Kakaibang Anniversary

Sinulyapan muna ni Jaden ang sarili sa salamin. Napangiti siya nang ma-satisfy siya kanyang itsura. Aba, ang gwapo niya kaya! Tapos noon ay dinampot niya na ang bulaklak at cake sa ibabaw ng mesa.

“Mom, I’m going,” paalam niya sa ina na abala sa pagko-cross stitch.

Tumayo ang ina at hinaplos ang pisngi niya, “Are you sure?”

“Oo naman, ma. Ikaw talaga. Feeling mo baby pa rin ako at first time kong manliligaw. 26 na ako, ma! Tsaka alam mo naman kung gaano ko kamahal si Kate,” pagbibiro ni Jaden.

Umiling ang ginang. “Ayoko lang naman na…”

“Come on. We already talked about this. You know Kate. Ayaw niya na late ako. ‘Di ba nga doon kayo magkasundo? Pareho kayong maaga sa lahat ng bagay. Hinihintay niya na ako. Sige na po. Love you,” masuyong wika ng binata tapos ay lumabas na.

Ilang buntong-hininga pa ang pinakawalan ni Jaden bago sumakay ng kotse.

Nanlalamig ang kamay niya nang hinawakan niya ang manibela. Chineck niya pa ang selpon kung may texts. Tapos ay napangiti nang makita ang masayang mukha ng nobya na siyang wallpaper niya.

Advertisement

“Makikita na kita ulit,” kausap niya sa larawan nito.

Ilang minuto pa ay nakarating na si Jaden sa lugar kung nasaan ito. Sa sobrang excited na makapunta sa nobya ay nalimutan niya pa sa kotse ang cake at bulaklak. Napapailing na binalikan niya na lamang ang mga iyon.

Mayamaya pa ay tumunog ang kaniyang selpon. Alarm pala na sinet niya upang ‘di niya malimutan.

Exactly 2:05 p.m., sinagot ako ni Kate 4 years ago. Anniversary namin + wedding proposal

Napangiti siya sa nakasulat. Naalala niya tuloy noong unang araw na nakilala niya ang dalaga. Kapwa sila estudyante sa isang driving school. Iisa ang kanilang teacher at siya ang kasunod ni Kate. Dahil maaga siyang dumating ay sinabi ng guro na sumama na rin daw saya sa pagtuturo nito sa babae.

“Ayan. Huwag ka munang mag-menor. Jaden, nakikinig ka ba?” natatawang untag ng instructor. Kitang-kita kasi nito sa salamin na hindi naman sa pagmamaneho nakatingin ang binata kung ‘di sa magandang driver.

“Ha? Yes, I’m listening,” sagot ni Jaden.

“You better be. Kasi importante itong itinuturo ko kay Kate. Para ‘di ko na uulitin sa session mo later,” wika ng instructor.

Advertisement

Nagkatinginan naman sina Jaden at Kate sa rearview mirror at halos matunaw ang puso ng binata nang ngitian siya nito.

Mula noon ay ‘di na mapaghiwalay ang dalawa. Ang kanilang pagkakaibigan ay nauwi sa pag-ibig hanggang ito nga, 4th anniversary na nila.

Nagmadaling naglakad si Jaden. Nakakainis ang mga damo. Palibhasa ay umulan kanina kaya medyo maputik ang nilalakaran niya. Grabe, pinakintab pa niya naman ng todo ang kaniyang sapatos.

“Babe! Sorry I’m late!” wika ni Jaden. Sinenyasan niya na rin ang mga binayaran niyang musikero upang tumugtog ng violin.

Tumalima naman ang tatlong lalaki at itinugtog ang theme song ng magkasintahan, Blue Moon.

Natulala si Jaden ng ilang sandali nang marinig ang kanta. Ah, ang sakit pa rin talaga. ‘Di niya namamalayang tumulo na ang kaniyang mga luha.

Napaluhod siya at inilapag ang bulaklak at cake. Pati na rin ang singsing mula sa kaniyang bulsa.

“Kate, happy anniversary my love.” bulong niya sa harap ng lapida nito.

Advertisement

Oo.

Wala na si Kate.

Tatlong buwan na ang nakalipas nang maaksidente silang dalawa habang papunta sila sa Batangas kung saan magpo-propose na sana ang binata. Binangga ng rumaragasang truck ang kanilang sinasakyang kotse. Agaw-buhay na isinugod si Jaden sa ospital habang ang dalaga naman ay ‘di na umabot pa.

Sa katunayan, ilang buwang tulala si Jaden. Para bang sinisisi niya ang sarili sa pagkawala ng nobya kahit pa ang totoo ay wala naman siyang kasalanan. Ang aksidente ay aksidente. Walang may gusto noon. Hindi niya rin magawang lumabas at magmaneho dahil nangangatog siya. Kaya nga ganoon na lang ang pag-aalala ng kaniyang ina kanina.

Pero napanaginipan ni Jaden si Kate. Sinabi ng dalaga na kailangang lakasan niya ang kaniyang loob na harapin ang hamon ng buhay. Kaya heto siya. Mag-isang sinalubong ang mundo. Malungkot man, nakangiti pa rin.

Dagdag pa ng babae, tuloy lang ang agos ng mundo. Kapag nanghihina raw siya ay lagi niyang tandaan na nasa tabi niya lang ito at ‘di naman umalis. At ang pinakamalahaga, kumapit siya sa Diyos.

Sabi nga nila ang tunay na pag-ibig kahit na paglayuin ng tadhana ay mananaig pa rin. Iyan ang pinanghahawakan ni Jaden. ‘Di man niya kasama si Kate palagi naman itong nasa sa puso at isip niya.