Inaasahan ng Kaniyang Ina na Mahuhulog ang Loob Niya sa Kaniyang Kababata; Ano ang Gagawin Niya Kung Ibang Tao ang Nakahuli sa Pihikan Niyang Puso?

Ginising si Mutya ng malalakas na katok sa kaniyang pintuan.

“Anak, tumayo ka na! Ngayon ang araw na darating ang mapapangasawa mo!” sigaw nito mula sa labas.

Tamad na tinakpan niya ng unan ang kaniyang mukha. Ayaw na ayaw niya kasi na nakikialam ang kaniyang ina sa kaniyang pag-aasawa.

Alam niya na inip na inip na ito dahil tutuntong na siya ng trenta ay wala pa siyang asawa. Pihikan kasi siya.

Kaya naman nang malaman nito na darating ang anak ng alkalde ng bayan nila ay umasa na naman ito na baka ang lalaki na ang makahuli ng mailap niyang puso.

Kababata niya si Aaron, ngunit hindi na niya maalala pa ang itsura nito. Bata pa kasi sila nang umalis ito.

Sa pagpupumilit ng kaniyang ina ay nahigit din siya nito na sumama sa airport para sunduin ang balikbayan.

Matapos ang halos tatlumpung minutong paghihintay ay narinig niya ang malakas na boses ng kaniyang ina.

Advertisement

“Naku, ayan na yata si Aaron! Diyos ko, napakagwapong bata!” anang kaniyang ina.

Iirap sana siya ngunit nang makita niya ang paparating ay tila nahulog ang kaniyang puso.

Tila artista sa lakas ng dating ang binatang paparating, na may suot pang shades na alam niyang mamahalin ang tatak.

Matangkad ito, matikas ang katawan, at ubod ng gwapo!

Nang makalapit sa kanila ang binata ay inalis nito ang suot na shades.

Pakiramdam ni Mutya ay iyon na ang pinakamagandang pares ng mata na nakita niya sa tanang buhay niya.

“Kayo po ba ang susundo sa amin?” magalang na usisa nito, tila namukhaan ang ina niya.

“Ikaw na ba si Aaron, hijo? Aba’y napakagwapo mo!” agad na puri ng kaniyang ina sa lalaki.

Advertisement

Matamis na ngumiti ang lalaki, ngunit laking gulat niya nang umiling ito.

Mula sa likod ng lalaki ay lumabas ay isa pang lalaki.

“Ito ho si Aaron, ang anak ng mayor. Ako naman po si Mateo, ang bodyguard ni Aaron,” pagpapakilala ng gwapong lalaki.

Tila nalugi si Mutya sa nalaman. Buong akala niya ay si Aaron ang gwapong lalaki! Pilit niyang ikinalma ang puso bago ngumiti sa kababata.

“Hi, Aaron. Ako ito, si Mutya, naalala mo pa ba ako? Magkalaro tayo dati,” nakangiting wika niya sa kababata.

Nagkamot ito ng batok bago nahihiyang ngumiti.

“Pasensya ka na, Mutya. Hindi ko na masyadong maalala. Pero salamat sa pagsama sa pagsundo sa akin,” nakangiting sabi nito.

Tumango siya bago pasimpleng sinulyapan ang bodyguard.

Advertisement

Muling bumilis ang tibok ng puso niya nang makita na nakatitig ito sa mukha niya.

Nang mahuli niya ang pagtitig nito ay ngumiti ito nang matamis, na sinuklian niya ng tipid na ngiti.

Habang pauwi ay tanging ang dalawang lalaki lang ang panay ang pag-uusap niya. Sa pag-uusap pa lang ay nahinuha niya na na malapit sa isa’t-isa ang dalawa.

Bago siya bumaba ng sasakyan ay may sinabi sa kaniya si Aaron.

“Mutya, baka pwede kitang yayain na lumabas?” tila nahihiya na tanong nito. 

Bago pa siya makasagot ay nauna na ang magaling niyang ina.

“Sige, hijo! Bukas, pwede kayong mag-date!” anito bago siya hinila papasok ng bahay.

Pagpasok ng bahay ay tila dalagang napatili ang kaniyang ina.

Advertisement

“May date ka bukas, anak! ‘Wag kang magtataray doon, ha!” paalala nito.

Napapailing na lang na iniwan niya ang ina sa sala. Tila mas sabik pa ito sa kaniya sa date.

Bago siya makatulog ay laman ng balintataw niya ang gwapong bodyguard. Pilit niyang iwinaksi ang kakaibang nararamdaman dahil sigurado siya na kokontra lang ang kaniyang ina.

Kinabukasan, maaga pa lang ay handa na siya sa date.

Saktong nagwiwisik na siya ng pabango nang marinig niya ang kaniyang ina.

“Anak, nariyan na ang sundo mo!”

Dahan-dahan siyang bumaba. Inaasahan niya ang kababata na si Aaron, ngunit ang bodyguard na si Mateo ang bumungad sa kaniya.

Isang simpleng itim na T-shirt lang ang suot nito, ngunit lutang na lutang ang kaguwapuhan nito.

Advertisement

“H-hi,” alanganin niyang bati sa lalaki.

“Hello. Pinasundo ka ni Aaron sa akin…” paliwanang ng lalaki nang mapansin ang kalituhan niya.

Habang papunta sa lugar kung saan sila magde-date ni Aaron ay nagkaroon siya ng tiyansa na makilala si Mateo.

Gaya ng hinuha niya, mabait at palabiro ang lalaki. Mabilis niyang nakagaanan ng loob ang lalaki.

Nang dumating si Aaron, ang totoo niyang ka-date ay pilit niyang iwinaksi ang pagkadismaya.

Subalit tila may sariling isip ang mata niya na paulit-ulit na bumabalik sa gwapong bodyguard.

Matapos ang una nilang date, ilang beses pa niya sinubok na makipag-date pa kay Aaron. Ngunit hindi ito ang sinisigaw ng puso niya. Si Mateo. At sa tingin pa lang nito sa kaniya, alam niya na may pagtingin din sa kaniya ang lalaki.

“Ano? Nababaliw ka na ba? Bakit mo pipiliin ang bodyguard ni Aaron?” hindi makapaniwalang bulalas ng kaniyang ina.

Advertisement

“Siya ang nilalaman ng puso ko, Mama… Sana po ay maunawaan niyo ako…” pabulong niya bago niya ito niyakap.

Ilang buntong hininga ang pinakawalan nito bago siya niyakap pabalik.

“Ano pa ang ba ang magagawa ko kundi ang suportahan ka!” anito bago pabiro siyang inirapan.

Sunod niyang sinabi ang totoo kay Aaron. Inamin niya rito na may iba siyang nagugustuhan. Maluwag sa dibdib na pinalaya siya nito.

Ang huli niyang kinausap ay si Mateo. Isang tingin lang ay alam na nila ang nilalaman ng puso ng isa’t isa.

“Hindi ko kayang gustuhin si Aaron sa paraan na gusto kita…” pag-amin niya.

Ngumiti ang lalaki bago hinaplos ang kaniyang buhok.

“Gusto mo pa rin ako kahit na hindi ako anak ng alkalde, at isa lang akong boidyguard?” paninigurado nito.

Advertisement

Tumango siya.

“Gusto rin kita… Simula pa noong makita kita ulit…” ani Mateo.

Napakunot noo si Mutya.

“Nagkita na ba tayo dati?” takang tanong niya.

Tumango ito bago ngumiti.

Mula sa pitaka nito ay may kinuha itong isang larawan. Ang larawan ay kuha noong mga bata pa sila.

“Bakit mayroon ka ng larawan na ‘yan?” takang usisa niya sa lalaki.

“Dahil ako ang may-ari ng larawan na ‘yan. Ako ang kababata mo na si Aaron, Mutya…” pag-amin nito. 

Advertisement

Nanlaki ang mata niya sa narinig. Ni sa hinagap ay hindi niya inisip na ito pala ang kababata niya!“Natakot kasi ako na baka may mga lumapit sa akin dahil lang anak ako ng alklade. Gusto ko iyong totoo na magugustuhan ako kahit na ordinaryo lang akong bodyguard, kagaya mo…” paliwanag ng lalaki.

Napangiti si Mutya sa narinig. Naunawaaan niya kaagad ang dahilan ng kababata.

Tunay nga na mapaglaro ang tadhana.

Nang malaman ng kaniyang ina ang totoo ay mas natuwa pa ito sa kaniya! Ngunit nauunawaan niya naman ito. Alam niya na gusto lang nito ang makabubuti para sa kaniya.

Matapos ang tatlong taon, sa wakas ay ikinasal na sila ng kababata niyang si Aaron.

Wala nang mahihiling pa si Mutya, lalo pa’t isang mabuting asawa ang kaniyang kababata. Malaki ang pasasalamat niya na pinili niya na maging totoo sa kaniyang sarili.

At dahil doon, nakatagpo siya ng tunay na pagmamahal.