Inday TrendingInday Trending
Ibinigay ng Binata ang Natitira Niyang Pera sa Isang Matanda; Nagkamali Pala Siya ng Akala

Ibinigay ng Binata ang Natitira Niyang Pera sa Isang Matanda; Nagkamali Pala Siya ng Akala

Uwian na naman. Tirik na tirik na ang araw nang lumabas si Joshua sa eskuwelahan.

Tinatahak niya ang daan papunta sa terminal ng jeep at tagaktak na ang pawis ng labing pitong taong gulang na binata. Wala pa man din siyang dalang payong. Sumilong muna siya sa isang waiting shed, nang mamataan niya sa ‘di kalayuan ang isang matanda na nagkakalkal ng basura.

Nilapitan ni Joshua ang matanda, at pagkatapos ay tinanong.

“Ano po’ng hinahanap ninyo diyan?” aniya.

“Pagkain, Hijo. Palagi kasing itinatapon dito ng mga naghihintay riyan sa waiting shed ang mga tira nilang pagkain,” sagot naman ng matanda nang nakangiti.

“Naku! Marumi na ho iyan, e!” pagpipigil ni Joshua rito. Napapakamot pa sa ulo ang binata. “Nagugutom ho ba kayo?” tanong pa nito at kinapkap ang sariling bulsa nang walang pagdadalawang isip.

“Ah, lolo, ito ho. Bumili na lang ho muna kayo ng pagkain. Pasensiya na ho at isang daan na lang ang pera ko, e. Pero baka ho kasya na ’yan sa inyo,” nakangiting sabi niya sa matanda habang iniaabot ang kahuli-hulihan niyang pera. Napagpasiyahan niyang maglalakad na lamang siya pauwi.

“S-sigurado ka ba, Hijo?” tila nagulat ang matanda sa kaniyang ginawa. Nakatitig ito sa isang daang pisong iniaaabot niya rito na tila hindi makapaniwala.

“Oo naman ho. Sige na ho, maghugas na kayo ng kamay at bumili na lang ng malinis na pagkain,” sabi niya bago siya nagpaalam at tumalikod upang umpisahan ang paglalakad.

Walang pagsisisi si Joshua kahit pa napakainit ng kaniyang dinaraanan. Lakad lang siya nang lakad. Magaan ang kaniyang pakiramdam dahil natutuwa siyang natulungan ang matanda. Lubos kasi talaga siyang naawa rito nang makita niya ito kanina. Naalala niya ang kaniyang kinalakhang lolo’t lola. Hindi niya kakayanin kung ang mga ito ay makikita niya sa ganoong sitwasyon.

Lampas na ng tanghalian nang makauwi si Joshua sa kanila. May kalayuan din kasi ang eskuwelahan sa kaniyang tinitirahan kaya’t inabot din siya ng isang oras sa paglalakad.

Pag-uwi niya’y sinalubong siya ng kaniyang lolo at lola nang nakangiti. Nagtataka naman niyang tiningnan ang mga ito habang sa kanila ay nagmamano.

“Bakit ang saya n’yo po, lolo, lola?” nagtataka ngunit nakangiting tanong niya.

“E kasi, napakabuti mong bata, apo,” sagot naman ng kaniyang lola na maluha-luha pa siyang niyakap.

“Alam mo bang hindi naman isang pulubi iyong matandang tinulungan mo kanina? Iyon ang ama ng may-ari ng lupang kinatitirikan ng bahay natin, apo,” dagdag pang sabi ngg kaniyang lolo na agad namang ikinagulat ni Joshua.

“Ho?!” Napakamot siya sa kaniyang ulo. “E, bakit ho siya nangangalakal ng pagkain doon sa basurahan sa may waiting shed?” kunot noong tanong pa ng binata.

Nagulat siya nang biglang lumitaw mula sa likuran ng kaniyang lolo at lola angg matandang tinulungan niya kanina!

“E kasi, naroon ako kanina upang magbigay ng mga pagkain sa mga batang kalye, hijo. Ang kaso, palagi pa rin silang naghahalukay ng maruruming pagkain sa mga basurahan doon kaya naisipan kong alisin ang mga iyon at itapon sa tamang lalagyan upang hindi naman malason ang mga makakakain n’on,” paliwanag nito.

“S-sorry po kung napagkamalan ko kayong pulubi, sir. Akala ko lang po kasi.” Nahihiyang napayuko pa si Joshua.

“Walang kaso iyon, hijo. Sa katunayan ay hindi ko akalaing makatatagpo ako ng batangg kasing bait mo habang tumutulong ako. Napahanga mo ako nang labis doon,” nakangiting anang matanda. “At dahil diyan ay nagpasya akong gantimpalaan ka at ang iyong lolo at lola para sa magandang pagpapalaki nila sa iyo…”

Inilabas nito ang isang papel mula sa hawak nitong envelope at sa harap nila’y pinirmahan nito iyon. Iyon pala’y isang pormal na kasulatang nagsasaad na ang lupang kinatitirikan ng kanilang bahay ay hindi na nila kailangan pang upahan, bagkus ay ipapangalan na sa kaniya!

Laking pasasalamat ni Joshua sa mabait na matandang iyon. Hindi niya akalaing nang dahil lamang sa pag-aabot niya ng isang daang piso ay magiging mas maayos ang kanilang buhay. Hindi na poproblemahin pa ng kaniyang mga lolo’t lola ang upa sa lupa. Bukod doon ay binigyan din sila ng panimulang kapital upang mabuksang muli ng kaniyang lola ang tindahan nitong matagal nang nagsara.

Tunay na iba ang nagagawa ng pagkakaroon natin ng malasakit sa kapwa. Ang buhay kasi ay puno ng himalang hindi natin aakalaing maaari nating maranasan sa simpleng mabuti lamang nating kawang gawa.

Advertisement