Hindi Alintana sa Dalagang ito ang Kahirapang Kinakaharap, Malaking Biyaya ang Dumating sa Kaniya
“Arlyn, paano ‘yan sa susunod na linggo, simula na ang online class natin, magtatrabaho ka pa rin ba?” tanong ni Candy sa kaniyang kaibigan, isang umaga nang makasabay niya ito sa jeep.
“Oo naman, Candy, kailangan, eh. Kung hindi ako magtatrabaho, walang kakainin amg pamilya ko. Alam mo namang ako ang panganay at parehas nang mahina ang mga magulang ko,” tugon ni Arlyn, saka siya huminga nang malalim.
“Ang hirap talaga ng sitwasyon mo, ano? Bakit hindi ka muna kaya tumigil sa pag-aaral? Para naman kahit papaano makapaghinga ka. Baka mamaya ikaw naman ang magkasakit, mas mahihirapan ka,” pag-aalala nito sa kaniya.
“Naku, ‘yan ang hindi pumasok sa isip ko. Ayos lang na mahirapan ako basta nag-aaral ako. Ito na lang ang nakikita kong paraan para maiangat ko sa buhay ang pamilya ko, eh,” sambit niya dahilan upang mapangiti sa kaniya ang naturang dalaga.
“Sabagay, may punto ka. Iba talaga ang determinasyon mo, ano? Basta kung kailangan mo ng tulong sa online class, sabihan mo lang ako, ha? Iyon muna ang maitutulong ko sa’yo,” nakangiting sabi nito saka pinara ang sinasakyan nilang jeep.
“Salamat, Candy!” habol niya rito saka siya kumaway-kaway.
Trabahador sa isang pabrika ng mga damit ang dalagang si Arlyn. Dahil sa karamdaman ng kaniyang mga magulang at siya ang panganay, wala siyang ibang pagpipilian kung hindi ang magtrabaho para sa kaniyang buong pamilya. Mahirap man, pero hindi niya ito alintana at nagagawa niya pang ipagsabay ang kaniyang pag-aaral.
Ngunit ngayong may bagong pamamaraan ng pag-aaral dahil sa kumakalat na sakit na kung tawagin ay online class, tila namomoblema siya.
Lahat kasi ng kaniyang sweldo, inilalaan niya sa mga gastusin sa kanilang bahay- pagkain, pangbayad ng mga bills, gamot ng kaniyang mga magulang at marami pang bagay dahilan upang kahit mumurahing selpon para sa sarili, hindi siya makabili. Ito ang kaniyang iniisip ngayon, ‘ika niya, “Kung bibili ako ng selpon, tiyak, kakapusin kami,” dahilan upang ganoon na lang siya mamoblema.
Bahagya naman siyang nabunutan ng tinik nang makasabay ang kaniyang matalik na kaibigan sa jeep, pagkatapos kasi ng pag-uusap nilang ‘yon, pinuntahan niya ito sa bahay kinabukasan at laking tuwa niya nang ipahiram nito sa kaniya ang lumang selpon nito na maaari niyang gamitin sa nalalapit na pasukan. Pinunasan pa nga nito ang naturang selpon para sa kaniya.
“Hulog ka talaga ng langit, Candy!” sigaw niya sa tuwa saka niya mahigpit na niyakap ang kaibigan.
Ilang araw pa ang nakalipas, tuluyan na ngang nagsimula ang klase. May magagamit na nga siyang selpon ngunit wala naman siyang pera pang-load sa naturang selpon kaya naman, nakiusap siya sa kanilang manager sa trabaho na kung pwede, pagkatapos ng kaniyang trabaho, manatili muna siya sa kanilang bodega at makikabit sa internet doon at dahil sa kaniyang pangungulit at pinakitang deteminasyon, pinayagan siya nito.
Ngunit tanging bilin nito, “Huwag kang papakita kay boss, ha? Kung maaari, magtago ka. Ako mapapagalitan kapag nalaman no’n na ginamit natin ang internet dito para sa personal na pangangailangan mo,” na agad naman niyang sinang-ayunan.
Katulad ng napag-usapan, nang matapos na niya ang kaniyang trabaho, agad na siyang naupo sa isang sulok ng naturang bodega saka nakisali sa kanilang online class.
Ngunit habang siya’y abala sa pakikinig at pagsusulat ng mga importanteng impormasyong sinasabi ng kaniyang guro, bigla siyang nagulantang nang kalabitin siya ng kanilang boss.
“Magkita tayo sa opisina ko pagtapos mo d’yan,” sambit nito saka agad na lumabas ng naturang bodega dahilan upang ganoon na lang siya kabahan, “Yari ako nito kay manager!” sabi niya sa sarili.
Pagkatapos na pagkatapos ng kaniyang klase, kahit pa labis na kinakabahan, agad siyang nagtungo sa opisina nito. Dahan-dahan niyang binuksan ang pintuan ng opisina nito, bumungad sa kaniya ang boss nilang nakatingin sa malayo dahilan upang agad siyang humingi ng tawad dito.
Buong akala niya’y sisisantehin na siya nito nang humarap ito’t tila nanlilisik ang mga mata ngunit nagulat siya nang sabihin nitong, “Dito ka magklase pagkatapos ng trabaho mo, huwag doon sa bodega, malamok doon,” ‘ika nito na nagpalambot sa kaniyang tuhod, “Simula ngayon, ikaw na ang kauna-unahang iskolar ng pabrika ko, ang isang kabataang tulad mo, ang dapat ipag-aaral,” dagdag pa nito na labis niyang ikinaiyak. Katulad ng sinabi ng kaniyang boss, ginawa nga siya nitong iskolar.
Bukod sa libreng paggamit niya ng kompyuter sa opisina nito, binibigyan pa siya nito kada linggo ng pera pangdagdag sa gastusin ng kaniyang pamilya dahilan upang makapagpatayo siya ng maliit na sari-sari store sa tapat ng kanilang bahay na talaga nga namang ikinatuwa niya.
Lalo pa siyang naging determinado sa pag-aaral dahil doon. Tunay ngang hindi hadlang ang kahirapan para sa isang taong nais magtagumpay.