Inday TrendingInday Trending
Tila Naghimala ang Langit sa Mabuting Binata; Tatlong Pirasong Pandesal ang May Kagagawan

Tila Naghimala ang Langit sa Mabuting Binata; Tatlong Pirasong Pandesal ang May Kagagawan

Kumalam ang sikmura ni Aljon dahil sa nadaramang matinding gutom. Lampas na kasi ang oras ng tanghalian ngunit hanggang ngayon ay wala pa rin silang sahod. Ni hindi naman libre ang kanilang pananghalian kahit pa nga, kamag-anak niya ang may-ari ng ginagawa nila ngayong sasakyan.

Simula nang mag-lockdown kasi ay pa-extra-extra na lamang si Aljon sa pagmemekaniko.

Walang kapera-pera ngayon ang binatilyo. Iniisip niya pa ang inang may sakit na ngayon ay nakaratay sa higaan. Kargong lahat ni Aljon ang lahat ng obligasyong naiwan ng kaniyang pumanaw na ama, kaya naman ngayon ay napipilitan siyang tipirin ang sarili para lamang may maipangtustos sa pamilya.

Tanging ang tatlong piraso ng pandesal lamang ang kaniyang baon. Ang totoo ay tira lamang iyon ng kaniyang ina kahapon. Ngunit para kay Aljon ay sapat na iyon at pwede nang panawid gutom.

Umupo si Aljon sa gilid ng kalsada upang doon kainin ang pandesal. Akmang isusubo na sana ni Aljon ang pandesal nang bigla niyang mamataan ang isang batang pulubing may inahalungkat sa basurahan habang hawak nito ang sariling tiyan.

“Bata, nagugutom ka ba? Halika, saluhan mo ako sa pagkain.” Inalok ni Aljon ang bata at bigla na lamang umaliwalas ang mukha nito.

“Kaya lang, tatatlong piraso lang itong pandesal, e. Sa iyo na lang ang dalawaʼt sa akin ang isa para mabusog ka kahit papaano. Susubukan kong humingi ng maiinom para sa atin,” sinsero pang sabi ni Aljon at nagtungo sa malapit na karinderya upang humingi ng maiinom.

“Maraming-maraming salamat po, kuya!” sabik na sabik pang saad ng bata nang may kinang sa kaniyang mga mata.

“Walang anuman ʼyon. Halika na, kain ka na.”

Nagsimula nilang lantakan ang tinapay habang nagkukuwentuhan.

“Wala po akong permanenteng bahay. Pagala-gala lang po ako sa kung saan-saan. Naghahanap ng matulunging mga tao,” wala sa loob na kuwento ng batang si Aljon. “Wala na rin po akong mga magulang o mga kapatid. Talaga lang pong mag-isa ako sa buhay,” dagdag pa nito.

“Ganoon ba? Kawawa ka naman pala.” Sa isip-isip ni Aljon ay mas masuwerte pa rin siya kaysa sa batang ito. Siya kasi, ay marunong nang magtrabaho para sa kaniyang sarili, samantalang ang batang ito ay hindi pa.

Sunod-sunod na sumubo si Aljon ng pinagpira-piraso niyang isang pandesal na ipinagtataka niyang hanggang ngayon ay hindi pa rin niya nauubos. Nagtataka man ay nagkibit-balikat na lamang siya’t muling tinanong ang bata.

“Nag-aaral ka man lang ba?”

“Hindi po, kuya, eh. Pero huwag po kayong mag-alala, dahil hindi ko naman po kailangan noon,” sagot naman ng bata.

Napakunot ang noo ni Aljon. “Naku, lahat ng bata, kailangang mag-aral para may marating sa buhay. Tingnan mo ako, kulang ang inaral ko kaya, heto, hanggang ngayon ay naghihintay pa rin ako ng himala,” may himig ng kalungkutang payo pa ni Aljon sa bata.

“Hayaan mo, manong… darating na ang himalang hinihintay mo,” ang nakangiti at tila siguradong-sigurado pang sabi ng bata kay Aljon.

Nawirduhan siya sa mga salitang namunutawi sa bibig ng batang sarap na sarap sa kinakain nitong pandesal na isa pang ipinagtataka niya dahil parang hindi iyon nauubos. Nabusog na nga lang siya bago pa niya naubos lahat ng butil ng pandesal na piniraso niya nang maliit kahit na iisa lamang naman talaga iyon. Nang matapos ang bata sa pagkain ay agad siya nitong tinapik sa balikat. “Maraming-maraming salamat po talaga, kuya. Hayaan moʼt isang malaking biyaya na po ang naghihintay sa iyo sa pag-uwi mo ng bahay mamaya,” sabi pa nito bago biglang tumakbo papalayo.

Sinubukang habulin ni Aljon ang bata ngunit bigla na lamang itong naglaho. Ang naiwan na lamang ay ang plastik na pinaglagyan niya ng baon niyang pandesal.

Nang makabalik sa trabaho si Aljon ay may sahod na sila. Nagulat pa nga siya dahil pinasobrahan pa pala ng kanilang bossing ang sahod, bilang pambawi raw sa delay. Nakabili tuloy ng masarap-sarap na pasalubong si Aljon para sa kaniyang ina at kapatid.

Malaki man ang kinita ngayon ay nag-aalala pa rin si Aljon na baka hindi pa rin sasapat iyon lalo’t kailangan niya pang ipa-check up ang ina sa doktor. Malaki pa ang bayarin nila sa inuupahang bahay, bukod pa ang kuriyente’t tubig.

Ngunit ganoon na lang ang gulat ng binatang si Aljon nang maabutang halos nasa labas na ang lahat ng kanilang gamit at isa-isa iyong hinahakot ng mga hindi niya kilalang lalaki!

“Ano ang nangyayari dito, Ara? Nasaan ang inay?” kinakabahang tanong ni Aljon noon sa kaniyang nakababatangg kapatid.

“K-kuya, ang inay po… nanalo sa raffle draw ang inay, kuya! May bahay at lupa na tayo!” nagtatalon si Ara habang hindi naman makapaniwala si Aljon sa narinig, lalo na nang makita niya ang kaniyang ina na malakas at masiglang nakangiti habang nakikipag-usap sa isang lalaki…

“Inay, bukod pa ho sa bahay at lupa ay hahandugan din namin kayo ng dalawang daang libong pisong maaari ninyong gamiting kapital sa negosyo, at scholarship hanggang kolehiyo, para sa inyong anak!”

Nang marinig ni Aljon ang sinabing iyon ng lalaki ay bigla niyang naalala ang batang pulubi kanina na walang pagdadalawang-isip niyang tinulungan…

“Maraming salamat po, Diyos ko!” iyon na lamang ang kaniyang nasambit bago niya niyakap ang ina at kapatid.

Advertisement