Inday TrendingInday Trending
Ikinahihiya Niya ang Ina dahil Tindera Ito sa Palengke; Paano kung Matuklasan Ito ng Lalaking Gusto Niya?

Ikinahihiya Niya ang Ina dahil Tindera Ito sa Palengke; Paano kung Matuklasan Ito ng Lalaking Gusto Niya?

Malaki ang ngiti ni Ellie habang ipinagmamalaki niya ang kanyang bagong cellphone sa mga kaklase. Kitang kita niya ang pagkamangha sa mukha ng mga ito.

“Ang ganda naman ng bago mong cellphone, Ellie! Pahiramin mo kami minsan, ha!” Bakas ang inggit sa mukha ni Risa, isa sa kanyang mga kaklase, habang maingat nitong sinusuri ang makinis niyang cellphone.

Labis ang tuwa si Ellie dahil sa atensyon na kanyang nakukuha mula sa mga kaklase.

“Magpabili na lang kayo sa mga magulang niyo!” pagdadamot ni Ellie sabay higit sa bago niyang cellphone upang kumuha ng mga litrato.

“Hindi ganoon kadali ‘yon, ‘no. Mahal ang presyo ng cellphone ngayon. Saka gumagana pa naman yung sa akin kaya pagta-tiyagaan ko na lang muna,” malungkot na wika ni Risa.

“Maganda siguro talaga ang trabaho ng magulang mo ‘no?” sabat ng isa pa niyang kaklase, si Marsha.

Saglit na natigilan si Ellie bago ngumiti. “Oo naman. Makakabili ba ako ng ganito kung hindi?” pagmamayabang niya.

Tumango-tango lamang ang mga kaklase niya habang hindi pa rin napupuknat ang tingin ng mga ito sa kanyang cellphone.

“Mamat*y kayo sa inggit!” sigaw ng isip ni Ellie habang natutuwang minamasdan ang pananaghili ng kanyang mga kaklase.

Pagkauwi ni Ellie galing sa eskwelahan ay may nakahanda ng pagkain sa lamesa.

Nakita niya ang note na iniwan ng nanay niya na nagsasabing baka gabihin ito dahil mahina ang benta ng kanilang tindahan sa palengke kaya’t e-ekstra lamang ito sa ilan pang maliliit na trabaho sa palengke.

Mayroong maliit na pwesto ang kanyang nanay sa palengke, at doon ito nagtitinda ng mga gulay, prutas, at kung ano ano pa.

Hindi totoo ang sinabi niya sa mga kaklase na maayos at malaki ang kita ng kanyang nanay. Sa totoo lang, ang kita nito ay sapat lamang upang mabuhay silang mag-ina.

Gusto kasi ni Ellie na siya ang pinakamataas at pinakasikat, ayaw niya ng nalalamangan siya kaya’t nahihiya siya na sabihin ang totoong trabaho ng kanyang nanay.

Hindi naman ito problema kay Ellie dahil hindi kailanman ng nagkulang ang kanyang nanay sa pagbibigay ng kanyang pangangailangan.

Lahat halos ng kailanganin niya ay naibibigay ng kanyang ina kahit pa mag-isa lamang ito. Sinisiguro niya naman na hindi mabibigo ang kanyang ina sa pagpapaaral sa pagatatguyod sa kanya dahil nag-aaral siya nang mabuti.

Dalawa lamang sila ng kanyang nanay na magkasama sa buhay. Simula’t sapul ay hindi niya nakilala ang kanyang ama.

“Anak, kumain ka na ba?” agad na usisa ng kanyang ina nang dumating ito.

“Opo, mama. Bakit ngayon lang po kayo?” nagtatakang tanong ni Ellie sa ina.

“Ah, madami kasing inaasikaso sa tindahan. Anak, baka naman maaari mo akong tulungan sa tindahan kapag wala kang masyadong ginagawa?” nag-aalangang tanong ng kanyang ina.

Natigilan si Ellie. Hindi naman kasi alam ng kanyang ina na ikinahihiya niya ang kabuhayan nito.

“Naku, mama. Pasensiya na po, marami po talaga akong ginagawa sa school,” pagsisinungaling ni Ellie.

Nakakaunawang tumango ang kanyang ina. “Anak, walang problema. Mag-focus ka sa pag-aaral, maghahanap na lang ako ng maaaring makatulong sa akin.”

Kinabukasan, isang masiglang atmospera sa kanilang silid aralan ang bumungad kay Ellie.

“Ellie! Tingnan mo, yung lalaki ang gwapo!” nagtititiling wika ni Arci, isa sa kanyang malalapit na kaibigan.

Pinukol niya ng tingin ang lalaking tinutukoy ng kanyang mga kaklase at napansin na gwapo nga ito. Hindi niya pa ito nakita dati.

May kumislot sa dibdib ni Ellie nang magtama paningin nila ng lalaki. Isang simpleng ngiti ang iginawad nito habang mabilis naman na nag-iwas ng tingin si Ellie.

“Ellie! Nginitian ka niya! Ang haba haba talaga ng hair mo!” kinikilig na pambubuska ni Arci.

Transferee pala ang lalaki kaya hindi pa niya ito nakita dati.

Dahil sa pambubuska ng mga kaklase ay nakilala niya ang gwapong transferee na si Jay. Lumipas ang mga araw at linggo at naging malapit na magkaibigan ang dalawa.

Madalas ay sabay silang umuwi dahil parehas ang kanilang daan pauwi.

Talagang nagustuhan ni Ellie si Jay dahil sa pagiging matalino at mabait nito.

Napakasipag din ng lalaki. Nabanggit kasi nito na may papasukan itong trabaho na pansamantala lamang.

“Ang swerte swerte mo nga, Ellie. Mayaman ka, maganda, at matalino. Hindi mo na kailangan pang magtrabaho para lang makapag-aral.” Iyon ang madalas sabihin sa kanya ni Jay.

Mahahalata ang namumuong pagtitinginan ng dalawa sa isa’t isa ngunit alam nila kung ano ang dapat unahin, at iyon ay ang kanilang pag-aaral.

Isang hapon ay nabanggit ni Jay na naiwanan nito ang libro nito kung saan ito nagtatrabaho kaya naman kinailangan nilang dumaan doon.

Habang papalapit ng papalapit ay nagiging pamilyar ang daan na kanilang dinadaanan, papunta pala sila sa palengke ng bayan.

Kinakabahan si Ellie dahil baka makita nila ang kanyang nanay. Hindi pwedeng malaman ng taong kanyang nagugustuhan na ang nanay niya ay nagtitinda lang sa palengke.

Sa wakas ay nakarating sila sa pwesto kung saan nagtatrabaho si Jay.

Laking gulat ni Ellie ng makita ang pamilyar na tindahan, ang tindahan ng kanyang nanay!

Si Jay pala ang nahanap ng kanyang ina na katu-katulong nito sa pagtitinda.

Nagkatitigan ang mag-ina na parehas ay nanlalaki ang mga mata. Nagsalitan ang pagdapo ng tingin ng kanyang nanay kay Ellie at kay Jay, siguro ay nagtataka kung bakit magkasama ang dalawa.

Hindi nagsalita si Ellie, iniwas ang tingin sa ina. Tila naman naunawaan nito ang gusto niyang mangyari.

“J-jay, hijo, wala namang trabaho, bakit ka nandito? At sino iyang kasama mong magandang babae, nobya mo ba?” nakangiting usisa ng kanyang ina.

“Naiwan ko po kasi ang libro ko dito, kukunin ko lang po sana,” nahihiyang sambit ni Jay saka ito pumasok sa looban ng tindahan.

Naiwan ang mag-ina sa labas ng tindahan.

“Huwag kang mag-alala, anak, wala akong sasabihin kay Jay. Siya ba ang nagugustuhan mong lalaki?”

Malawak ang ngiti ng kanyang ina subalit kitang kita niya ang lungkot sa mga mata nito. Tila dinurog ang puso ni Ellie.

Akmang magsasalita si Ellie nang may dumating na mamimili.

Sakto namang dumating si Jay bitbit ang libro nito.

“Tara na?” yaya nito.

Nagpaalam na ito sa kanyang ina na abala na sa pagbebenta sa mga namimili. Paalis na sila nang may marinig silang isang sigaw.

“Ano ba! Bilisan mo naman at nagmamadali ako! Babagal bagal ka diyan!” sigaw ng isang babae.

Marahas na napalingon si Ellie sa pinaggalingan ng boses. Nakita niya ang kanyang ina na nakayuko habang sinisigawan ng isang mamimili.

Ito pala ang buhay na araw araw ay kinakaharap ng kanyang ina para maitaguyod siya. Humapdi ang kanyang puso nang maalala kung paano niya ikinahiya ang trabaho nito.

Tila may sariling buhay ang kanyang paa na naglakad papunta sa kinaroroonan ng kanyang ina.

“Ate! Kung nagmamadali ka ay mamalengke ka nang maaga! ‘Wag mong sigawan ang mga tao dito! Wala kang karapatan sigaw-sigawan ang nanay ko!” mataray na sigaw niya pabalik sa babae.

Nagulat naman ang babae at nagdadabog na naglakad palayo.

“Ellie! Bakit mo naman ginawa iyon? Mababawasan na ang mga mamimili ko niyan,” nakangiwing wika ng kanyang ina.

“Hay naku mama! ‘Wag mo nang bentahan ang mga matataray na ganun!” naiinis na wika ni Ellie.

“Naku, napakaswerte mo naman sa anak mo, napakaganda na ay mahal na mahal ka pa.” Natutuwang wika ng isa sa mga namimili.

Nagkatawanan sila. Niyakap naman si Ellie ng kanyang ina.

Ngunit nanlaki ang mata ni Ellie nang may maalala. Si Jay!

Nakita niya ang lalaking laglag ang panga, tila gulong gulo sa mga nangyari.

Inamin niya sa lalaki na hindi katulad ng alam ng lahat, tindera sa palengke ang kanyang ina.

Sa kanyang pagkagulat ay maluwag sa dibdib na tinanggap iyon ng lalaki.

“Napakaswerte ng mama mo sa’yo. Hindi ka nagdalawang-isip na ipagtanggol siya.” Maya maya ay komento ng lalaki.

“Ako ang maswerte sa kanya, Jay. Hindi ako ganito ngayon kung hindi dahil kay mama. Nahihiya ako sa sarili ko dahil ikinahiya ko siya,” wika niya sa lalaki.

Simula noon ay hindi na namuhay sa pagpapanggap si Ellie. Natuto na siya na hindi niya dapat ikahiya ang kanyang ina, ang taong nagluwal sa kanya sa mundo, ang nag-iisa niyang kasangga sa buhay.

Advertisement