Inday TrendingInday Trending
Kulang ang Sukling Iniuwi ng Bata; Nagulat ang Ina nang Malaman kung Saan nito iyon Dinala

Kulang ang Sukling Iniuwi ng Bata; Nagulat ang Ina nang Malaman kung Saan nito iyon Dinala

“Saan mo dinala ang sukli?!”

Nanggagalaiti sa sobrang pagkainis si Celestine sa labing isang taong gulang na anak niyang si Makoy. Paano ba namaʼy kulang ang sukling iniuwi ng anak na inutusan niyang bumili lang ng toyo sa kalapit na tindahan.

Si Makoy naman ay napapakamot sa kaniyang ulo. Hindi alam kung magsasabi ba ng totoo sa kaniyang ina o hindi. Natatakot kasi siya dahil sa nakikitang galit nito kayaʼt hindi siya makapagsalita.

“Bakit ganiyan kang bata ka? Natututo ka nang mangupit!” Patuloy pa rin sa paninigaw si Celestine.

“Ano, sumagot kang bata ka kundi ay malilintikan ka sa akin. Bakit kulang itong sukling dala mo?” muli ay pagbubunganga ni Celestine sa anak.

“E kasi po, inay—” sasagot na sana si Makoy, ngunit naputol iyon nang biglang may kumatok sa kanilang pintuan…

“Kapitan?” gulat na nasambit ni Celestine nang mapagbuksan nito ng pinto ang kapitan ng kanilang barangay. “Naku, pasok ho. Napadalaw ho kayo?” pagkatapos ay takang tanong nito.

“Salamat, Celestine. Hinahanap lamang namin ang anak mong si Makoy,” sagot ng kapitan.

Biglang kinabahan si Celestine.

“Naku, bakit ho? May ginawa ho bang kalokohan ang anak ko? Pasensiya na po kayo!” taratang sabi pa ng ginang.

“Hindi, Celestine. Sa katunayan nga ay gusto kong bigyan ng pabuya ang anak mo. Napakaganda ng pagpapalaki mo sa kaniya!” masayang bulalas ng kapitan na ipinagtaka naman ni Celestine.

“H-ho? Ano pong ibig nʼyong sabihin?” nabibiglang tanong ng ginang sa kapitan.

“Iniligtas ng anak mo ang isang batang muntik nang masagasaan kanina, Celestine! Ganoon din ang uugod-ugod na matandang humahabol sa bata!” pagsisiwalat naman ng kapitan at napasinghap si Celestine sa nalaman!

“Kung hindi naging maagap ang anak moʼy malamang na nag-aagaw buhay na ngayon ang dalawa. Salamat at naroon siya mismo sa tindahan kanina. Iyon nga lang ay tumilapon ang perang dala niya. Hindi naman ba nagkulang iyon, Celestine?” tanong pa ng kapitan ngunit napanganga na lang ang ginang.

Nabigla siya sa narinig at napalingon sa anak na si Makoy.

“Inay, ʼyon po ang dahilan kung bakit kulang ang sukling naiuwi ko,” nahihiyang sabi pa ng bata.

Hindi pa man nakababawi sa pagkabigla si Celestine ay muli na siyang ginulantang nang magsalita ang lalaking nasa likod ng kapitan.

“Misis, gusto ko hong tumulong sa inyo. Gusto ko hong sagutin ang pag-aaral ni Makoy mula ngayong elementarya siya hanggang sa siya ay magkolehiyo. Magbibigay rin ho ako sa inyo ng tulong pinansyal para makapagsimula kayo ng negosyo. Gusto ko ho kasing suklian ang kabutihan ng anak nʼyo.”

Napag-alaman nilang ito pala ang ama ng batang sinagip ni Makoy kanina. Isang mayamang lalaking nagmamay-ari ng isa sa mga pribado at prestihiyosong eskuwelahan sa kanilang lugar.

Halos mapanganga na si Celestine sa mga narinig. Maluha-luha niyang tinakbo ang puwesto ng anak at niyakap ito nang mahigpit.

“Anak, patawarin mo si nanay. Hindi ko alam na ganoon pala ang nangyari!” hinging tawad niya sa anak.

Doon napagtanto ni Celestine na palagi na lamang pala niyang nasisigawan ang bata sa kakaunting pagkakamali lamang nito. Kung minsan nga ay hindi niya ito nabibigyan ng pagkakataong magpaliwanag man lang dahil palagi na lamang siyang galit.

Nagrereklamo siya sa kulang na sukling iniuwi ng anak niya, samantalang kulang din naman ang pagmamahal na ipinararamdam niya sa bata! Labis ang pagsisisi ng ina sa kaniyang mga nagawa.

Ganoon pa man ay mahigpit siyang niyakap ni Makoy. Wala itong ni katiting na tampo sa kaniya.

“Inay, hindi po baʼt sabi nʼyo, gusto nʼyo akong maging mabuting bata? Inay, tinulungan ko po ʼyong bata at matanda kanina. Hinila ko po sila nung nakita kong tatamaan kami ng motorsiklong nawalan ng preno. Ang galing ko po, inay, ʼno?”

Natawa si Celestine sa pagyayabang ng anak at ganoon din ang kapitan at ang ama ng batang tinulungan nito. Ngunit sang-ayon sila sa sinabi ni Makoy. Talaga ngang napakagaling ng bata sa ginawa nitong pagliligtas sa maglola!

Napabalita sa buo nilang barangay ang nangyari. Tumanggap ng parangal si Makoy pati na rin ng pabuyang ipinilit na ibigay ng pamilya ng batang sinagip niya. Labis ang paghanga ng marami sa bata.

Si Celestine naman ay mas nagpapakita na ng pagmamahal sa anak. Hindi na niya ito sinisigawan. Nangako siyang hindi na ulit gagawin iyon upang ang pagmamahal niyaʼy hindi na maging kulang.

Advertisement