siya ng Amerikana.
Kanina pa siya nagwisik ng pabango, na amoy na amoy sa buong kabahayan. Gusto niya ay presentable siya sa natitiyak niyang kliyente niya na maaaring bumili ng bahay at lupa sa kaniya.
Hindi basta-basta nag-eestima ng mga kliyente niya si Anthony. Kapag sa tingin niya ay wala itong kakayahang magbayad, hindi niya pinapansin. Kapag alam niyang mayaman at may kakayahang magbayad, halos himurin niya ang puw*tan para mapapayag lamang. Kailangan niya kasing makakuha ng quota at komisyon para naman kumita siya. Ayaw niyang magsayang ng oras sa isang taong kinausap na nga niya’t lahat, sa huli ay pag-iisipan pa kung kukuha ba ng unit sa kaniya.
Milyon ang presyo ng bahay at lupa na kaniyang iniaalok, kaya kung mabebenta ito, tiyak na tiba-tiba siya.
Maya-maya lamang ay namataan na ni Anthony sa bintana ang pagdating ng isang magarang kotse. Naghanda na siya. Muli niyang tiningnan ang mga dokumentong hawak niya. Malakas ang panalangin niyang sana ay pirmado na ito maya-maya.
Isang matangkad at pormal na lalaki ang pinagbuksan ng pinto ni Anthony. Sa hitsura pa lamang nito ay tiyak na paldo-paldo ang pera nito.
“Hello Sir, good morning po, nice meeting you po, ako po si Anthony,” masayang bungad niya. Nagkamayan silang dalawa.
“Maganda itong bahay na ito ah,” hindi naiwasang mapahanga ng lalaking dumating nang masilayan na ang kabuuan ng bahay.
“Mas maganda pa po iyan kapag nakita na ninyo ang kabuuan ng bahay. Shall we start, sir?” tanong ni Anthony.
“Sure,” sagot naman ng ginoo na nagsimula nang umakyat sa ikalawang palapag.
Susunod na sana si Anthony nang mapahinto siya dahil may kumatok ulit sa pinto.
“Sir, mauna na ho kayo at may titingnan lang ho ako,” bilin ni Anthony sa ginoo.
Iritable naman siyang nagtungo sa pinto at binuksan ito. Isang lalaking may katabaan ang kaniyang nabungaran na nakasuot ng lukot na polo shirt at naka-walking shorts lamang ang nabungaran niya. Naka-tsinelas lamang din ito.
Ipinagpalagay ni Anthony na driver ito ng kaniyang kliyente kaya bago pa makapagsalita ito ay binara na niya kaagad.
“Mamaya mo na istorbohin ang amo mo kasi kailangan na naming lumibot. Huwag mo siyang istorbohin,” malamig na sabi niya sa lalaki.
“T-Teka lang, kasi kailangan kong pumasok…”
“Hindi na kailangan. Sabi niya, maghintay ka na lamang daw sa sasakyan. Iyan ang pinapasabi niya sa akin.”
“H-Ha? Ganoon ba? Sinabi niya ‘yun?”
“Oo. Bakit, mukha ba akong sinungaling? Gusto mong isumbong kita sa boss mo para masisante ka sa trabaho? Diyan ka lang daw. Huwag ka na raw sumunod,” iritableng sabi ni Anthony Hindi na nakahuma ang lalaki at pinagsarhan na ito ng pinto ni Anthony.
“Istorbo,” bulong na sabi ni Anthony bago siya umakyat sa ikalawang palapag. Kung gaano nakabusangot ang kaniyang mukha, siya namang luwag ng ngiti niya nang muli silang magkaharap ng kliyente.
Walang ginawa ang kliyente kundi papurihan ang bawat detalye ng bahay: magmula sa mga silid na malalawak, kusina, palikuran, terasa, balkonahe, at maging bakuran.
“Ano po sir, okay po ba kayo rito?” tanong ni Anthony.
“Oo, okay sa akin. Hindi ko lang alam sa bosing ko. Teka nga, nasaan na ba siya?”
Napatda si Anthony.
“B-Bosing? H-Hindi ba’t kayo ang bosing?”
Napangiti ang lalaki.
“Personal secretary o staff lamang ako, ako lamang ang pinauna ni Boss, pero sabi niya susunod siya. Nasaan na nga ba siya?”
“Mark, okay na… nakalibot na ako sa unang palapag.”
Sabay na napalingon sina Anthony at ang ginoo na si Mark.
Nanlaki ang mga mata ni Anthony nang mapagsino ito. Ito ang lalaking may katabaan na nakasuot ng puting damit, naka-walking shorts, at naka-tsinelas lamang, na napagkamalan niyang drayber.
“Ay, Anthony, he’s my boss, si Sir Guztavo Vegafria, kilalang business magnate. Ang simple lang niya ‘no? Pero siya ang gustong bumili ng property mo. Gusto niya ay pumasa muna sa panlasa ko ang property na bibilhin niya, bago niya bilhin. Kung hindi mo natatanong, dati rin akong real estate agent kaya alam ko kung maganda ang property o hindi. At sa palagay ko, maganda naman talaga ang property na ito. Sir, kunin na po ninyo,” nakangiting suhestyon ni Mark.
“Ah ganoon ba Mark? Tama ka naman, sang-ayon ako sa iyo na maganda ang property na ito, at pasok din sa panlasa ko. Pero… ayokong kunin.”
Namutla si Anthony sa sinabi ni Guztavo. Alam na niya kung bakit.
“S-Sir… p-patawarin po ninyo ako kung napagkamalan ko kayong driver, hindi ko ho sinasadya… inakala ko lang ho talaga, pasensya na po sa mga nasabi ko laban sa inyo,” hiyang-hiyang sabi ni Anthony. Tila nais niyang lumubog sa kaniyang kinatatayuan.
Bumaling si Guztavo kay Mark. “Totoo ba ang sinabi niya na sinabihan mo raw siyang sabihin sa akin na huwag na akong sumunod dahil hindi raw ako kailangan dito?”
“Ha? Bakit ko naman ho sasabihin iyon, sir, eh kayo ang bibili, hindi naman po ako. Hindi ko po magagawa iyon sa inyo,” pagtatanggol naman ni Mark sa kaniyang sarili, saka matalim ang titig na bumaling kay Anthony.
“Bukod sa mapanlait, sinungaling ka pa. Pasensya ka na pero kahit gusto ko ang property na ito, hindi ko ito bibilhin sa ilalim mo dahil mayabang ka. Wala kang karapatang mangmaliit ng kapwa mo. Kung bibilhin ko man ito, gusto ko ay sa ibang ahente. Let’s go, Mark,” sabi ni Guztavo sa kaniyang assistant at umalis na sila.
Sising-sisi naman si Anthony sa kaniyang ginawa. Pera na nga, naging bato pa. Kung nag-ingat lamang siya sa mga pahayag niya, sana ay may komisyon na siya ngayon.
Inireklamo ni Guztavo ang naging ugali ni Anthony sa kaniya. Binili pa rin ni Guztavo ang property pero ang komisyon ay napunta sa ibang real estate agent na siyang ipinalit kay Anthony.
Nagsilbing-aral kay Anthony ang mga nangyari at ipinangako niyang hinding-hindi na ito mauulit sa susunod.

Lumuwas ng Maynila ang Matandang Dalaga Upang Bisitahin ang Bunsong Kapatid na Binuhay at Pinag-aral Niya; Nagulat Siya sa Nadatnan
