Labis na Kinaiinggitan ng Babae ang Karibal Niya sa Pag-ibig; May Itinatago pala Itong Sikreto
Ang kagandahan ni Lilia ay malaanghel kung ituring ng mga taong nakakakilala sa kaniya. Bukod doon ay mabait, palakaibigan at magalang din kasi ang dalaga na talaga namang hinahangaan ng marami. Lagi siyang may ngiti sa mga labi sa tuwing makikita nila ito. Iyon siguro ang dahilan kung bakit tila hindi man lamang nadaragdagan ang kaniyang edad, lumipas man ang panahon gayong, halos malapit na siyang magtapos sa pagdo-doktor.
Dahil doon ay hindi na rin kataka-takang napakaraming kalalakihan ang nagkakandarapa sa kaniya. Pinipilahan, pinaglalabanan at minamahal siya ng mga ito nang sobra.
“Lilia!”
Nilingon ni Lilia ang boses na iyon ng lalaki nang tawagin siya nito habang naglalakad siya palabas ng campus. “Oh, Jake, ikaw pala,” nakangiting bati naman ni Lilia sa isa sa kaniyang masusugid na manliligaw na si Jake.
“Ako nga. Uuwi ka na ba? Hatid na kita?” sunud-sunod na tanong at alok ng nakangiting binata habang namumungay ang mga matang nakatitig sa magandang mukha ni Lilia. Halos tunawin nito sa mga titig niya ang dalaga.
Ngumiti si Lilia. Hindi na sumagot pa, bagkus ay nakangiting iniabot na lamang ang kaniyang mga dala-dalahan sa tagahanga. Buo ang tiwalang, magiging mas maayos ang kaniyang pag-uwi dahil ngayon ay ihahatid siya ng binatang kaniya rin namang hinahangaan.
Samantala, isang babae naman ang nagngingitngit ang kaooban sa di kalayuan habang nakatingin sa dalawang taong kaaalis lang. Si Anne na kaeskuwela rin ni Lilia at Jake.
Malaki ang inggit ni Anne kay Lilia. Palagi na lang kasi siya nitong natatalo sa lahat ng bagay. Sa pagandahan, sa talasan ng talino at ngayon nga ay maging kay Jake na kaniya nang minamahal, sa loob ng mahabang panahon.
Makailang ulit na napapadyak si Anne sa sahig. Naiinis niyang pinagmasdan ang lalaking minamahal na naglalakad palayo kasama si Lilia at lalong nagngitngit ang kaniyang kalooban dahil doon.
Sa ‘di malamang dahilan ay naisipan niyang sundan ang mga ito. Ang totoo ay gusto niyang hanapan ng ikasisira si Lilia kaya naman alerto siya sa bawat galaw nila.
Ngunit nadismaya siya nang sa terminal pa lamang ng jeep ay naghiwalay na ang mga ito. Mukhang magkaiba kasi ng ruta ang kanilang mga daraanan pauwi.
Hindi pa rin sumuko si Anne na hanapan ng butas ang pagktao ni Lilia upang masira niya ang imahe nito kay Jake. Sinundan niya ito hanggang sa bahay…
Nagulat si Anne nang mapag-alamang sa isang maliit at tagpi-tagping barong-barong lamang nakatira si Lilian, kasama ang mga lolo’t lola nito. Kung titingnan ang estado ng pamumuhay na mayroon ito ay masasabi niyang mahirap pa ito sa daga!
Hindi alam ni Anne kung bakit imbes na matuwa siya sa nalaman ay nakaramam siya ng labis na awa kay Lilian… na mabilis ding nabago at napalitan ng labis na paghanga nang masaksihan mismo ng kaniyang mga mata kung gaano ito kabait na apo!
Tila nakaramdam ng hiya si Anne sa kaniyang sarili. Ngayon ay naiintindihan na niya kung bait nagugustuhan ito ng napakaraming tao, kasama na roon si Jake.
Kaya naman nagdesisyon na sana siyang sa lisanin ang lugar na iyon, nang bigla siyang makarinig ng tila pagkakagulo sa bahay nina Lilian!
Kitang-kita ni Anne nang bumagsak ang dalaga sa sahig na tila nawalan ng ulirat. Dahil doon ay napatakbo siya sa mga ito upang tulungan ang dalawang matanda. Dinala nila si Lilian sa ospital at doon ay nalaman ni Anne na may sakit pala itong dinaramdam.
Napagtanto ni Anne sa kaniyang sarili ang labis na kamaliang nagawa niya. Kung tutuusin ay mas masuwerte pa rin siya kay Lilian ngunit nagagawa niya pang mag-imbot at mag-isip ng masama laban dito! Lalo pang tumaas ang paghanga niya sa dalaga, ganoon din ang awa, lalo na nang malaman niyang kailangan nito ng malaking halaga para makapagpagamot.
Upang makabawi ay gumawa ng paraan si Anne para makatulong. Agad siyang bumuo ng isang fund raising event para sa dalaga upang makalikom ng sapat na halagang kakailanganin nito at ng kaniyang lolo’t lola habang ito’y nagpapagamot.
Tuluyan nang nawala ang inggit sa puso ni Anne at napalitan iyon ng pagmamahal at bukal sa loob na pagkakawang gawa. Dahil doon ay nagsimula na rin siyang hangaan nang mas maraming tao.
Malaki ang pasasalmat ni Lilia sa kaniya dahil sa ginawa niyang pagtulong sa mga ito, ngunit…
“Mas malaki ang pasasalamat ko sa ’yo, Lilia,” ani Anne sa ngayon ay matalik niya nang kaibigan. “Ikaw ang nagturo sa akin na hindi ko kailangang maging kasing ganda o kasing talino mo upang makatulong ako sa ibang tao’t upang hangaan din nila ako. Isa kang inspirasyon at dahil doon ay maraming salamat.”
Isang yakap ang iginawad nila sa isa’t isa bago at pagkatapos ng matagumpay na operasyon ni Lilia.