Bulaklak Para Sa Iyo

Si Bea ang pinakamagandang volunteer nurse sa liblib na barrio ng San Martin. Hinahangaan ng mga kalalakihan ang kanyang maamo at mala-artistahing mukha.

Palibahasa ay siya ang pinakabata sa mga nurse na nakatoka sa maliit na klinika sa lugar na iyon. Bukod sa panlabas na ganda ay napakabait rin ng dalaga kaya siya ang palaging hinahanap ng mga nagpapagamot sa klinika.

Palagi rin itong nakangiti kapag kinakausap. Di lang siya mahusay makisama sa mga kasamahan niyang nurse, mahusay rin siya makisama sa mga pasyente sa barrio.

Isang araw ay may lalaking dumalaw sa klinika at hinahanap siya kaya pinuntahan si Bea ng kanyang mga katrabaho.

“Uy Bea, narito na naman ang tagahanga mo,” bulong sa kanya ng isang kasamahan, siniko pa siya nito.

Agad namang hinanap niya ang tinutukoy nito. Napailing na lamang siya dahil nasa harap na naman niya ang trese anyos na binatilyo na palaging nagdadala sa kanya ng bulaklak.

Naging pasyente ang binatilyo noon sa klinika kung saan nagkaroon ito ng malubhang sugat sa tiyan dahil aksidenteng nabaril ng mga dayuhang mangangaso sa gubat. Mabuti na lamang at naagapan at nailigtas ito at malaki ang ambag ni Bea sa paggaling ng binatilyo dahil isa siya sa gumamot sa sugat nito.

Ewan niya ba, akala yata ng binatilyo ay magkaedad sila, beinte uno anyos na siya.

Advertisement

“K-kumusta ka?” wika niya rito, pinipilit na magpaka-kaswal.

Namula naman ang pisngi ng binatilyo at nahihiyang ngumiti, sabay abot sa kanya ng bungkos ng bulaklak na dala. Kinuha naman niya iyon dahil ayaw niya itong mapahiya. Pero kailangan niyang pagsabihan ang binatilyo, bukod sa menor de edad pa ito ay hindi siya nagpadestino sa lugar na iyon para magpaligaw o humanap ng mamahalin, naroon siya dahil iyon ang sinumpaan niya, ang gumamot ng mga pasyenteng nangangailangan ng kanyang tulong lalong-lalo na ang mga mahihirap na hindi kayang magbayad sa serbisyo ng mga manggagamot.

Patalikod na ang binatilyo nang muli niya itong tawagin.

“A, e boy?” sabi niya rito.

Agad naman itong humarap. “B-bakit?” nakangiting tanong nito.

Naipikit ni Bea ang mga mata at bumuntong-hininga muna bago tuluyang magsalita.

“Pasensya ka na pero may mahal na akong iba, e. H-huwag ka na sanang pupunta rito at huwag mo na akong bibigyan ng mga bulaklak,” dire-diretsong sabi niya.

“Diyos ko, bakit ko ba nasabi iyon? Kainis ka naman Bea, e hindi dapat iyon!” gigil niyang bulong sa sarili.

Advertisement

Babawiin niya sana ang sinabi ngunit huli na dahil nagmamadaling umalis ang binatilyo na halatang nasaktan sa sinabi niya.

“Hala ka, Bea grabe ka naman! Hindi pa man hayagang nanliligaw ay binasted mo na agad iyong bata?” natatawang sabi ng isa niyang kasamahang nurse.

“Naku, buti na iyon at malaman niya na hindi kami pwede. Ang laki ng tanda ko sa kanya at saka napakabata pa niya para pasukin ang mundo ng pag-ibig,” wika niya.

Dumating ang araw na kinailangan niyang bumalik sa Maynila para doon naman gamitin ang kaalaman niya sa panggagamot. Bago pa siya umalis sa San Martin ay hindi na nagpakita sa kanya ang binatilyo sa isip niya ay nakalimutan na siya nito dahil sa sinabi niya. Mabilis na lumipas ang mga taon at muli siyang bumalik sa barrio para dalawin ang maliit na klinika doon.

“Naku, Bea ikaw na ba iyan? Mabuti naman at bumalik ka rito. Mas lalo kang gumanda,” masayang bati sa kanya ni Dra. Sebastian na nakadestino rin sa liblib na lugar na iyon.

“Kumusta na po Dra? Narito po ako para dalawin kayo rito,” tangi niyang naisagot.

“Tamang-tama ang punta mo dahil piyesta ngayon dito. May sayawan mamaya sa plaza. Samahan mo kami, balita ko ay wala ka pa ring boyfriend? Baka doon mo na makita ang lalaking magpapatibok sa puso mo,” wika pa ng Doktora.

Wala na siyang nagawa dahil pinagtulungan na siyang isama ni Dra. Sebastian at mga kapwa niyang nurse sa sayawan sa plaza nang sumapit ang gabi. Sa isip niya ay wala naman siyang gagawin roon, uupo lang siya at tutunganga sa isang tabi.

Advertisement

Pero hindi natuloy ang kanyang plano dahil agad na napukaw ang pansin niya ng isang binata na pumasok sa sayawan, parang bumagal ang ikot ng mundo niya. Laking gulat niya nang tumingin ito sa kanya. Sa una ay sinipat-sipat pa siya nito hanggang sa lumapit na ito sa kinauupuan niya.

“Pwede ka bang mai-sayaw?” sabi nito sa kanya.

Ewan ba niya pero tila may magnet ang binata at tuluyang siyang napatayo para sumama rito na magsayaw.

Habang isinasayaw siya nito ay may kakaiba siyang kilig na nararamdaman. Hindi niya mawari ngunit ngayon lang siya nakaramdam ng ganoon sa buong buhay niya. Hindi niya napigilan ang sarili na tanungin ito.

“A-anong pangalan mo? Ilang buwan din akong naging nurse dito sa barrio ninyo ngunit hindi kita kailanman nakita. Marahil ay hindi ka naman nagkakasakit,” sabi niya sa binata.

“Hindi mo talaga ako nakikilala? Ako, kilalang-kilala kita dahil sinayang mo lang ang mga bulaklak na ibinigay ko sa iyo noon,” sabi nito.

Nanlaki ang mga mata ni Bea sa inihayag ng binata.

“Ikaw iyong binatilyong…”

Advertisement

“At hindi mo rin pala talaga natandaan ang pangalan ko? Ipapaalala ko ulit sa iyo, ako si Eris ang binatilyong manliligaw mo noon,” bunyag pa nito.

Hindi siya nakapagsalita. Malay ba niya na guguwapo ito ng ganoon. Mas lalo itong tumangkad at gumanda ang pangangatawan. Bukod doon, wala talaga sa isip niya na pagtuunan ito ng pansin noon dahil ang tingin niya rito ay isang bata lamang na humahanga sa kanya.

“Hindi ako naniwala sa iyo noon na may boyfriend ka na. Kaya pinaghandaan ko ang araw na muli tayong magkikita. Salamat sa Diyos at dininig niya ang panalangin ko na pagtagpuin tayong muli. At saka beinte uno na ako ngayon, nasa tamang edad na. Siguro naman ay pwede na akong manligaw sa iyo ulit,” wika nito sa kanya.

Sa sinabi ni Eris ay pinamulahan ng mukha si Bea.

“Sinabi ko lang iyon sa iyo noon dahil masyado ka pang bata at mas matanda ako sa iyo. P-pero pagbibigyan ko ang hiling mo kung bibigyan mo ulit ako ng mga mababangong bulaklak na ibinibigay mo sa akin noon,” nakangiting sabi ni Bea.

Itinuloy ng binata ang panliligaw kay Bea hanggang sa makuha rin nito ang matamis na oo ng dalaga. Hindi nagtagal ay ikinasal ang dalawa. Ilang taon man ang agwat ni Bea kay Eris ay hindi iyon naging hadlang para mamuhay sila ng maligaya kasama ang kanilang dalawang supling.

Napatunayan nila na ang pag-ibig ay walang pinipiling edad. Ang mahalaga ay nagkakaunawaan ang kanilang mga puso sa isa’t isa.