Inakala Niyang Hindi na Siya Makakapamuhay nang Normal Dahil sa Kapansanan; Ngunit may Plano pala ang Tadhana
Ipinanganak na may diperensya sa katawan si Lysette, mas maliit siya kumpara sa ibang tao. Isa siya sa mga tinatawag na “unano.”
Sa kanilang buong pamilya ay siya lamang ang may ganoong kalagayan.
Dahil sa kalagayan niya na iyon ay marami na siyang napagdaanan sa buhay.
Sa kanyang paaralan noong elementarya ay palagi siyang tinutukso ng kanyang mga kaklase, noong high school naman ay medyo nabawasan ito ngunit may iilan pa ring nanunukso sa kanya.
Matapos ang high school ay pansamantalang hindi nakapagpatuloy sa pag-aaral si Lysette dahil hindi na sila kayang pag-aralin ng sabay ng kanilang ina at ama.
Dahil sa personal na kadahilanan ay nagsakripisyo si Lysette upang mapag-aral ang kanyang kapatid. Ang katwiran niya, mas madaling makakahanap ng trabaho si Lily dahil maganda ito at normal. Hindi kagaya niya.
“Ate Lysette, lumabas ka na sa kwarto mo. Kain na,” narinig ni Lysette ang malambing na boses ng kanyang nakababatang kapatid na si Lily.
Naramdaman na naman ni Lysette ang pagseselos dahil sa kanyang kapatid. ‘Di katulad niya ay para bang perpekto ang kanyang kapatid, maganda ito at matangkad. Higit sa lahat, napakabait nito.
“Mamaya na ako kakain,” matamlay na sagot ni Lysette.
“Sige na ate, lumabas ka na diyan at kumain na tayo,” pagpupumilit pa ng kanyang kapatid.
Medyo nainis si Lysette sa pagpupumilit ni Lily.
“Sinabi nang mamaya na, eh!” ‘di sinasadyang napasigaw si Lysette sa kanyang kapatid.
Ilang segundo pa ang lumipas ng makarinig si Lysette ng mga yapak na palayo sa kanyang kwarto.
Hindi maiwasan ni Lysette na mainis sa kanyang sarili dahil umiral na naman ang kanyang pagkainggit sa kanyang kapatid kaya nasigawan niya ito.
Naisip niya na wala siyang karapatan na gawin iyon dahil hindi naman nagkulang sa maayos na pagtrato ang kanyang kapatid.
Palagi itong mabait sa kanya at nalalapitan niya ito sa oras ng problema. Isa pa, hindi naman nito kasalanan na ganoon siya pinanganak.
Nagsisi si Lysette sa ginawa kaya agad na rin siyang bumaba. Sa totoo lang ay gutom din siya at gusto niyang kumain.
“Sorry,” bulong ni Lysette sa kapatid pag-upo niya na sinagot naman ni Lily ng matamis na ngiti.
Natutuwa si Lysette sa kapatid niya dahil palagi siya nitong inuunawa at inaalala.
“Lysette, anak, malapit na ang pasukan. Maaari ka ng mag-aral kasabay ng kapatid mo.” Maya maya ay pagbubukas ng kanyang ama sa usapan.
“Hindi mo naman kailangan ipaalam sa school na magkapatid tayo, Lily,” nakayukong wika ni Lysette. Ayaw kasi niya na tuksuhin ang kapatid dahil sa kanya.
“Ate ‘wag mo naman sabihin iyan. Basta kapag may kailangan ka sabihin mo lang sa akin at tutulungan kita,” nakangiting sabi ni Lily sa kanya.
Lahat ay napangiti sa kanilang kamahal-mahal na bunso. Napakabait talaga nito.
Kinagabihan, muling ginawa ni Lysette ang bagay na gusto niya at kung saan siya magaling, ang pagkanta.
Ang pagkanta lamang ang nagpapasaya kay Lysette at dito niya nararamdaman na hindi siya kakaiba.
“Papanoorin mo na naman ako?” tanong ni Lysette sa kapatid ng pumasok ito sa kanyang kwarto at umupo sa kama.
Nakangiting tumango lamang ito at naghintay sa pagsisimula ng kapatid.
Isang napakagandang tinig at bumalot sa kwarto. Si Lily naman ay napapikit na tila ipinaghehele ng anghel.
Hindi makakailang napakagaling ni Lysette larangan na iyon at halatang gustong gusto nito ang ginagawa.
Nang matapos ang kanta ay natutuwang pumalakpak ang kanyang kapatid, bagay na nagpatawa sa sa kanya. Ang kapatid niya talaga ang number one niyang tagahanga.
Ilang kanta pa ang kanyang inawit bago sila tinawag ng kanilang nanay upang kumain ng hapunan.
Kinabukasan, dahil sweldo ng kanilang tatay ay napagdesisyunan nila na pumunta sa malapit na perya.
“Kayo na lang po, ‘pa,” malungkot na sabi ni Lysette matapos marinig ang balita saka siya lumakad papasok sa kanyang kwarto.
Tiyak na maraming tao sa perya at pagtitinginan na naman siya ng mga ito, bagay na ayaw na ayaw niya dahil tila napapahiya rin ang kanyang pamilya dahil sa kanya.
“Sige na ate. Gusto ko lang naman na kumpleto tayo,” malungkot na pakiusap ng kanyang nakababatang kapatid.
Mukhang paiyak na ang kanyang kapatid. Naisip din ni Lysette na siguro ay oras na para lumabas siya sa kanyang kwarto. Isang gabi lang naman ito at kung maaari ay hindi na mauulit pa.
Ninenerbyos man ay pumayag siya para sa kapatid. “Sige na nga. Basta mabilis lang tayo, ha.”
Nang makarating sila sa perya ay napakarami ngang tao gaya ng inaasahan, ngunit tinibayan ni Lysette ang kanyang loob.
Ramdam niya ang tingin sa kanya ng mga tao ngunit wala siya pakialam doon dahil kasama niya naman ang kanyang pamilya.
Pagkatapos nilang mag-enjoy sa mga rides ay napahinto sila sa harap ng isang entablado. Nagulat siya dahil ang mga nagpapakitang gilas ay mga taong may kapansanan – pero hindi iyon naging hadlang para magkararoon ang mga ito ng magandang pagtatanghal.
Namangha si Lysette sa kanyang nakikita, hindi lamang siya kundi ang lahat ng tao. Hindi alam ni Lysette kung bakit ngunit para bang may apoy na sumiklab sa kanyang puso.
Doon napagtanto ni Lysette na sila ay hindi dapat nagkukubli sa dilim, dapat ay ipinapakita nila ang kanilang mga talento sa kabila ng mga panunukso na ibinabato sa kanila.
“Gusto ko ring maging katulad nila.” Hindi namalayan ni Lysette na nasabi niya iyon nang malakas, dahilan upang marinig ng kanyang pamilya.
Ilang oras pa ang lumipas at natapos na ang pagtatanghal. Hindi namalayan ni Lysette na malalim na pala ang gabi.
“Mukhang nag-enjoy ka anak.” panunukso ng kanyang tatay. Napangiti lamang siya sa kanyang tatay.
Dala dala niya ang ngiting iyon hanggang sa pagtulog niya nang gabing iyon.
Ilang linggo pa ang lumipas at ilang beses pa silang pumunta sa perya upang mapanood ang pagtatanghal.
Buo ang loob ni Lysette nang magtanong sila kung naghahanap ba sila ng bagong magtatanghal.
Sa kabutihang palad ay sinabi nito na pwede daw siyang magtanghal sa entablado at babayaran siya nang malaki kapag nagustuhan ng mga tao ang kanyang pagtatanghal.
“Huwag kang kabahan ate, napakagaling mo kaya!” Pilit na pinapakalama ni Lily ang kanyang ate dahil ito ang una niyang pagtatanghal.
“Magaling ako, sobrang galing ko,” mahinang bulong ni Lysette sa sarili.
Lumakas ang kanyang loob lalo pa at nandito rin ang kanyang pamilya upang suportahan siya.
Pilit niyang pinalis ang kaba nang makitang napakaraming tao ang nanonood.
Nang magsimulang kumanta si Lysette at natahamik ang lahat.
Halos manindig ang balahibo ng mga nanonood dahil talagang napakaganda ng kanyang tinig. Nang matapos ang kanta ay masigabong palakpakan ang ibinigay ng lahat kay Lysette. Yumuko muna siya sa mga tao saka taas noong umalis sa entablado.
Sinalubong agad siya ng yakap ng kanyang pamilya at inulan siya ng papuri mula sa mga kapwa niya nagtatanghal.
Dahil sa nadiskubre na bagong lakas ng loob ay nagdesisyon na rin si Lysette na pumasok sa eskwelahan kasama ang kanyang kapatid.
Naging regular na rin siya sa pinagtatrabahuhan at nagkaroon ng iba pang raket dahil sa kanyang talento sa pag-awit. Nagkaroon din siya ng maraming kaibigan. Wala na siyang mahihiling pa.
Mabuti na lamang at maagang napagtanto ni Lysette na hindi hadlang ang kahit na anong kapansanan upang makamit niya ang tunay na kaligayahan.