Inday TrendingInday Trending
Anak Sa Labas

Anak Sa Labas

Kahit na buong angkan ni Christine ang kumontra sa kaniyang desisyon ay hindi siya nagpatinag. Pinakinggan niya ang puso at naniwala sa pag-ibig na makakayanan nila ng nobyo niyang si Jasper.

Ngayong malapit na kasi silang ikasal ng lalaki ay saka lumutang ang anak nito sa labas. Anak daw niya ito sa isang bayarang babae na nakanaig niya nang minsang malasing ng sobra ang lalaki. Hindi naman niya lubos akalain na nagbunga ang katangahan at wala siyang magawa nang iwan ang bata sa kaniyang bahay.

Pina-DNA test na rin nila ito at kompirmadong anak nga ito ng nobyo, ng lalaking pakakasalan niya kahit pa itakwil siya ng mga magulang dahil kahihiyan daw ang dala ni Jasper sa kanilang pamilya.

“Patawarin mo ako mahal, kung ito ang dala kong problema sa’yo,” malungkot na saad ng binata.

“Kahit na hindi sa simbahan ang kasal natin, kahit na ilang beses pa nila akong itakwil ay ikaw at ikaw pa rin ang pipiliin ko. Hindi naman malas ang bata, biyaya iyan galing sa itaas kaya asahan mong mamahalin ko siya nang parang anak ko rin,” sagot ni Christine sa nobyo.

Saka nila idinaos ang simpleng kasal sa munisipyo kung saan siya at si Jasper kasama ng ilan nilang kaibigan lamang ang dumalo.

Hanggang sa nagsimula sila sa kanilang buhay mag-asawa, nagkaroon ng supling ang dalawa na siya namang labis na minahal ni Jasper. Ngunit umabot na sila sa tatlo at hindi pa rin nakakabuo ng lalaking anak si Christine kaya naman namumuo ang selos niya sa anak ni Jasper sa labas na si Jonathan. Mas madalas kasing kalaro ito ng kaniyang asawa lalo na’t nagbibinata na ang lalaki.

“Hoy, Jonathan, mag-igib ka nga ng tubig sa labas. Simula ngayon ay ikaw na ang mag-iigib ng tubig na pangligo ng mga kapatid mo lalo na kapag wala ang asawa ko,” baling ni Christine sa binata.

“Opo mama,” sagot naman ni Jasper na sampong taong gulang.

“Wag mo nga akong matawag-tawag na mama! Dahil hindi kita anak, ang nanay mo pokpok! Bumubukaka kung kani-kanino at hindi sinasadyang nabuo ka! Kaya hindi kita aangkinin bilang anak ko kahit na kailan,” galit na bulyaw niya kay Jonathan habang dinuduro nito ang noo ng bata.

“Wag na wag kang makakapagsumbong sa tatay mo kung ayaw mong palayasin kita! Tandaan mo, sampid ka lang sa pamilya namin. Kapag nagdesisyon akong itapon ka ay pupulutin ka sa kangkungan!” dagdag pa niya sa bata.

Palaging inaalipusta ni Christine si Jonathan lalo na kapag wala ang mister, halos gawin niyang katulong ang bata at mas lalo pang naging masaklap ang buhay ng lalaki nang pati mga kapatid niya sa ama ay ganoon din ang turing sa kaniya.

Lumipas ang mahabang panahon at ngayon ay magtatapos na nag highschool si Jonathan at magtatapos naman ng elementarya ang bunso ni Christine na si Jemma, ang paboritong anak ng babae.

“Hoy, Jonathan, tutal wala ka namang honor sa school ay ikaw na muna ang kumulekta ng mga bayad sa alahas na pautang ko sa kabilang barangay. Huwag na huwag kang magkakamaling mangupit,” bulong ni Christine habang palihim na pinipingot ang tenga ni Jonathan.

“Opo,” sagot ng binata.

Alahera kasi si Christine, dagdag kita niya ito bukod pa sa trabaho, tulong niya ito sa pagpapaaral sa mga anak at gastusin sa kanilang bahay. Ayaw kasi niyang nahihirapan si Jasper at naawa siya kapag nakikita itong namomoblema sa pera.

“Mama, bakit mo inutusan ‘yun si Jonathan? Mangungupit lang ‘yun, e,” wika ni Jemma sa kaniyang ina.

“Hindi ‘yun mangungupit anak, takot lang nun sa akin na palayasin ko siya. Saka isa pa, ayaw kong nahihirapan ka, gusto ko magfocus ka lang sa pag-aaral. Hindi niyo kailangan mamoblema sa pera at sa mga gawaing bahay. Si Jonathan na ang bahala roon,” saad naman ng babae sa kaniyang anak at sabay pa silang nagtawanan.

Lumipas ang bakasyon at ngayon ay pasukan na naman. Naihanda na ni Chirstine ang mga gamit ng kaniyang mga anak sa pagpasok ng eskwela.

“Tita, san ho ba ako papasok na kolehiyo? Pwede po bang sa UE?” mahinahong tanong ni Jonathan kay Christine.

“Anong UE ang pinagsasabi mo? Tama na ‘yung makapagtapos ka ng high school, saka wala ka naman mararating sa buhay kasi nanay mo nga mababa ang lipad. Ikaw pa kaya?” natatawang sagot ng babae habang nagtutupi ito ng mga damit.

“Pakikiusapan ko na lang ho si papa na pag-aralin ako ng kolehiyo,” matigas na saad ng binata.

“Aba, mukhang matigas na buto mo, ha. E di sabihin mo! Sa tingin mo ba pag-aaralin ka niya kung ayaw ko? Alam mo, Jonathan, tutal matanda ka na rin naman, bakit hindi ka na lang lumayas? Umalis ka na lang dito sa amin, para naman hindi na laging kumukulo ang dugo ko sa’yo at mas maging tahimik din ang buhay mo. Parehas tayong makikinabang kapag ganun,” pahayag ng babae.

“Hindi ko po alam kung bakit kayo ganyan sa akin, pero hayaan niyo ho. Darating ang araw na mawawala rin ako sa buhay niyo,” sagot sa kaniya ni Jonathan na may nanginginig na boses.

Hindi naman naapektuhan si Christine at mas natuwa pa itong nasasaktan niya ang anak ni Jasper sa labas.

Kinaumagahan, araw ng linggo at maglalako si Christine ng kaniyang mga tindang ginto. Ito kasi ang pinakamagandang araw na magbenta, paano’y nasa bahay ang lahat ng posible niyang maging customer.

“Anak, ilabas mo nga ‘yung kahon ng mga alahas natin. Magtitinda na ako,” utos ni Christine sa kaniyang anak na si Jemma.

Agad namang kinuha ng dalaga ang gamit ng kaniyang ina. Pagbukas nilang dalawa ay wala na itong laman.

“Hala mama, si Jonathan ‘yan! Ninakawan ka na! Nakita ko siya pumunta sa pawnshop, kaya pala. Ayan na ngayon, limas ang alahas mo!” mabilis na sigaw ni Jemma sa kaniya.

“Ay, tang*na talaga!” baling ni Christine at saka mabilis na tumayo at pinagsisipa si Jonathan na noon ay natutulog pa. Wala kasi si Jasper, dahil stay in ang trabaho ng lalaki sa Pampanga kaya minsan lang ito umuwi sa kanila.

“Tang*na mo! Magnanakaw ka! Pagkatapos kitang palamunin ay ito lang ang isusukli mo sa akin? Lumayas ka!” saad ni Christine sabay sipa ng malakas sa kung saan-saang parte ng katawan ni Jonathan. Pinaghahagis din niya ang mga damit nito at pinunit ang iba sa sobrang galit.

“Tita, ano pong sinasabi niyo, wala po akong ninanakaw sa inyo!” sagot naman ni Jonathan na naluluha na.

“Wag ka na magdahilan pa, hayop ka! Lumayas ka sa pamilya namin! Tama nga ang mga magulang ko, malas ang dala mo,” bulyaw pang muli ng babae at sabay kaladkad niya kay Jonathan kahit nga may kalakihan na ang binata.

Walang nagawa si Jonathan kung ‘di ang lumayas. Hindi niya alam kung saan siya pupunta basta naglakas na lamang siya palayo sa miserableng buhay.

Sa kabilang banda naman ay mabilis na nagpunta si Christine sa pawnshop para siguraduhin kung nandoon nga ang mga alahas. Hindi naman nagkamali ang babae dahil kitang-kitang ng dalawa niyang mata ang mga ginto na ngayon ay pagmamay-ari na ng sanglaan.

Umuwi siya na halos hindi na makahinga, sumasakit ang kaniyang dibdib hanggang sa natuluyan si Christine. Inatake sa puso ang babae.

“Mister, kailangan niyo hong makahanap ng kamatch na dugo ni misis. Kailangan po siyang masalinan ng dugo ngayon na,” wika ng doktro kay Jasper.

“Dok, lahat po kami ng mga anak ko ay kadugo ko. Si misis lang ho ang tanging AB positive sa amin. Wala na ho ba kayong supply dito sa ospital?” sagot naman ng lalaki.

“Pa, AB positive ako,” mahinang pahayag ni Jonathan. Nagtinginan naman ang lahat ng mga anak ni Jasper sa kaniya. Hindi sila makapaniwala na ang lalaking inapi nila sa buong buhay nila ay siya namang makakapagligtas sa buhay ng kanilang nanay.

Hindi nagdalawang isip na magbigay ng dugo si Jonathan.

“Kung akala mong mapapatawad ka ni mama diyan sa gagawin mo ay nagkakamali ka! Papalayasin ka pa rin!” isip-isip ni Jemma.

Naging matagumpay naman ang pagsasalin ng dugo kay Christine at nang makapag-ipon na ito ng lakas ay kinausap siya ng asawa.

“Alam mo ba kung sino ang nagbigay sa’yo ng dugo?” tanong ni Jasper sa misis.

“Si Jonathan ba?” sagot ng babae.

“Oo, si Jonathan. Kahit na palagi kayong nag-aaway at palagi mo siyang inaalipusta ay naging mabuti pa rin sa’yo ‘yung bata. Akala mo ba hindi ko alam ang mga ginagawa mo? Alam ko lahat, Christins pero sana bigyan mo naman siya ng puwang diyan sa puso mo,” malungkot na saad ng lalaki.

“Ilang beses ko siyang tinanong at hindi nagbabago ang sagot niya sa’kin. Hindi raw siya ang kumuha ng mga alahas,” dagdag pa ni Jasper.

Saglit na hindi nakasagot si Christine, imbes ay umiyak na lamang ito sa asawa.

“Hindi siya nagsisinungaling, Jasper. Mabuti ang anak mo at maling mali ako. Patawarin mo ako kung pinagmalupitan ko siya. Napakasama kong asawa sa’yo at nanay kay Jonathan. Walang katumbas ang naging kasamaan ko sa kaniya pero tinulungan pa rin niya ako,” umiiyak na sagot ni Misis.

“Nagpunta ako sa pawnshop kasi gusto kong masigurado kung nandoon ang mga alahas. Nandoon nga lahat, Jasper. Pinasilip ko rin an cctv para malaman kung sino ang nagbenta at hindi ‘yun si Jonathan. Si Jemma ang nagbenta ng mga alahas, napag-alaman ko pang suki daw nila ang anak natin. Kaya pala palaging may nawawala sa mga tinda ko, hindi pala si Jonathan ang may kasalanan. Ang anak natin, patawarin mo ako,” paliwanag ng babae.

Doon na lumabas ang katotohanan na nalululong sa sugal ang anak nilang si Jemma kaya nagawa nitong magnakaw. Napag-alaman ding gumagamit ng bawal na gamot ang bunso kaya palagi na lang itong wala sa bahay, buong akala niya ay nag-aaral ng mabuti ang kaniyang anak ‘yun pala ay nagkakamali siya.

At kaya rin nagawang ibaling ni Jemma kay Jonathan ang kasalanan dahil nahuli siya ng kapatid sa kaniyang bisyo.

“Pasensya na po kayo kung nilihim ko sa inyo na alam ko na ang ginagawa ni Jemma. Umabot pa ho tuloy kayo sa ganyan,” pahayag ni Jonathan sa kaniya.

“Ako ang dapat na humingi ng tawad sayo. Ikaw ang inalipusta ko, hinamak ko at hindi ko ginawan ng kahit anong mabuti sa buhay mo pero nagawa mo pa rin akong tulungan. Utang ko sa’yo ang buhay ko, Jonathan,” sagot ni Christine.

“Yun po kasi ang turo ng mama ko, huwag magtanim ng sama ng loob sa kapwa at palaging tutulong sa mga nangangailangan,” saad naman ng binata. Sinula noon ay naging maayos ang pagsasama ng lahat. Pinatawad ni Jonathan si Christine at binigyan ito muli ng pagkakataon. Habang sj Jemma naman ngayon ay nagpapagaling.

Advertisement