Inday TrendingInday Trending
Umasa sa Easy Money

Umasa sa Easy Money

Ganoon na lang ang naramdamang excitement ni Verna matapos maipadala ang perang napag-usapan nila ng kaibigang si April. Mula kasi sa pagpapautang at pagiging online seller ay pinasok na rin ni Verna ngayon ang pagiging investor sa isang networking company. Ayon kasi sa kaibigang si April ay mabilis daw ang kita sa kompaniyang iyon dahil nga malaki na ang sakop ng kanilang negosyo. Marami na ring nagpapatunay na talagang ‘legit’ ‘di umano ang pagkakaroon ng malaking tubo kapag ikaw ay nag-invest sa kompaniya raw na ito. Nag-invest siya ng halos kalahating milyong piso sa kompaniya ng kaibigan at kababata niyang si April na buo ang tiwalang matitriple iyon sa loob lamang ng dalawang buwan ayon sa ipinangako ni April sa kaniya.

Ayaw sanang maniwala ni Verna noong una kaya lang ay nakita niya kung gaano na kaangat ngayon ang buhay ni April kaya naman mabilis din siyang naengganyong sumali.

Maganda na sana ang araw ni Verna noon nang isa sa kaniyang mga resellers sa kaniyang online selling business ang nagreklamo sa kanilang group chat dahil hindi pa nito nakukuha ang stock na inorder at nabayaran na nito sa kaniya.

“Ma’am, pa-update lang po. Bakit wala pa po iyong stock na inorder at nabayaran ko na sa inyo? Sayang naman po kasi iyong araw ko na wala akong nabebenta. Hindi tumatakbo ang negosyo,” ang sabi sa naturang chat ng isa sa kaniyang mga resellers na agad na ikinainit ng ulo ni Verna.

“Napaka-reklamador mo naman! Isang linggo pa lang akong delayed sa pagpapadala. Busy ako sa pagpapayaman dito kaya huwag kang makulit!” ang naiinis namang reply ni Verna rito. “Kapag sinabi kong maghintay ka, maghintay ka!”

“Grabe naman kayo, ma’am. Ako ho’y nagtatanong lang naman,” may pagpapakumbaba pa ring tanong ng reseller kahit pa nga medyo bastos na ang pagkakasagot ni Verna.

“Ah, basta! Wala akong pakialam sa’yo. Kahit mawala kayong lahat ng resellers ko wala na akong pakialam dahil malapit na akong yumaman!” pagmamayabang ni Verna.

Dahil doon ay halos ma-offend ang lahat ng kaniyang resellers na nakabasa ng kaniyang sinabi sa group chat kaya’t agad-agad na pinull-out ng mga ito nang sabay-sabay ang kanilang mga pera. Tinawanan lang naman iyon ni Verna.

Matapos iyon ay isa namang kliyente na umutang sa babae ng pera ang nagrereklamo dahil sa maya’t maya niyang paniningil kahit malayo pa naman ang due date nito.

Nakatikim din ng salita ang naturang kliyente mula kay Verna na talaga namang sobrang nakasakit sa damdamin nito. Sa huli tuloy ay nabalitaan niyang tinakbuhan na lamang siya nito.

Sa kabila ng mga iyon ay nanatiling positibo si Verna dahil nga may inaasahan siyang malaking pera pagkalipas lamang ng dalawang buwan. Iyon ang talagang ipinagmamalaki niya sa lahat ng mga taong gusto niyang yabangan.

Agad na ipinang-shopping ni Verna sa mga mall ang kaniyang mga naitatagong ipon para sa pagpapa-renovate ng kanilang bahay hanggang sa halos maubos na ito.

Isang araw isang malaking balita ang pumutok sa social media na siyang nakapagpalumo ng matindi kay Verna!

Bakit? Dahil si April, ang kaniyang kaibigan, isang big-time scammer pala!

“Babala! Huwag po tayong maniniwala nang basta-basta sa mga nag-o-offer sa atin online. Isang big-time online scammer po ang wanted ngayon at pinaghahahanap ng mga awtoridad na nagngangalang April Salvacion.” Iyon ang narinig ni Verna sa news anchor na nagbabalita sa telebisyon.

Pinaghahahanap na ng pulisya si April na ngayon ay hindi na niya matagpuan o makontak. Nagtatago na si April kasama ang mahigit kumulang na kalahating milyong ipon ni Verna.

Sobra ang naging pag-iyak ni Verna sa mga pangyayaring iyon at nauwi sa wala ang kaniyang mga pinaghirapan, pinagpawisan at pinagpaguran. Hindi niya akalaing magagawa siyang lokohin ng kaibigan. Halos mabaliw na noon si Verna nang dahil sa kaiisip kung paano niya mababawi ang perang in-invest niya kay April. Sobrang laki ng halagang iyon para sa kaniya dahil iyon sana ang gagamitin niyang pampaaral sa kaniyang dalawang anak.

Nauwi sa malaki na lamang leksyon ang mga pangyayaring iyon at labis iyong pinagsisisihan ni Verna. Naisip niya pa nga na baka iyon ay karma niya dahil sa pagiging ganid at sabik niya sa pera o dahil sa pagiging mayabang at mapagmalaki niyang tao sa mga nakakakilala sa kaniya.

Advertisement