Magkakasabay na pinagsaluhan ng pamilya nina Gina at Aurelio nang gabing iyon ang mainit na lugaw na siyang tanging napagkasya nilang lutuin mula sa natitira nilang pera. Ganoon pa man, pakiramdam nila ay iyon pa rin ang pinakamasarap nilang noche buena sa tanang buhay nila.
Binagyo na’y nasunugan pa. Nagkalat pa rin sa paligid ng kanilang tahanan ang sira-sirang mga kagamitang naipundar ng mag-asawa sa ilang taon nilang pagsisikap, ngunit nananatili ang pasasalamat nila sa Diyos dahil ligtas pa rin ang kanilang buong pamilya. Hindi katulad ng iba nilang mga kabaranggay na nawalan ng kabuhayan at ang malala’y pati ng mga mahal sa buhay.
“Merry christmas, mama at papa!” ang sabay at masayang bati sa kanila ng dalawa nilang magpagmahal na mga anak na hindi naman kababakasan ng panlulumo sa nangyari. Masigla pa rin ang mga ito dahil sa paniniwalang may pag-asa pa rin ang lahat dahil nananatili silang ligtas at sama-sama bilang isang buong pamilya ngayong darating na pasko.
Isang yakap ang iginawad sa kanila ng dalawang batang nagsisilbi nilang lakas sa kabila ng trahedya.
“Merry christmas, mga anak!” ganting bati naman ng mag-asawa.
Nasa ganoon silang akto nang may bigla na lamang kumatok sa kanilang pinto.
“Tao po, baka po maaaring makahingi kahit ng isang basong tubig lang, ipadedede ko lang ho sa anak ko, pakiusap!” anang tao sa likod ng pinutan habang kumakatok.
Nagkatinginan ang mag-asawa, pagkatapos ay dali-daling binuksan ni Aurelio ang pintuan.
Namataan nila ang isang marungis na babae habang karga ang anak nitong umiiyak na sa gutom. Basang-basa ito’t nanginginig na sa ginaw. Agad na nakaramdam ng awa ang mag-asawa para sa mga ito. Liblib kasi ang kanilang lugar at alam nilang matatagalan pa bago may dumating na tulong doon.
“Naku, halika’t pumasok ka sa loob!” ani Gina na noon ay tumayo na’t sinalubong ang babae. Pinahiram niya ito ng isa sa mga damit na nagawa nilang isalba mula sa sunog. Ganoon din ang anak nitong binalot nila sa makapal na kumot upang hindi lamigin.
“Kumain ka muna nang mainitan ang sikmura mo. Pasensiya ka na’t ’yan lang ang pagkain namin. Makakatulong sa iyo ’yan kahit papaano para magkagatas ka’t mapadede ang anak mo,” puno ng simpatyang sabi pa ni Gina na hindi nagdalawang isip na hatian sa kakarampot nilang pagkain ng kawawang kabarangay.
Umiiyak naman itong nagpasalamat at nagsimula nang kumain, ngunit hindi pa man ito nangangalahati ay may kumatok na naman sa kanilang pintuan.
“Baka may kaunti kayong makakain. Malalagutan na ako ng hininga dahil sa gutom, pakiusap, baka p’wedeng makahingi kahit kaunti lang.” Isang matanda namang lalaki ang ngayon ay kumakatok sa kanila upang humingi ng tulong.
Muli ay di nagdalawang isip ang pamilya na tumulong sa mga kabarangay na kapwa nila naapektuhan ng trahedya, hanggang sa mapansin iyon ng iba pang mga taong nagugutom sa labas. Isa-isang dinumog ng mga ito ang kanilang tahanan upang humingi rin ng makakain at walang pag-iimbot namang tinanggap sila ng pamilya nina Gina at Aurelio.
Hindi nila inalintana na baka maubos ang kakarampot na lugaw na kanila sanang kakainin hanggang bukas ng umaga. Ang mas inisip nila ay ang kapakanan ng kanilang mga kabarangay lalo’t pare-pareho naman silang nasalanta ng mga trahedya.
Ngunit umabot na yata sa ikasampung tao ang nanghihingi sa kanila ng pagkain at kataka-takang hindi pa rin nauubos ang kanilang lugaw! Bagkus ay tila hindi iyon nababawasan at nananatili pa ring mainit at masarap!
Muling nagkatinginan ang mag-asawa. Nag-usap ang kanilang mga mata na animo pareho sila ng iniisip na may nangyayaring himala sa kanilang handang lugaw ngayong noche buena.
“Merry Christmas, Gina at Aurelio. Salamat sa masarap n’yong lugaw. Talagang nabusog kami! Sana’y pagpalain kayo ng Diyos dahil sa mabuti n’yong puso,” anang isa sa kanilang mga tinulungang kabarangay.
“Ang totoo poʼy, ngayon pa lang, ipinagpapala na Niya tayo,” ang makahulugang saad naman ni Aurelio.
Nilubos-lubos na ng mag-asawa ang paghihimala ng kanilang handang lugaw at tumawag pa sila ng ibang tao sa labas upang ang mga ito ay makakain din. Umabot na sa higit dalawampung katao ang pinawi nila ang gutom sa pamamagitan ng kanilang naghihimalang lugaw.
Nag-uumapaw sa totoong diwa ng pasko ang buong tahanan ng pamilya nina Gina at Aurelio, kahit pa, halos tibagin iyon ng sunog at bagyo. Taimtim silang nagdasal at nagpasalamat sa Diyos, kasama ang mga taong humingi sa kanila ng tulong.
Mabilis na nakabawi ang pamilya nina Gina at Aurelio mula sa naturang trahedya. Bukod doon ay sunod-sunod din ang natanggap nilang biyaya na talagang ipinagpapasalamat nila sa Panginoon.
Nakakuha ng mas magandang trabaho si Aurelio. Dahil doon ay nakaipon sila ng kapital upang magsimula ng maliit na negosyo. Ang mga anak nila’y pawang mga iskolar at mabubuting bata.
Simula noon ay naging takbuhan na rin ng mga nangangailangan ang kanilang pamilya. Iyon ay bilang pasasalamat na rin sa bawat biyayang natatanggap nila.