Dahil sa Kakaibang Itsura ng Anak ng Babaeng ito, Sila’y Inaalipusta; Ito Pa Pala ang Magbibigay Swerte sa Kanila
“Naku, Jenna, ‘yan na ba ‘yong anak niyo ni Elvin? Bakit naman ganiyan ang itsura niyan? Sobrang balbon naman at itim! Hindi mo ba hinihiluran ‘yan o kahit pinapaliguan man lang?” nandidiring tanong ng dating kaklase ni Jenna sa kaniya, isang araw nang makasalubong niya ito sa ospital matapos niyang pabakuhan ang pitong buwang gulang na anak.
“Pinapaliguan ko naman, sadyang ganiyan na talaga ang itsura niya. Bakit, may masama ba sa itsura niya?” naiinis niyang tanong dito dahilan upang muli nitong sipatin ang mukha ng kaniyang anak na iyak nang iyak dahil sa tinurok na bakuna.
“Oo naman, ‘no! Tingnan mo, o, nakakatakot ‘yang anak mo, parang anak ng unggoy! Naku, kung ako sa’yo ipaampon mo na ‘yan, malas ‘yan, Jenna!” sambit pa nito sa kaniya dahilan upang lalo siyang manggigil dito.
“Kahit magkamalas-malas man ang buhay ko hindi ko ito ipapaampon, ako ang naluwal nito, eh, biyaya ito ng Diyos,” depensa niya habang hinehele ang anak na umaatungal ng iyak.
“Biyaya? May biyaya bang mukhang ganyan ang itsura? Babae ‘yan, hindi ba? Bakit mukhang lalaking unggoy! Naku, nakakatakot!” sigaw pa nito dahilan upang magtinginan sa kanilang mag-ina ang mga tao ro’n, nang mapansin niyang halos lahat ay nagbubulungan na, agad siyang sumakay ng tricycle at nagpauwi sa kanilang bahay.
Isa lang ang pangyayaring ito sa sandamakmak na pamamahiya ng mga tao sa anak ni Jenna dahil sa kakaiba nitong itsura. Sa katunayan, may itsura naman talaga ang kaniyang anak, matapos ang ilong nito, mapupula at manipis ang labi, at mataba ang pisngi kaya lang tila sumobra ang pagkabalbon nito’t itim ng balat dahilan upang ganoon na lang ito alipustahin ng mga tao sa tinutuluyan nila sa Maynila.
Pati mga batang naglalaro sa kalye sa kanilang lugar, tumatakbo palayo kapag dadaan na siya karga-karga ang kaniyang anak, sinisigaw pa ng mga ito, “Ayan na ang batang unggoy! Malas ‘yan sabi ng mama ko, takbo!” na talaga nga namang dumudurog sa kaniyang puso.
Simula nang maisilang ito hanggang ngayong dalawang taong gulang na ito, puro pangungutsa at pandidiri ang binabato ng mga tao rito. Sa katunayan pa nga, kahit kanilang mga kaanak, nakikisali sa pangungutya sa kaniyang anak na labis niyang ikinagalit.
Napansin ng kaniyang asawa na malaki na ang epekto nito sa kaniya dahilan upang magdesisyon itong iuwi na silang mag-ina sa probinsya. Sabi nito, “Tingin ko, mahal, hindi tayo mabubuhay ng masaya sa ganitong klaseng lugar,” na agad niyang sinang-ayunan.
Doon nga sa probinsya ng kaniyang asawa sila namalagi ng kaniyang anak. Wala ganoong tao roon dahilan upang maayos niyang maalagaan ang kaniyang anak at mamuhay ito ng isang normal na bata.
Limang taon ang simula nang sila’y manirahan doon, may isang talent agency ang dumayo sa kanilang lugar at naghahanap ng batang maaaring gawing artista dahilan upang labis siyang kumbinsihin ng kaniyang mga kapitbahay doon na isali ang kaniyang anak.
Noong una’y agad siyang tumanggi dahil kinakabahan siyang baka kutyain na naman ang kaniyang anak, may muwang na ito sa buhay at ayaw niyang maapektuhan nito ang pamumuhay ng kaniyang anak, ngunit noong mismong anak na niya ang nangulit sa kaniya, wala na siyang nagawa kung hindi ang pumayag.
‘Ika niya sa sarili, “Siguro nga, bilang isang magulang, kailangan ko siyang suportahan sa kaniyang gusto’t ipagtanggol siya sa lahat,” dahilan upang agad niyang ibiyahe sa kanilang bayan ang bibo niyang anak.
Sumalubong sa kanila ang sandamakmak na magaganda’t gwapong bata na nagnanais ding maging artista. Lahat ng ito’y nakatingin sa kaniyang anak dahilan upang labis na siyang matakot sa maaaring sabihin ng mga ito. Ngunit nang tignan niya ang anak niyang todo ngiti sa mga ito, bahagyang kumalma ang kaniyang loob.
Nagsimula na nga ang audition, nagpasiklab na ang mga bata sa sari-sariling nilang talento at sa dami-dami ng mga nais maging artista, ang anak niya lang ang tanging pumukaw sa atensyon ng mga hurado nang iarte nito ang mga pangungutya ng ibang tao sa kaniya.
‘Ika ng kaniyang anak, “Hindi po ako bingi, nakakaintindi na po ako, pero kahit kailan, hindi magiging hadlang ang itsura ko para hindi ko maabot ang pangarap kong maging artista.”
Kahit siya, nagulat sa mga sinabi ng kaniyang anak. Ang buong akala niya’y wala nang nangungutya rito sa lugar nila, ngunit mayroon pa rin pala. Laking tuwa niya nang gamitin itong inspirasyon ng kaniyang anak upang lumaban sa buhay.
Tuluyan na ngang sumikat ang kaniyang anak at ang mga taong dati’y nangungutya rito, pilit gumagawa ng paraan ngayong upang makapagpalitrato rito.
Ganoon na lang ang kasiyahang nararamdaman niya dahil hindi niya lubos akalaing darating ang oras na ito na maraming tao ang makakakita ng kagandahan sa kaniyang anak.