Palaging Napapanisan ng Paninda ang Ginang Dahilan upang Panghinaan Siya ng Loob, Isang Biyaya ang Bigla na Lamang Sumulpot
“Mama, anong ginagawa mo? Bakit mo po tinatapon ‘yang mga paninda natin?” tanong ni Julian sa kaniyang ina nang makita niya itong nagtatapon ng paninda nilang milktea sa kanilang lababo.
“Panis na, eh, kahapon pa ito order sa akin ng mga kumare. Ngayon lang nila sinabi sa akin na hindi na pala nila kukunin dahil sa iba’t ibang dahilan. Ilang beses na nilang ginagawa sa akin ‘to, siguro ititigil ko na lang ito kaysa naman araw-araw akong nalulugi dahil sa kanila,” sambit ni Aling Merdes habang patuloy pa rin sa pagtapon ng mga milktea na kanilang ginawa kahapon.
“Hindi lang naman sila ang pwedeng bumili sa atin, mama, eh,” sambit nito, tila binibigyan siya ng pag-asa.
“Kahit na, kung nagugustuhan talaga ng mga tao itong tinda nating milktea, e ‘di sana, marami ang bumibili sa atin at hindi lang ‘yong mga kumare kong oorder lang, pero hindi kukuhanin. Huwag kang mag-alala, anak, babalik na lang ako sa pagpasok bilang kasambahay,” tugon niya habang iniimis na ang kaniyang mga pinagkalatan.
“Mama, hindi nga po pupwede dahil sa sakit mo,” pag-aalala nito saka hinawakan ang kaniyang kamay.
“Kaysa naman magutom tayong dalawa, anak,” sagot niya rito saka bumuntong hininga.
Mag-isa nang tinataguyod ng ginang na si Merdes ang anak na may kapansanan. Simula nang pumanaw ang kaniyang asawa dahil sa sakit sa bato, nagdoble kayod siya upang matugunan lahat ng pangangailangan nilang mag-ina. Simula sa pagkain nilang mag-ina sa araw-araw hanggang sa pangbili ng gamot nilang dalawa, siya ang gumagastos. Nais man tumulong ng kaniyang anak, wala itong magawa kung hindi suportahan at palakasin na lang ang loob niya.
Ngunit nitong mga nakaraang buwan, palagi nang sumasakit ang kaniyang puso dahilan upang patigilin na siya ng kaniyang anak sa pagtatrabaho bilang isang kasambahay at upang may pagkakitaan sila kahit pa siya’y walang trabaho, kinumbinsi siya ng kaniyang anak na magtinda ng nauusong inumin ngayon.
Tinuruan siya ng kaniyang anak kung paano magtimpla ng naturang inuming ito na natutunan lang din nito sa panunuod ng mga bidyo sa social media at nang matikman niya ito, agad siyang nakumbinsing magtinda nito.
Naging mabili naman ito noong mga unang linggo ng kanilang pagtitinda, ngunit nitong mga nakaraang araw, tila dumalang ang kanilang benta at higit pa roon, sila’y napapanisan pa dahil sa mga order na hindi naman kinukuha dahilan upang labis siyang panghinaan ng loob.
“Hindi pa man ako nakakabawi sa puhunan, luging-lugi na ako,” sambit niya.
Kinabukasan noong araw na ‘yon, agad niyang tinawagan ang dati niyang amo. Tinanong niya rito kung pupwede pa siyang bumalik sa trabaho, sa kabutihang palad, agad siyang tinanggap nito. Kaya naman, agad na siyang nag-ayos upang agad na makapunta sa dating trabaho.
Ngunit bago pa man siya makapagpaalam sa kaniyang anak, nakatanggap siya ng isang mensahe sa isang hindi kilalang numero. Nais nitong bumili ng dalawang daang bote ng tinitinda nilang milktea na labis niyang pinagtaka.
“Naku, may nais na namang lumoko sa akin,” sambit niya, narinig ito ng kaniyang anak at agad na tinawagan ang numerong nagpadala ng mensahe sa kaniya. Doon nila nakumpirmang totoo pala ito at handa itong magbayad muna para lang maniwala sila.
Dahil doon, agad siyang namalengke’t kumuha ng mga ingredients sa kaniyang supplier habang ang kaniyang anak naman, agad nang inihanda ang mga gamit na kanilang gagamitin.
Dahil sa pagtutulungan nilang mag-ina, ilang oras lang ang nakalipas, matagumpay nilang nagawa ang bultuhang order na ito.
Mayamaya pa, dumating na sa kanilang bahay ang lalaking bumili nito at doon nila nalamang isa pala itong may-ari ng isang sikat na restawran.
Natikman pala nito ang gawa nilang milktea at nais silang bigyan ng puhunan upang sila’y makapagtayo ng sarili nilang negosyo na labis niyang ikinagulat at ikinatuwa.
Hindi mapaniwalaan ni Merdes ang mga biyayang sunod sunod na dumating sa buhay nilang mag-ina. Pumayag siya sa nais ng negosiyanteng iyon.
Marami mang dokumento’t kontrata ang kaniyang nilakad at pinirmahan, sa dulo’y matagumpay niya pa ring naipatayo ang negosyong hindi niya lubos akalaing makakamit niya. Dito na siya tuluyang nakaipon at napagamot ang sarili niyang sakit.
Humarap man siya sa maraming pagsubok, talibreng biyaya naman ang dumating sa kaniya sa oras ng kaniyang pagsadsad sa lupa.