Laging Sinisigawan ng Ginang ang Matandang Palaging Nangungutang sa Kaniyang Tindahan, Bigla Siyang Natauhan Nang Magkapalit Sila ng Buhay
“Hindi nga pwede mangutang, Aling Perla! Kakabukas ko lang, ‘di ba? Saka may utang ka pa nga dito, eh. Kailan mo balak magbayad, ha?” bulyaw ni Wendy sa matandang nangungutang sa kaniya.
“Naku, Wendy, huwag ka naman masyadong sumigaw, nakakahiya sa mga nakakarinig, eh,” bulong nito sa kaniya, bakas sa mukha ng matanda ang pagkahiya.
“Aba, dapat lang na mahiya ka. Halos magdadalawang buwan na ang utang niyo! Halagang dalawang daang piso, hindi ka makabayad?” ika pa niya, dahilan upang mag-umpisa nang magbulungan ang iba pang nakaabang para bumili.
“Pasensya ka na, talagang walang-wala kami ngayon, eh. Sabay-sabay nawalan ng trabaho ang mga anak ko,” daing ng matanda sa kaniya, tila desidido itong makautang sa kaniya.
“Kaya mangungutang ka na naman sa akin? Ano, para mga anak ko naman ang magutom?” masungit niyang sagot habang pinupunasan ang kaniyang mga paninda.
“Wendy naman, halagang singkwenta pesos na noodles lang ang uutangin ko, para lang may pananghalian kami, siguro naman hindi ikakagutom ng mga anak mo ‘yon,” sagot ng matanda dahilan upang mas lalong mag-init ang kaniyang ulo.
“Kahit na! Umalis ka na at may mga bibili pa, o. Huwag kang masanay mangutang! Wala ka namang pangbayad!” bulyaw niya pa dito dahilan upang mapaatras na ang matanda, “Ano po sa inyo? Dali,” sigaw niya sa ibang bibili, tuluyan naman niyang nakitang umalis na ang matanda dahilan upang mailing na lamang siya.
Ina ng tatlong mga paslit ang ginang na si Wendy at sa pamamagitan ng isang sari-sari store, nabuhay at naibigay niya sa kaniyang mga anak ang mga pangangailangan ng mga ito.
Bata pa lamang ang kaniyang bunsong anak nang mahuli niyang may ibang babae ang kaniyang asawa na naging dahilan nang kanilang hiwalayan. Mas pinili kasi nito ang bagong babae kumpara sa kanila ng kaniyang mga anak na labis niyang ikinagalit.
Simula noon, mag-isa na niyang tinaguyod ang kaniyang mga anak dahilan upang maging masinop siya sa pera’t naising kumita nang malaki sa araw-araw.
Kaya ganoon na lamang ang inis niya sa mga kapitbahay niyang pilit na nangungutang sa kaniya.
Nang araw na ‘yon, pagkaalis ni Aling Perla, paunti-unit ang mga bumibili sa kaniya hanggang sa umabot na ng gabi at wala siyang gaanong benta.
“Malas talaga sa paninda ko ‘yang matandang ‘yan, eh,” sambit niya, habang isinasara na niya ang kaniyang tindahan, “Hindi ko namang obligasyong pakainin sila!” inis niya pang sambit saka tuluyan nang nagsara.
Ngunit pagkagising niya, laking gulat niya nang makitang humahagulgol ang bunsong anak dahil sa gutom.
Magpupunta sana siya sa kaniyang tindahan upang kumuha ng makakain ngunit limas lahat ng kaniyang paninda.
“Mama, mangutang ka na lang po kay Aling Perla, kahit noodles lang po, kumukulo na po talaga ang tiyan ko,” sambit pa ng kaniyang panganay na anak.
Labis man siyang nagtataka sa nangyayari, agad siyang nagpunta sa bahay ng matanda at laking gulat niya nang puno ang bahay nito ng mga paninda, maraming nabili at bakas sa mukha ng matanda ang kagalakan.
Kahit pa nahihiya, nilakasan niya ang kaniyang loob para sa kumukulong tiyan ng kaniyang mga anak.
“O, Wendy, kukuha ka ba ulit? Naku, huwag ka na umutang, lalaki lang ang babayaran mo, eh. Ito, tanggapin mo, ako nagluto niyan!” nakangiting ika ng matanda saka inabot sa kaniya ang isang malaking tasa ng arozcaldo. Mangiyakngiyak niya itong tinanggap at pinakain sa kaniyang mga anak.
“Grabe, ang bait ni Aling Perla, kahit na pinagtabuyan ko siya kahapon, binigyan niya pa rin ng makakain ang mga anak ko,” sambit niya habang nakamasid sa kaniyang mga anak.
Nagulat naman siya nang bigla siyang makaramdam ng mga pagdagan sa kaniyang likuran.
“Mama, gising na po, marami na pong gustong bumili!” sigaw ng kaniyang bunsong anak dahilan upang mapabalikwas siya.
“Pa-panaginip lang ‘yon?” tanong niya sa sarili saka siya agad na nagtungo sa kaniyang tindahan, ngunit hindi para magbukas na kaagad, kundi upang kumuha ng ilang mga makakain at dinala niya ito sa bahay ni Aling Perla.
Nadatnan niyang tulala sa pintuan ang matanda, dahilan upang kaagad siyang lumapit dito at iniabot ang kaniyang bitbit na ulam.
“Pasensya ka na sa inasta ko, Aling Perla. Napagtanto kong mali lahat ‘yon, at walang ina ang kayang tumiis sa kaniyang mga anak. Kahit man labag sa loob natin, o kahit matapakan ang dignidad natin, bilang ina gagawin natin ang lahat para sa mga anak natin, kaya patawarin mo ako kung hindi kita agad inintindi,” nakatungong sambit niya, mangiyakngiyak namang nagpasalamat ang matanda sa kaniya.
“Malaking tulong ito, Wendy,” hikbi ng matanda.
Simula noon, naging mabait ang ginang sa kaniyang mga mamimili. Mahigpit man siya sa pagpapautang, basta’t alam niyang kailangang-kailangan ng tao, binibigyan niya ito nang kaunting makakain. Ito rin ang naging dahilan upang mas lalo siyang daksain ng mga tao hanggang sa makapagpatayo na siya ng sarili niyang grocery store na labis niyang ikinatuwa.
Madalas natatabunan ng pagkaganid ang kabaitang naninirahan sa ating puso. Nawa’y lagi nating isaisip na sa tuwing nagbibigay tayo, doble ang maaaring bumalik sa atin.