Nanggagalaiti ang Ginang sa Matandang Namimitas ng mga Tanim Niyang Bulaklak, Lumambot ang Kaniyang Puso nang Makita Kung Anong Ginagawa Nito Sa Kaniyang Mga Tanim

Nanggagalaiti ang Ginang sa Matandang Namimitas ng mga Tanim Niyang Bulaklak, Lumambot ang Kaniyang Puso nang Makita Kung Anong Ginagawa Nito Sa Kaniyang Mga Tanim

HeartbreakingInspiringStories

“Mama! Namitas na naman ng mga bulaklak yung matandang palagi mong sinisigawan! Kitang-kita ko ang dami niyang kinuha! Pati yung mga tanim mong rosas napitas na yung iba!” balita ni Elsa habang humahangos patungo sa kaniyang inang abala sa panunuod ng telebisyon. 

“Aba, wala talagang paawat ‘yang matandang ‘yan! Tatlong gabi nang namimitas ‘yan! Baka bukas kalbo na ang mga tanim ko! Sana nasugatan siya ng mga rosas ko!” galit na sagot ni Emily habang naglalakad patungo sa kanilang likod bahay kung nasaan ang kaniyang mga pananim na bulaklak. 

“Ayaw niyo pa kasing isumbong sa barangay, eh. Baka sa susunod hindi lang pagpitas ng bulaklak ang gawin niyan! Baka nakawan na rin tayo niyan!” ika ng kaniyang anak saka pumamewang sa kaniyang likuran habang abala siya sa pag-aayos ng kaniyang pananim. 

“Hindi ko pa nahuhuli sa akto, eh. Ikaw ang nakakita, hindi mo man lang kinuhanan ng video o litrato nang may maibigay tayong proweba para hindi na makatanggi!” galit niyang sigaw sa anak. 

“Malay ko ba, eh, nataranta na ako, mama! Makakatikim na talaga sa akin ‘yon, isang bes pa, bulaklak na nga lang, pagdedeskitahan pa!” sambit ng kaniyang anak, bakas din sa mukha nito ang pagkainis. 

“Mayayari talaga ‘yon sa ating dalawa! Hindi naman niya malalamon ‘yon!” ika niya saka padabog na nilapag ang isang paso’t niyaya nang pumasok na sa loob ang anak. 

Nakahiligan ng ginang na si Emely ang pagtatanim ng mga bulaklak nang pumanaw ang kaniyang asawa. Mahilig kasi ito sa iba’t-ibang klase ng bulaklak at mga halaman dahilan kaya upang palaging alalahanin ang kaniyang yumaong minamahal sa buhay, nagdesisyon siyang magtanim at labis siyang nawili dito. 

Ngunit ang pagkawili niyang iyon ang nagpalabas ng kaniyang tunay na ugali. Marami sa mga kapitbahay nila ang nagagandahan sa kaniyang mga pananim. Ngunit kada may hahawak o aamoy lamang sa mga tanim niyang bulaklak, agad na niya itong bubulyawan dahilan upang kainisan siya nang mga ito. 

Ang ugaling ito ay nakuha pa ng kaniyang anak. Sa katunayan, may batang binato ang kaniyang dalagang anak dahil nakita niya itong nakamasid sa mga pananim ng kaniyang ina. Depensa ng kaniyang anak noon, “Baka pitasin niya ang tanim ni mama, eh, mahirap na! Malikot pa naman ang kamay ng mga bata!” na lalo pang naging rason upang ganoon na sila iwasan ng kanilang mga kapitbahay. 

Ngunit nitong mga nakaraang araw, sa tinagal-tagal ng panahong walang lumalapit sa kaniyang mga pananim, may isang matandang namimitas ng kaniyang mga bulaklak na labis niyang ikinagalit. 

Noong gabi ring iyon, wala pang sampung minuto simula noong pumasok sila sa bahay, nakarinig na naman ng kaluskos sa kanilang likod bahay ang kaniyang anak dahilan upang puntahan nilang dalawa iyon. 

Kitang-kita nila kung paano pitasin ng matanda ang kaniyang mga pananim dahilan upang bulyawan niya ito. Ngunit imbis na umalis na kaagad, binilisan lang ng matanda ang pamimitas, kaya naman lumabas na siya ng kanilang bahay. 

Agad namang tumakbo ang matanda nang makita siya. Sa sobrang inis niya, hinabol niya ito at agad naman siyang sinundan ng kaniyang anak. Napadpad silang mag-ina sa tapat ng isang barung-barong sa gilid ng pamilihang malapit sa kanila. 

“Sigurado kang dito pumasok yung matanda?” tanong niya sa kaniyang anak. 

“Opo, mama,” hingal na hingal na sagot nito. 

Dahan-dahan silang sumilip sa pintuan ng naturang barung-barong at laking gulat nila nang tumambad sa kanila ang isang kahoy na kabaong na pinalilibutan ng mga pananim niyang bulaklak. 

“Pasensya na kayo mga iha, pinitas ko ang mga bulaklak niyo. Wala na kasi akong pera pang bili ng bulaklak para sa burol ng asawa ko, eh. Ito, o, mag-biscuit muna kayo nang makabawi naman ako,” pawis na pawis na sambit ng matanda saka sila inabutan ng isang platong biscuit. Bakas sa mukha nito ang magkahalong lungkot at pagkahiyang nararamdaman. 

“Naku, ayos lang po, maiwan na po namin kayo, nakikiramay po kami,” mabilis na sambit ni Emely saka hinila ang anak niyang natulala sa awang naramdaman. 

Kinabukasan, napagdesisyunan nilang mag-ina na bigyan ng kaunting tulong ang matanda. Pinitas nila lahat ng natitirang bulaklak sa kanilang taniman at bumili ng ilang balot ng kape, biscuit at mga pipita para ibigay sa matanda. 

Agad nila itong dinala sa matanda at labis ang kanilang saya nang makita ang kasiyahan nito sa maliit na bagay na kanilang nagawa. 

Doon nila mas nakilala ang matanda at tila natauhan si Emely sa buhay na tinatahak nila ngayon ng kaniyang anak. 

“Siguro nga masyado akong naging madamot at maingat sa mga pananim ko, pati anak ko, nahawaan ko na ng maling ugaling ito. Dapat pala inisip ko na hindi lahat ng tao, may maalwang buhay tulad namin, marami pa rin talagang kapos palad na nakakakuha ng saya sa simpleng mga tanim kong bulaklak,” nakangiti niyang sambit sa isip habang masayang nakikipagkwentuhan sa matanda. 

Simula noon, naging mabait na ang ginang dahilan upang bumalik ang dating nasira nilang relasyon ng kaniyang mga kapitbahay na talaga nga namang nagbigay ng tunay na kaligayahan sa kanilang mag-ina. 

Madalas tayong maging labis na maingat sa mga bagay na ating pinapahalagahan. Hindi naman ito masama,  ngunit lagi nating kontrolin ang ating emosyon nang hindi masangkot sa gulo dahil lamang dito. 

More Stories