Inday TrendingInday Trending
Isang Ama ang Sumabak sa Peligroso Nitong Trabaho; Matupad pa kaya Nito ang Nag-iisang Hiling ng Anak?

Isang Ama ang Sumabak sa Peligroso Nitong Trabaho; Matupad pa kaya Nito ang Nag-iisang Hiling ng Anak?

“Anak. Halika dito. Aalis na si papa, o,” tawag ni Beatrice sa kanyang anak na si Alyssa. Nagmumukmok kasi ito dahil tapos na ang bakasyon ng kanyang asawa. Ngayong araw ay babalik na ito sa trabaho at siguradong matagal muli bago sila magkita.

“Hayaan mo na ang bata at talagang nagtatampo yata,” sabi ng asawa. Bumuntong-hininga na lamang siya at inayos ang unipormeng suot nito.

Maging siya ay malungkot sa nangyayari. Sa tuwing aalis dito ay hindi niya maiwasan ang mag-alala dahil alam niya kung gaano ka-delikado ang trabaho nito.

Hindi rin naman niya maaaring sabihin ito na tumigil na sa pagiging sundalo dahil alam niyang mahal nito ang trabaho at gusto nitong maglingkod sa bayan.

Kaya kahit na nakakatakot ay sinusuportahan niya na lang ang asawa at nananalangin ng taimtim.

“Mag-ingat ka doon ha at umuwi ka rito ng ligtas,” paalala niya.

Tumango ito at ngumiti bago siya hinalikan sa noo. Binuhat na nito ang mabigat nitong bagahe. Sampung buwan itong mawawala. Sampung buwan na naman.

“Oo naman. Tatawag ako palagi kaya ‘wag ka na mag-alala masyado.”

Aalis na sana ito nang biglang sumigaw si Alyssa mula sa kwarto. Dali-dali itong tumakbo palabas ng kwarto at umiiyak na yumakap sa kanyang ama.

“Papa, kailan ka uuwi?” Nagkatinginan ang mag-asawa.

Ito ang mahirap sa tuwing aalis ito dahil talagang iniiyakan ito ng anak.

Lumuhod pa si Arnold para kausapin ang anim na taong gulang na anak. “Sandali lang mawawala si papa, ‘nak. Ilang tulog lang. Pag pasko na, andito na ako sigurado.”

Ngumuso ito. “Pag pasko? Malapit na ba ang pasko, mama?”

Magtatapos pa lang ang Pebrero kaya matagal pa ngunit tumango na lang siya para hindi ito na ito umiyak pa.

“O, ‘di ba? Kaya ‘wag ka nang umiyak. Papasalubungan kita ng maraming-marami. Anong gusto mo?” Sandali itong nag-isip bago tumakbo muli sa kwarto.

Pagkalabas ay ibinigay sa kanya ang isang maliit na papel na pinunit nito sa isang notebook at may mga sulat gamit ang krayola.

“Ito ang gusto kong pasalubong, papa.” Ngumiti ito at tinupi iyon bago inilagay sa kanyang bulsa. Hinalikan nito ang anak bago ito tuluyang umalis.

Tumatawag naman ang kanyang asawa nang madalas kaya kahit sandaling oras lang sila makapag-usap ay ayos na.

Tumatawag ito kapag libre ang oras nito at maganda ang signal mula sa kampo kung saan ito namamalagi.

“Malapit na ba ang pasko, mama?” Iyan lagi ang tanong ni Alyssa sa kanya. Halos-araw araw siya nito kung tanungin. Sabik na muling makasama ang kanyang ama.

Masuyo niyang hinaplos ang buhok ng anak na abala sa pagdo-drawing. “Malapit na, anak.”

Totoo iyon. Nobyembre na ngayon kaya isang buwan na lang ang kanilang inaantay.

Tinignan niya ang drawing nito at nakita niya na isa iyong larawan ng pamilya. Ang pamilya nila dahil nakasuot pa ng pang-sundalong uniporme ang tatay.

“Papakita ko ito kay papa pag-uwi niya.”

Tumango siya at ngumiti. Binuksan muna niya ang TV para manood. Balita ang palabas at ayon dito ay may mga terorista raw na nakikipagsagupa ngayon sa mga sundalo.

Nagpakita rin sila ng mga video mula sa lugar at rinig ang lakas ng barilan na nangyayari.

Agad na umahon ang kanyang kaba. Kahit na alam niyang nasa ibang lugar nakadestino ang asawa ay hindi pa rin matigil ang agresibong pagtahip ng kanyang dibdib.

Kinuha niya agad ang cellphone para tumawag rito, agad naman itong sumagot.

Para siyang naupos na kandila ng ibang tao ang sumagot para sabihing “Naiwan po ni Tenyente ang cellphone niya, e. Pinadala po kasi sila doon para magback-up.”

“Pwede ba siyang makausap?” Nanginig ang kanyang boses.

“Hindi pa sa ngayon, ma’am. Medyo magulo pa po kasi doon at nahihirapan kaming mag-contact pero babalitaan ka po naming kapag humupa na ang gulo.”

Hindi niya alam ang gagawin. Alam niyang kasama ito sa trabaho nito ngunit hindi siya mapalagay.

Namumutla siya at mukhang napansin ni Alyssa ang kanyang hitsura kaya ito nagtanong kung ayos lang ba siya.

Tumango siya at isinara ang TV. Hindi niya maaaring sabihin rito ang nangyayari dahil tiyak na mag-aalala ito ng husto.

“Ayos lang si mama. Medyo masakit lang ang ulo ko.” Hindi siya makatulog ng maayos tuwing gabi dahil nag-aantay siya ng balita. Araw-araw siyang nakatutok sa telebisyon.

Ang sabi ng nakausap niya ay babalitaan siya nito ngunit halos tatlong linggo na ang lumipas ay wala pa rin.

Unti-unti ay nawawalan na siya ng pag-asa lalo na noong ibinalita na maraming miyembro ng pwersang militar ang nagtamo ng matinding pinsala at binawian ng buhay. Hindi nga lang alam kung sino-sino.

“Mama, tingnan mo. Pasko na. Uuwi na si papa.” Mula sa bintana ay itinuro ng anak ang mga pamaskong ilaw ng kapitbahay.

Nangilid ang kanyang luha sa posibilidad na hindi na ito makakauwi sa kanila. Ilang araw na lang ay pasko na. Kung tutuusin ay dapat nakauwi na ito ngayon.

“Anak. May sasabihin si mama.” Lumapit siya rito at hinawakan ang kamay ng anak.

“Baka hindi pa makakauwi si papa.” Hindi niya sinabi na maaaring hindi na kahit kailan kahit wala na siyang pag-asa. Hindi niya kayang durugin ang puso ng anak. Nangilid ang luha nito at umiyak ng umiyak ng araw na iyon.

Sumapit ang pasko at kahit na sobrang lungkot ay pinilit niya pa rin na maghanda kahit papaano. Para sa anak.

“Anong ginagawa mo diyan? Kumain na tayo. Nagluto ako ng paborito mo.” Tanong niya sa anak na nakaupo lang sa may pinto at yakap ang kanyang manika.

“Inaantay ko po si papa.” Lumapit siya rito at pinilit na pumasok sa loob ng bahay ngunit hindi man lang ito nagpatinag kaya siya na rin ang sumuko at umupo sa tabi nito. Malamig ang hangin na yumayakap sa kanilang mag-ina.

“Nangako sa akin si Papa na ibibigay niya ang regalo ko.” Hinarap niya ito. “Alyssa. Sinabi ko na sa iyo ‘di ba? Hindi makaka–”

Naputol ang kanyang sasabihin nang tumakbo ito patungo sa labas. Yumakap ito sa isang lalaki at natulala siya nang makita ang asawa sa kanyang harap. Nangilid ang kanyang luha at maging siya ay tumakbo para yumakap.

“Sabi ko sa’yo, mama. Tutuparin ni papa ang pangako niya at ibibigay niya ang regalo na gusto ko.”

Nagtaka siya sandaling at tumingin sa paligid. Wala naman itong hawak na regalo. Kinuha ni Arnold ang isang papel mula sa bulsa nito at iniabot sa kanya.

Nang basahin niya ang nakasulat sa papel ay nalaman niya agad na ito ang ibinigay ni Alyssa bago ito umalis.

“Papa, ang regalo na gusto ko sa pasko ay hindi laruan o damit. Sana ay umuwi ka rito nang ligtas.”

Nangilid ang luha niya at niyakap ang anak. Hindi akalain na ito ang hiniling nito. Sa mura nitong edad ay alam na nito na ang pamilya ay mahalaga higit pa sa materyal na bagay.

Masaya silang pumasok sa loob ng bahay para kainin ang pagkaing handa para sa araw ng Pasko.

Ikinuwento ng asawa ang lahat ng nangyari, natamaan din daw ito ng bala sa may tiyan.

“Akala ko talaga iyon na ang katapusan ko, tapos ay nakita ko bigla ang isinulat ni Alyssa. Lagi iyong nasa bulsa ko. Naisip ko hindi ko maaaring biguin ang aking anak. Kailangan kong tuparin ang kanyang hiling,” sabi nito at ngumiti.

Labis ang kaniyang pasasalamat sa Diyos, dininig Nito ang kanilang dasal. Hindi sila Nito pinabayaan.

Higit sa lahat, tinupad nito ang nag-iisang hiling ng kanilang anak. Ang makauwi ang kanilang padre de pamilya nang ligtas.

Advertisement